MAINIT na pinag-usapan pa rin ngayon sa Maynila ay ang parating na local elections.
Umaasa pa rin daw ang kampo ng incumbent Mayor Honey Lacuna na mag-back out ang dating mayor na si Isko Moreno at ikunsider na lang na tumakbong senador.
Pero kung pagbabasehan ang inilabas na latest survey commissioned ng Malakanyang ay malabong si Isko ang aatras sa laban.
Nakakuha ng 77% si Yorme over 13% ni Mayora. Samantalang tie sa 4% sina Naida Angping at si Sam Versoza.
Sa pagka-Vice Mayor naman ay halos pantay lang sina incumbent Vice Mayor Yul Servo at Chi Atienza.
Abante pa rin at hindi matinag-tinag ang congressman sa District 1 na si Cong. Ernix Dionisio na malaki ang lamang sa kalaban niya.
***’
STILL on Manila elections, papasukin na rin ng sikat na blogger na si Rosmar Tan ang pulitika.
Tatakbong kunsehal ng District 1 si Rosmarie Tan-Pamulaklakin.
Ayon pa kay Rosmar nang makausap namin bago siya humarap sa mga constituents namin sa Brgy. UnoDosTres ay nagnanais daw siyang makapaglingkod nang husto sa mga taong higit na nangangailangan ng tulong niya.
Sa totoo lang, sa yaman ni Rosmar ay hindi na niya kailangan ang anumang tatanggapin niya kung sakaling papalarin siyang manalo bilang kunsehal.
Katunayan, hindi pa man nakaupo ay bumili na ng ambulance si Rosmar para magagamit ng mga taga-baranggay niya.
Dagdag pa ni Rosmar na pumapalo sa P13 million a day ang kita niya kapag malakas ang benta ng kanyang skincare products.
Bukod sa kanyang negosyo, si Rosmar ay social media personality na may 21.1M followers sa TikTok, 1.06M sa YouTube at 4.7M sa Facebook
Ipinaliwanag ni Rosmar kung paano siya kumikita ng aniya’y milyun-milyon kada araw.
“And yun po kasi, halimbawa sa isang araw naka-live po ako, big live.
“Sa isang araw naka-live po ako and then kumita po ako ng P13M. Naka-affiliate lang po sa mga distributor, sa reseller po.”
Pinasok na rin ni Rosmar ang pagbili ng real estate properties gaya ng mga bahay at resort na matatagpuan sa Laguna, Batangas at sa iba pang lugar.
(JIMI C. ESCALA)