• March 15, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 12th, 2024

Misa para sa mga biktima ng extrajudicial killings

Posted on: October 12th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGSAGAWA ng misa para sa mga biktima ng extrajudicial killings noong nakalipas na Duterte administration ang isinagawa sa Kamara (Oct. 11) ng umaga bago sinimulan ang ika-walong pagdinig ng Quad Committee Hearing on human Rights Violations.

 

Dumalo sa misa ang pamilya ng mga biktima, Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel at Rise Up for Life and for Rights. Bitbit ng mga kaanak ang litrato, apela
at pag-asa na makakuha ng hustisya at mapanagot ang mga lumabag sa batas. (Vina de Guzman)

P43/kilo ng bigas, ibebenta na sa Kadiwa sites

Posted on: October 12th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

SIMULA Oktubre 11 ay magbebenta na ng mas mababang presyo ng bigas na P43 kada kilo ang mga Kadiwa sites sa bansa.

 

 

Ito, ayon sa National Food Authority (NFA) ay batay sa ilalim ng Rice for All program ng pamahalaan.

 

Ayon sa NFA, ang naturang presyo ay mas mababa kumpara sa P45 per kilo na dating naibebenta rito.

 

 

Sinabi ni Agriculture spokesman Arnel de Mesa, ang hakbang ay bunga ng pakikipagpartner ng ahensiya sa mga farmers cooperative at dulot na rin ng pagbaba ng presyo ng bigas sanhi ng anihan.

 

 

Dulot nito, simula ngayong Biyernes ay madaragdagan pa ng 20 Kadiwa sites sa bansa upang higit na maabot ng taumbayan ang mas mababang halaga ng pagkain.

 

Bukod sa murang bigas, magiging available rin sa mga Kadiwa ng Pangulo ang murang gulay, prutas, isda at iba pang pagkain.

ASEAN, ikinalugod at nagpasalamat sa aktibong presensiya ng Estados Unidos sa rehiyon

Posted on: October 12th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IKINALUGOD ng regional bloc ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang aktibong presensiya ng Estados Unidos sa rehiyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan.

 

Inihayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ASEAN-US Summit, sa sidelines ng 44th at 45th ASEAN Summit and Related Summits.

 

“The regional security and prosperity of ASEAN is bolstered by the continued support of ASEAN’s partners. We, in ASEAN, therefore, appreciate the reliable and active presence of the United States in the region as a force for peace, stability, and security in the Indo-Pacific,” ayon sa Chief Executive.

 

“We equally value the consistent support of the United States for ASEAN Centrality in the evolving regional architecture,” aniya pa rin.

 

Sinabi ni Pangulong Marcos na tinanggap ng ASEAN member-states ang inisyatiba ng Washington pagdating sa pagbibigay ng platform at oportunidad sa pagpapalitan ng pananaw ukol sa magkakaibang saklaw ng usapin kabilang na ang mga umuusbong na teknolohiya, energy transition, climate change, at maritime security.

 

Nanawagan din ang Pangulo para sa pagpapatuloy na implementasyon ng Plan of Action para ipatupad ang ASEAN-United States Strategic Partnership (2021-2025) at Annex nito kung saan saklaw ang lahat ng ASEAN Community Pillars.

 

Sa kabilang dako, si US Secretary of State Antony Blinken ang tumayong kinatawan ni President Joe Biden sa ASEAN Summit and Related Summits ngayong taon.

 

Para kay Blinken, nananatiling nag-aalala ang Estados Unidos sa tumataas na mapanganib at labag sa batas na aksyon ng Tsina sa South at East China Seas, “which have injured people, harmed vessels from ASEAN nations and contradicted commitments to peaceful resolution of disputes.”

 

“The United States will continue to support freedom of navigation and freedom of overflight in the Indo-Pacific,” ayon kay Blinken.

 

Kamakalawa ay nanawagan si Pangulong Marcos para sa “more urgency in the pace of negotiations” ng ASEAN-China Code of Conduct.

 

Sinabi ni Blinken na ang “core elements” ng COC, kabilang na ang geographic scope at legal nature, ay “remain outstanding.”

 

Bilang tugon sa naging pahayag ni Pangulong Marcos sa harap ng ASEAN, sinabi ng Beijing na ipagpapatuloy nito ang ‘advance consultations’ para sa COC.

 

Sa press conference sa Beijing, tinanong si Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning ukol sa NHK report hinggil sa ginawang paghikayat ni Pangulong Marcos sa mga lider ng ASEAN na ” not to turn a blind eye to developments in the South China Sea.

 

“China will continue to work with ASEAN countries to fully and effectively implement the Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, actively advance the consultations of the code of conduct in the South China Sea, and jointly make the South China Sea a sea of peace, friendship and cooperation,” ayon kay Mao.

 

Iniulat naman ng Agence France Presse ang ginawang paghamon ni Pangulong Marcos kay Chinese Premier Li Qiang hinggil sa kamakailan lamang na pag-aaway sa South China Sea sa regional summit talks, umiigting na kasi ang pangamba na sumabog ang labanan sa pinagtatalunang katubigan. (Daris Jose)

Kerwin ibinunyag si ex-PNP chief Bato ang nag-‘pressure’ para idiin si De Lima, Lim sa illegal drug trade

Posted on: October 12th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IBINUNYAG ng umano’y drug lord na si Rolan “Kerwin”Espinosa na prinessure umano siya ni noon ay Philippine National Police chief, at ngayon ay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, noong 2016 na aminin na sangkot ito sa illegal drug trade at isangkot ang ilang high-profile individuals, kabilang na sina dating Senador Leila de Lima at businessman Peter Lim.

 

Ang pagbubunyag ay ginawa ni Espinosa sa kayang testimonya sa pagdinig ng House Quad Committee kung saan ikinuwento niya ang naging karanasan ng kanyang pamilya na biktima ng extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte.

 

Ang kanyang ama na si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na isinangkot sa illegal drug trade, ang pinatay sa loob ng bilangguan noong Nov. 5, 2016, matapos na boluntaryong sumuko sa pulisya matapos ang babala mula kay dating Presidente Rodrigo Duterte na tatargetin siya kung hindi susuko.

 

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Espinosa na matapos siyang arestuhin sa Abu Dhabi at ibinalik sa Pilipinas, puwersa umano siya ni Dela Rosa na isangkot sina de Lima, Limand at iba pang personalidad sa drug trade.

 

Bumalik siya sa bansa noong Nov. 17, 2016, at sinalubong nina Dela Rosa at iba pang pulis sa pagdating niya dakong alas-11 ng gabi.

 

“Sinundo ako ng mga kapulisan dito sa atin, ang sumundo sa akin si General Bato, inakbayan niya ako papunta sa sasakyan,” pahayag ni Espinosa kung saan isinakay siya sa isang puting bulletproof Land Cruiser.

 

Habang nasa loob ng sasakyan, sinabi nito na inatasan umano siya ni Dela Rosa na aminin ang pagkakasangkot sa droga at isangkot sina De Lima at Lim.

 

“Sinabihan niya ako na aminin mo na sangkot ka sa kalakaran sa droga dito sa Pilipinas at idawit ko si Peter Lim at si Leila de Lima para madiin na sila,” pahayag ni Espinosa.

 

Nakulong si De Lima ng pitong taon sa kaso may kaugnayan sa droga subalit napawalang sala.

 

Iginiit ni Espinosa na binalaan umano siya ni dela Rosa na may masamang mangyayari sa kanya kung hindi siya susunod, tulad ng nangyari sa kanyang ama.

 

“Kung hindi raw ako sumunod sa plano, pwedeng mangyari sa akin ang nangyari sa ama ko, isa sa mga pamilya ko ang mamatay din,” pahayag nito.

 

Sinabihan din si Espinosa na isama rin ang actor-politician Richard Gomez sa listahan na sangkot sa illegal drugs, kahit batid niya na walang basehan ang akusasyon.

 

Ayon kay Kerwin, nagmakaawa pa ang kanyang ama na huwag patayin bago binaril.

 

“Matagal na po kaming naghihintay ng hustisya. Alam ko po na ang aking ama, saan man siya ngayon, ay naghihintay din ng katarungan. Sana po sa pagpunta ko dito ay makatulong ako na matuldukan ang isyung ito at mapanagot ang mga may sala,” dagdag nito. (Vina de Guzman)

Libreng PhilHealth coverage sa solo parents pinuri ni Bong Go

Posted on: October 12th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagpapatupad ng libreng PhilHealth coverage solo parnts at kanilang mga anak, alinsunod sa Republic Act No. 11861, o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.

 

 

Isa si Sen. Go sa mga may-akda at co-sponsor ng nasabing batas na awtomatikong isinama ang solo parents sa National Health Insurance Program na nagbibigay ng kinakailangang healthcare support para sa isa sa pinakabulnerableng sektor sa lipunan.

 

 

Sa Circular 2024-0020, nilinaw ng PhilHealth na ang solo parents ay awtomatikong maisasama bilang principal member sa ilalim ng kategoryang “indirect contributor”, na may partikular na “solo parent” subtype.

 

 

Tinitiyak nito na ang parents at kanilang mga anak ay maaaring ma-access ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusu­gan nang walang babayarang karagdagang financial contributions.

 

 

“This is a healthcare win for solo parents. Alam kong hindi madali ang maging solo parent, pero sa tulong ng batas na ito, masisiguro nating may sapat na suporta silang makukuha mula sa gobyerno, lalo pagda­ting sa kalusugan ng kanilang pamilya,” sabi ni Go.

 

 

Nilinaw pa ng PhilHealth na kailangan munang kumuha ng valid Solo Parent Identification Card (SPIC) ang solo parents mula sa kani-kanilang local government units bago i-update ang kanilang membership sa PhilHealth.

 

 

Ang card na ito ay magsisilbing paunang rekisitos para awtomatikong maisama sa ilalim ng expanded coverage.

 

 

Binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng pagtiyak sa accessible healthcare para sa lahat, lalo sa mga solong magulang na nahaharap sa mga hamon.

Congress walang batas pa tungkol sa motorcycle taxis

Posted on: October 12th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TAONG 2019 nabuo ang technical working group (TWG) ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board tungkol sa isang feasibility study sa motorcycle taxis.

 

 

“Legalizing what has already been widely adopted, the study was supposed to last for only two years, but amid the realities of a pandemic and public pressure, it had been extended with no actual deadline,” wika ng LTFRB.

 

 

Noong nakaraang May ay sinumite ng TWG ang kanilang rekomendasyon sa Congress tungkol sa programa ng five-year motorcycle taxi pilot. Nirekomenda ng TWG na ang pag-aaral ay tapusin na at huwag na munang magbigay ng karagdgang slots hanggang hindi pa naipapasa ang batas sa motorcycle-for-hire. Kasama rin sa rekomendasyon na ang provisional licenses ng ngayon tatlong operators ay panatilihin hanggang wala pa batas mula sa Congress.

 

 

Simula noon, nagkaron ng operasyon ang Angkas, Joyride, at Move It na siyang nagbigay ng trabaho sa may 45,000 na Filipinos.

 

Sa ngayon ang Congress ay wala pa pinapasang batas na magbibigay ng legal framework upang magmintina at magkaron ng operasyon ang isang motorcycle taxi network.

 

 

Ayon naman kay LTFRB chairman Teofilo Guadiz III na theoretically kapag natapos na ang pilot study dapat ay lahat ng operasyon ng motorcycle ay tapos na rin o di kaya ay hanggang hindi pa naipapasa ang batas ng Congress tungkol sa rekomendasyon ay dapat munang panatilihin ang kanilang provisional licenses.

 

Sinabi naman ni Senator Grace Poe sa isang hearing ng Senate committee on public services na sa tingin niya ang publiko ay overwhelming ang pabor upang maging legal ang operasyon ng motorcycle taxis. Ayon sa kanya na based sa TWG survey, may 96 porsiento ng mga pasahero ang nagsabing dapat na payagan ang motorcycle taxis na patuloy na mag exist.

 

“While there were some gaps in implementation that became evident over the course of the five-year program, the learnings from the program will help Congress pass the much-awaited motorcycles-for-hire bill. However, I stress that motorcycle taxis must adhere to the highest standards of road safety to make motorcycle taxis a true mobility alternative,” saad ni Poe.

 

Nasa 45,000 na riders ang at stake sa programa at hinihintay na lamang upang malaman ang kahahantungan ng kabuhayan ng mga riders kung saan nakadepende sa matagumpay na pag-aaral ng programa at kung magiging mabilis ang aksyon at desisyon ng pamahalaan tungkol dito.

 

 

Nagkaroon ng pag-aaral dahil noong pre-pandemic, ang mga pasahero na nagmamadali at dahil na rin sa sobrang trapik ay ang sumakay sa habal-habal o ang tinatawag na colorum motorcycle taxis. Dahil ilegal ang nature ng operasyon, nagdesisyon ang LTFRB na bumuo ng TWG na magkaroon ng isang feasibility study noong 2019. LASACMAR