HINIKAYAT ng mga lider ng grupong young guns sa Kamara leaders na magkaroon ng psychological evaluation kay Vice President Sara Duterte matapos ang ginawang pahayag nito sa isang press conference.
Sa naturang conference, inamin nito na nasa imahinasyon niya ang pagpugot umano sa ulo ni Presidente Bongbong Marcos at ipahukay ang labi ni dating pangulong Marcos Sr. At itapon ito sa West Philippine Sea.
Ikinaalarma ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun ang naging pahayag na ito ni Duterte na nagsabing “walang matinong tao ang makakaisip, lalo’t gagawa, ng ganitong klaseng pahayag. Nakababahala ang antas ng kawalan ng katinuan sa kanyang mga salita.”
“For someone in such a high position to make violent and grotesque threats, even in jest, shows a troubling level of instability. Kailangang magkaroon ng masusing psychological assessment upang matiyak kung siya ay karapat-dapat pang maglingkod sa bayan sa ganitong kritikal na posisyon,” pahayag pa nito.
Inihayag naman ni House Assistant Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang posibleng panganib sa mga pahayag na ito ni Duterte at ang seryosong implikasyon sa kanyang binitawang salita.
“Ang ganitong uri ng marahas at nakakatakot na mga pahayag ay hindi katanggap-tanggap mula sa kahit sino, lalo na sa isang nakaupong Bise Presidente. Malinaw na may malalaking katanungan tungkol sa kanyang estado ng pag-iisip at emosyonal na kalagayan. We urge the Office of the Vice President to consider seeking professional help for Vice President, Duterte, as this behavior is deeply concerning and could have serious consequences for our nation’s leadership,” dagdag ni Ortega.
Sa isinagawang press conference nitong Biyernes, ikinuwento ni Duterte ang isang pagkakataon na inimahinasyon niya ang pagpugot sa ulo ng presidente, kung saan na-realize niya kung gaano ka-toxic ang kanilang relasyon.
Sinabi pa ni Duterte na minsan ay pinadalhan niya ng mensahe si Senadora Imee Marcos, na nagbabala na kapagnagpatuloy ang pag-atake sa kanya ay ipahuhukay niya umano ang labi ng kanilang amang si dating Presidentw Ferdinand E. Marcos Sr., at itatapon ito sa West Philippine Sea. Idinagdag nito na hindi tumugon ang senadora sa kanyang mensahe.
Ang pahayag ng bise presidente ay kasunod na rin sa patuloy na pagbusisi sa ginawang paggastos sa podno ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd), kung saan nagsilbi itong kalihim ng dalawang taon bago magbitiw nitong nakalipas na Hulyo.
Sa press conference, hindi naman niya binanggit ang isyu kaugnay sa CIFs at mga testimonya mula sa military officers.
At sa halip ay nagsagawa ito ng personal at agresibong pag atake sa pangulo. (Vina de Guzman)