• November 21, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 29th, 2024

Dodgers tinalo ang Yankees 2-0

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TINALO ng Los Angeles Dodgers 2-0 ang New York Yankees sa pagsisimula ng World Series.

 

 

Naging susi sa panalo ang nagawang home runs nina Tommy Edman, Teoscar Hernandez at Freddie Freeman ganun din ang matagumpay na pitching ni Yoshinobo Yamamoto.

 

 

Nabahala naman ang fans ng Dodgers matapos na magtamo ng injury si Japanese star Shohei Ohtani.

 

 

Pinawi naman ni Dodgers manager Dave Roberts ang pangamba ng fans dahil ang injury ni Ohtani ay hindi gaanong kalakihan.

Ex-tennis star Maria Sharapova napili bilang 2025 Tennis Hall of Fame

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAPILI bilang inductees ng 2025 International Tennis Hall of Fame si dating World number Maria Sharapova.

 

Kasama rin itong napili ang US doubles team na magkapati na sina Bob at Mike Bryan.

 

Ang five-time Grand Slam champion ay isa sa 10 mga babae na nagkamit ng career singles Grand Slam.

 

Nanatili siya ng limang taon sa pagiging numero uno sa kabuuang career WTA career niya mula 2001 hanggang 2020.

 

Habang ang magkapatid na Bryan nagwagi ng 16 major doubles title at naging pinakamatagumpay na duo sa ATP na hawak nila ang pagiging numero uno sa loob ng 438 linggo.

BEST tankers hakot pa ng 4 golds sa Japan

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

HINDI maawat ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST) na humakot pa ng apat na gintong medalya tampok ang tatlong ginto mula kay Kristian Yugo Cabana sa pagpapatuloy ng 2024 Buccaneer Invitational Swimming Championships na ginaganap sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.

 

 

Walang nakatibag sa Lucena City pride na si Cabana matapos walisin ang lahat ng tatlong events nito sa boys’ 13-14 category sa ikalawang araw ng kumpetisyon.

 

 

Mainit na sinimulan ni Cabana ang ratsada nang mamayagpag ito sa 100m butterfly kung saan naitala nito ang 58.71 segundo para ilampaso sina silver medalist Nicolas Radzimski ng Poland na nagsumite ng malayong 1:02.16 at bronze medalist Luca Hashimoto ng Japan na may 1:05.03.

 

Muling umariba si Cabana nang pagharian nito ang 400m Individual Medley at 100m freestyle para makumpleto ang three-event sweep.

 

 

“Hindi ko po ini-expect na makukuha ko lahat ng golds and I’m happy na nagbunga lahat ng pagsisikap ko sa training. Hopefully magtuluy-tuloy dahil may three events pa akong lalabanan,” ani Cabana.

 

Tatlo pang events ang lalahukan ni Cabana sa final day kung saan pakay nitong makuha ang ginto sa 100m backstroke, 200m butterfly at 200m IM.

 

 

Nagparamdam din ng puwersa si Therese Annika Quinto na umani ng isang ginto at isang tanso sa girls’ 13-14 division.

 

 

Nangibabaw si Quinto sa 200m backstroke matapos ilista ang 2:40.67 habang nakasiguro rin ito ng tanso sa 200m freestyle (2:29.08).

 

 

Maliban sa apat na ginto at isang tanso, may naibulsa rin ang BEST squad na isang pilak mula kay Juancho Jamon sa boys’ 10-under 50m backstroke at dalawang tanso mula kina Athena Custodio sa girls’ 13-14 200m backstroke at Behrouz Mohammad Madi Mojdeh sa boys’ 13-14 100m butterfly.

 

Sa kabuuan, may limang ginto, apat na pilak at apat na tanso na ang BEST tankers matapos ang dalawang araw na kumpetisyon na inaasahang madaragdagan pa sa final day.

 

 

“Nagdeliver talaga ang mga bata. Nandun yung eagerness nila to win medals and we’re hoping na madagdagan pa dahil marami pa silang events na natitira,” ani BEST team manager Joan Mojdeh.

 

 

Nagpasalamat ito sa Filipino community sa Tokyo at sa mga coaches na tumutulong sa mga Pinoy swimmers na lumalaban sa Japan.

 

 

“We would like to thank the Filipino community here in Japan led by Myles Beltran, Arnel Punzalan and Marilyn Yokokoji as well as Shery Alcantara Yusa, Sheryl Ballesteros, Sahlee Bucao, Endo, and Shirley Dizon Yasaka. And also to coaches Sherwyn Santiago and Jerricson Llanos, and SLP president Fred Ancheta,” dagdag ni Mojdeh

2 wanted sa murder sa Valenzuela, nasukol sa Southern Leyte

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAKAS na ang pagtatago sa batas ng dalawang lalaki na kabilang sa mga most wanted persons ng Valenzuela City dahil sa kasong murder matapos silang masukol ng pulisya sa pinagtataguan nilang lugar sa Southern Leyte.

 

 

Ayon kay Valenzuela City Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pagtatago sa Southern Leyte ng No. 1 at No. 2 most wanted persons sa kanilang lungsod na sangkot sa karumal-dumal na krimen.

 

Agad inatasan ni Col. Cayaban si P/Major Randy Llanderal, hepe ng Station Intelligence Section (SIS) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa mga akusado sa naturang lalawigan.

 

 

Alas-11:45 ng gabi nang masukol ng mga tauhan ng SIS, katuwang ang mga tauhan ng Tomas Oppos Municipal Police Station, ang mga akusadong sina alyas “Jelson”, 42, at kaanak niyang si alyas “Anthony”, 28, sa Brgy. Bogo, Tomas Oppos, Southern Leyte kung saan sila nagtago.

 

Dalawa pa nilang kaanak na sina alyas “Cesar” at alyas “Raffy” ang tinutugis pa ng pulisya na kasama rin ng dalawa nang isagawa ang krimen.

 

 

Sinabi ni Col. Cayaban na bitbit ng kanyang mga tauhan si ‘Jelson’ at ‘Anthony’ sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Evangeline Mendoza Francisco ng Branch 270 na may petsang Disyembre 22, 2020 para sa kasong murder at walang inilaang piyansa para sa kanilang pansamantalang paglaya.

 

Pinapurihan naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan ang mga tauhan ng Valenzuela Police sa kanilang pagsisikap na tugisin at madakip ang mga akusado. (Richard Mesa)

Gobyerno ng Singapore, pinasalamatan ni Speaker Romualdez sa kanilang tulong sa biktima ng bagyong Kristine

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PINASALAMATAN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang gobyerno ng Singapore sa kanilang tulong sa mga naging biktima ng bagyong Kristine, partikular na ang papel ng Singaporean Air Force sa pagdala ng tulong sa mga tinamaang komunidad.

 

“Nagpapasalamat kami sa pamahalaan ng Singapore, lalo na kay President Tharman Shanmugaratnam at sa kanilang embahadora dito sa Pilipinas, si Ambassador Constance See, para sa kanilang maagap na pagtulong sa ating bansa,” ani Romualdez.

 

Kabilang na dito ang ipinadalang C-130 aircraft mula sa Singapore Air Force na nagamit para sa mabilis na paghahatid ng relief goods sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng bagyo.

 

Nagpadala ang Singapore Armed Forces (SAF) ng C-130 transport aircraft upang tumulong sa distribusyon ng humanitarian aid supplies, partikular na sa Bicol Region, isa sa mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyo.

 

Ayon sa Speaker, nakatulong ang suporta na ito ng Singapore sa ginagawang relief operations ng administrasyong Bongbong Marcos at kamara at iba pang ahensiya ng gobyerno,
“We truly appreciate this gesture. Singapore is a true friend of the Philippines. Hindi biro ang pinsalang idinulot ng bagyong ito. Ang tulong mula sa mga kaalyadong bansa tulad ng Singapore ay nagbibigay-lakas sa ating bayanihan spirit na magtulungan at magkapit-bisig sa pagbangon,” ani Romualdez.

 

Siniguro naman ng mambabatas sa publiko na patuloy ang kamara sa pagbibigay tulong tulad ng pinansyal at relief goods sa mga pamilyang nawalan ng tahanan at kabuhayan.

 

Una dito, naglunsad ang Ako Bicol Partylist kasama si Speaker Romualdez ng ekstensibong relief and rescue operation sa Bicol.
(Vina de Guzman)

Caritas Manila, ikakasa ang 2nd-round na tulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGHAHANDA na ang Caritas Manila sa second-round ng pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bayong Kristine.

 

Ito ang inihayag ni Fr. Anton CT Pascual, executive director ng Caritas Manila kasabay ng isinasagawang Typhoon Kristine Telethon ng Caritas Manila at Radio Veritas.

 

Unang nagbahagi ng kabuuang 1.2 milyong piso cash ang social arm ng Archdiocese of Manila sa anim na diyosesis ng Bicol na labis na nasalanta ng kalamidad, kabilang na ang Archdiocese ng Caceres, Libmanan, Legazpi, Daet, Virac at Sorsogon.

 

Bukod sa anim na diyosesis, inihahanda naman ng Caritas Manila ang pagpapaabot din ng tulong sa mga diyosesis sa Southern at Central Luzon na hinagupit din ng malakas na bagyo.

 

“Papasok na ang ating second round sa iba pang mga dioceses na tinamaan ng bagyong Kristine hindi lang ang pala bicol region, at northern Luzon, nag SOS din ang mga taga southern tagalog, central Luzon tulad ng Batangas, Cavite at iba pang direktang natamaan ng bagyong Kristine, kaya’t napakalawak ang nasira sa Luzon dahil sa bagyong nagdaan,” ayon kay Fr. Pascual na siya ring pangulo ng Radio Veritas.

 

Patuloy din ang panawagan ng pari sa publiko na makiisa sa Caritas Manila Telethon na isang pagkakataon ng bawat isa na makapagbahagi ng tulong para sa mga higit na nangangailangan.
Pagpapakumpuni ng mga nasirang simbahan.

 

Tiniyak din ni Fr. Pascual ang pagpapakumpuni ng mga nasirang mga kapilya na dulot ng bagyong Kristine.

 

Ayon sa pari, bukod sa relief, rehabilitation, mahalaga ring gawain ng Caritas Manila ang pagtulong sa pagpapagawa ng mga nasirang simbahan, lalo’t ito ang pangunahing kanlungan, lalo na tuwing may kalamidad.

 

Ang mga simbahan din ay nagsisilbing lugar ng mga pagpupulong ng mga layko, at sentro ng pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan.

 

“Ang mga nasirang simbahan, nasirang kapilya. Kasi sa probinsya mahalaga ang kapilya kasi dito nagmimiting ang mga tao, pati DSWD-ginagamit nila ang kapilya ng simbahan para magdistribute sila ng ayuda. Kaya mahalaga sa atin itong mga chapel, mga simbahan. Nasira ang bubong, pader kailangan mayroon tayong restoration. Kaya ang support ng Caritas Manila, kapag may disaster ay relief, rehabilitation at restoration,” ayon pa kay Fr. Pascual.

 

Sa nakalipas na bagyong Yolanda, nakapagpagawa ang Caritas Manila ng may 100 mga kapilya sa Leyte at Samar.

 

“Kaya’t napakahalaga na kapag may sakuna, andyan agad ang simbahan sa kanyang prepositioning ng mga relief goods, kaya’t handa na ang ating social action center lalung-lalo na sa ating eastern boarder-ito kasi ang daanan ng bagyo. Kaya mayroon tayong apat na area dyan, isa sa Mindanao, Visayas, Bicol at sa upper north. Ito yung ating mga regional hub na tinatawag ng Damayan. Kaya’t mayroon na tayong contact dyan at alam na nating meron tayong SOP kapag parating pa lang ang bagyo,” ayon pa sa pari.

 

Muling nanawagan si Fr. Pascual ng pakikiisa at pagtulong sa mga nasalanta lalo’t umaabot sa dalawang milyong katao ang direktang naapektuhan ng bagyong Kristine.

 

“Mahalaga po na tayo ay makapagbigay ng ayuda at makapagbigay ng pag-asa. Kaya’t nawa’y maibsan ang kanilang paghihirap at kawalan ng pag-asa sa pamamagitan ng mga taong may kabutihan. Kaya’t tulungan natin ang gobyerno, nagtulong-tulong ang private sector, civil society, NGO at ang simbahan upang makatulong tayo sa pamamagitan ng relief, rehab at restoration,” ayon pa sa pari.

 

“Hindi naman importante kung gaano kaliit o kalaki, ang mahalaga tayo ay tumulong in-cash or in-kind, para madama ang presensya ng ating simbahan ng ating pananampalataya na nagmamalasakit, lalong-lalo na sa nangangailangan.”

15-anyos na estudyante, patay sa suntok ng SK Kagawad

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PATAY ang isang 15 anyos na estudyante nang suntukin ng Sangguniang Kabataan Kagawad nitong Linggo ng gabi sa Punta, Sta.Ana, Maynila.

 

Idineklarang dead on arrival sa Sta.Ana Hospital ang biktimang si Krisnard Alexus Garcia y Dela Cruz mula Brgy.Hulo,Mandaluyong City.

 

Hawak naman ng pulisya ang suspek na sina Irinro Cardamio III alyas Jimeel, 23, binata ,SK Kagawad ng Brgy.894, Punta Sta.Ana,Maynila at kasabwat nitong si Mark Jorell Trinidad y Dela Cruz, 18, nakatira sa nasani ding lugar.

 

Sa imbestigasyon, dumulog ang biktima sa Barangay hall kaugnay sa panununtok ng SK Kagawad sa kanyang kaibigan.

 

Habang nasa harap ng Barangay hall ang biktima, pinagtulungang bugbugin ng mga suspek ang biktima hanggang bumagsak sa semento.

 

Inawat naman ng mga opisyal ng Barangay ang mga suspek ngunit nagpatuloy ang mga suspek sa pananapak sa biktima hanggang mawalan ito ng malay.

 

Agad siyang dinala sa naturang ospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay . GENE ADSUARA

Quezon City nagwagi ng mga parangal para sa mga programa ng lungsod

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGWAGI ang programa ng Quezon City na Birth Registration Online o QC BRO sa katatapos na 2024 Galing Pook Awards, personal na tinanggap ni Mayor Joy Belmonte at ng City Civil Registry Department (CCRD) ang parangal sa isang seremonya na ginanap sa Taguig City.

 

 

Ang QC BRO ay ang digital birth registration system ng lungsod na nagpadali at nagpabilis sa pag-rehistro sa bawat sanggol na ipinapanganak sa mga ospital at lying-in sa QC.

 

Sinimulan noon pang 2023 at mula noon ay agad na narerehistro lahat ng bagong panganak at magpahanggang ngayon ay zero pa rin ang unregistered birth sa Quezon City.

 

 

Samantala, finalist naman sa Galing Pook ang QC Human Milk Bank na sinimulan noon pang 2015 na naglalayong tugunan ang mga pangangailangan ng mga pre-term na sanggol sa gatas ng ina.

 

Sa kaugnay na balita, muling napagwagian ng Quezon City ang Most Business-Friendly City Award (City Level 1A – HUC’s in NCR) mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry.

 

Personal na tinanggap ni Mayor Joy Belmonte ang pagkilala kasama sina QC Business Permits and Licensing Department Head Margie Mejia at QC Small Business and Cooperatives Development and Promotions Office Head Mona Celine Yap sa ginanap na 50th Philippine Business Conference.

 

Ito na ang pangalawang magkasunod na taon na nasungkit ng lungsod ang pagkilalang ito. (PAUL JOHN REYES)

Young Guns: Duterte dapat makulong dahil sa EJKs

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

KASUNOD na rin sa pahayag ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte na full legal at moral responsibility sa mga naging pagpatay sa kanyang war on drugs sa ginanap na pagdinig sa senado, iginiit ng Young Guns bloc sa kamara na kaharapin ni Duterte ang buong puwersa ng batas at mabilanggo sa naganap na extrajudicial killings (EJKs) ng kanyang administration.

 

“The former President has publicly accepted responsibility for these deaths. If we truly stand by our principles of justice and the rule of law, then Mr. Duterte must be held accountable. He must go to jail for these EJKs. This is not about politics; it’s about justice,” ayon kay Deputy Majority Leader Jude Acidre.

 

Iginiit ni Acidre na walang sinuman, lalung-lalo na yaong nasa kapangyarihan ang immune mula sa legal consequences.

 

“Duterte’s words have given the justice system a clear mandate to act. As public servants, our duty is to uphold justice—not to shield individuals. Duterte must face the legal consequences for his actions.” anang mambabatas.

 

Sinabi naman ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun na ang pag-amin ni Duterte ay isang oportunidad para kumpirmahin ang commitment ng gobyerno ukol sa rule of law.

 

“This is a critical time for our institutions to show their strength by pursuing the legal accountability that so many families have waited for,” anang Kongresista.

 

Nanawagan naman si Cagayan de Oro City Rep. Lordan Suan sa Department of Justice at Office of the Ombudsman na pasimulan ang pagsasagawa ng full investigation. “We cannot ignore such an admission. These institutions must act decisively and transparently to restore faith in our justice system.”
(Vina de Guzman)

Malabon LGU, kinilala ng DILG sa paghahatid ng mga serbisyo

Posted on: October 29th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TUMANGGAP ng maraming parangal ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa pamumuno ni Mayor Jeannie Sandoval mula sa Department of Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) para sa epektibo at mahusay nitong paghahatid ng mga programa para sa kapakanan, kaligtasan, at pagpapabuti ng buhay ng mga Malabueño.

 

“Isang karangalan para sa pamahalaang lungsod ang makatanggap ng mga pagkilala mula sa DILG-NCR para sa ating patuloy na pagbibigay ng dekalidad na serbisyo publiko sa mga Malabueño na nagresulta sa mga tagumpay para sa Malabon. Ito ay patunay ng ating serbisyong tapat, walang pinipili, at nakatuon para sa lahat ng aspeto sa pagpapaunlad ng buhay ng bawat Malabueño,” ani Mayor Jeannie.

 

 

Sinabi ng DILG na ang mga parangal ay ibibigay sa pamahalaang lungsod para sa mga makabuluhang kontribusyon at namumukod-tanging pagganap nito sa iba’t ibang audit, parangal, at pagtasa bilang bahagi ng seremonya ng 2024 Urban Governance Exemplar Awards sa Oktubre 28.

 

Tinukoy ng pambansang ahensya ang Malabon LGU bilang Top Performing LGU sa Peace and Order Council (POC) Performance Audit at Anti-Drug Abuse Coucil (ADAC) Performance Audit, at ang Most Improved LGU sa LGU Compliance Assessment ng Manila Bay Clean- Up, Rehabilitation, at Preservation Program.

 

 

Kinilala rin ito sa namumukod-tanging pagganap nito sa Local Committee on Anti-Trafficking –Violence Against Women and their Children Functionality Audit, Local Council for Protection of Children Functionality Audit, Peace and Order Council, Anti-Drug Abuse Council, at Child-friendly Local Government Audit.

 

 

Ayon kay Mayor Jeannie, kinilala ang pamahalaang lungsod dahil sa patuloy na pagsusumikap nito sa pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan para sa mga magulang ng mga dating/kilalang child laborer; clean-up drive, programa sa baybayin ng Manila Bay at mga daluyan ng tubig sa lungsod; enhanced community-based drug rehabilitation program na tumutulong sa mga taong gumamit ng droga; feeding programs, pamamahagi ng mga school kits at iba pang inisyatiba para sa mga mag-aaral.

 

 

Ayon sa DILG, ang 2024 Urban Governance Awards, na may temang “Upholding Excelence to Local Governance Towards an Inclusive, Resilient, and Safe NCR,” ay naglalayong isulong ang epektibo at sustainable na pamamahala ng mga LGU sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagkilala sa namumukod-tanging pagganap ng lokal na pamahalaan at inspiring others to adopt their best practices.

 

 

“Itong mga parangal na ito ay nagsisilbing paalala para sa atin dito sa Malabon LGU na mas pagbutihin pa ang pagbibigay ng serbisyo at pagpapalawak ng mga programa para sa patuloy nating pag-unlad at pag-ahon,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)