• November 15, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 14th, 2024

2 wanted persons, nasilo ng Valenzuela police

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG wanted persons, kabilang ang isang bebot ang nadakip ng pulisya sa magkahaiwalay na manhunt operation sa Valenzuela City.

 

Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, nakatanggap sila ng impormasyon na naispatan sa Brgy., Maysan ang presensya ng 57-anyos na mister na akusado dahil sa kasong homicide.

 

Inatasan ni Col. Cayaban ang Detective Management Unit (DMU) na bumuo ng team para sa isasagawang pagtugis sa akusado na kabilang sa talaan ng mga most wanted persons sa lungsod.

 

 

Kasama ang mga tauhan ng R-PSB Team 12 ng Northern Police District (NPD), agad nagsagawa ng joint manhunt operation ang DMU na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-11:40 ng umaga sa Maysan Service Road, Brgy., Maysan.

 

Binitbit ng mga tauhan ni Col. Cayaban ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Snooky Maria Ana Bareno Sagayo ng Regional Trial Court Branch 283, Valenzuela City noong November 5, 2024, para sa kasong Homicide.

 

 

Alas-4:00 ng hapon nang maaresto naman sa San Agustin St., Brgy. Karuhatan ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section(WSS) ng Valenzuela police ang 29-anyos na bebot na wanted sa kaso ng pagbebenta ng ilegal na droga.

 

Ang akusado ay dinakip ng mga tauhan ni Col. Cayaban sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge RTC Branch 200, Las Piñas City noong October 3, 2024, para sa paglabag sa Sec. 5 of R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).

 

Pinuri naman ni NPD OIC Director P/Col. Josefino Ligan ang Valenzuela police sa kanilang pagsisikap na tugisin ang mga taong wanted na pinaghahanap ng batas na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga akusado. (Richard Mesa)

Housing loan ng PAG-IBIG tumaas matapos ang pagbawal sa POGO

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAKIKITA na ngayon ng PAG-IBIG funds ang pagtaas ng kumukuha ng housing loans mula ng simulan ng gobyerno ang pagbabawal ng Philippine offshore gaming Operators o (POGO).

 

 

Ayon sa PAG-IBIG na maraming mga condominium units ngayon ang nabakante mula ng palayasin ang mga naninirahang POGO operators.

 

 

Dagdag naman ni Pag-IBIG Acting Vice President Domingo Jacinto Jr na kanilang tinitignan ngayon ang mga inventories nila na ilalaan sa mga miyembro at sellers na magbebenta ng kanilang mga lupain.

 

Una rito ay nagbigay sila ng isang buwang moratorium sa mga miyembro nila na may housing loans lalo na sa mga lugar na sinalanta ng mga bagyo. (Daris Jose)

 

Manila Archbishop Advincula, nanindigang hindi mag-eendorso ng kandidato sa 2025 midterm elections

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NANINDIGAN si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na hindi siya mag-eendorso ng sinumang kandidato sa 2025 Midterm Elections.

 

Ayon kay Advincula, welcome pa rin ang mga kandidato na pumunta sa Archdiocese of Manila ngunit hinding-hindi umano niya ibibigay ang kaniyang endorsement kaninuman.

 

Ayon pa sa arsobispo, bukas siyang makipagkita sa sinumang kandidato ngunit ito ay upang magbigay lamang ng spiritual guidance.

 

Kung makukuhanan man ito ng larawan kasama ang isang kandidato, sinabi ni Advincula na hindi ito dapat tratuhin bilang pag-endorso ng Catholic Church.

 

Ayon pa kay Advincula, sinumang kandidato ay may karapatang humingi ng guidance mula sa simbahan at blessing o pagpapala mula sa arsobispo, na malugod din niyang ibibigay sa mga ito. (Gene Adsuara)

Online purchasing power ng mga Pinoy, lumakas sa reporma ng PBBM admin

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Navotas Congressman Toby Tiangco na ang paglakas ng online purchasing power ng mga Pinoy ay bunga ng inilatag na reporma ng administrasyon na layuning palawakin ang digital economy ng bansa.

 

“President Marcos identified Information Technology as one the key pillars of his administration, and we are now reaping the benefits of this renewed focus on ICT development and digital transformation,” ani Tiangco.

 

 

Ayon pa sa kanya, ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr sa ICT at malinaw na layuning maisulong ang digital information sa bansa ang isa lang sa dahilan ng paglakas ng digital economy.

 

“By improving connectivity, expanding access to the internet, cybersecurity, and streamlining digital technology, the administration has laid the groundwork for digital economies to prosper,” aniya.
Sa pinakahuling ulat ng e-Conomy SEA ng Google, Temasek at Bain & Company lumabas na ang Pilipinas ang may pinakamataas na pag-angat ng Internet economy sa anim na bansa sa Southeast Asia.

 

 

Tulad ng datos mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang sapi ng digital payments ng bansa sa kabuuang transaksiyon sa retail payment ay lumago ng 52.8 porsiyento noong 2023 kumpara sa 42.1 percent noong 2022

 

“I am confident that these positive trends will continue as the country fully embraces the digital revolution. More importantly, targeted government initiatives will further empower digital economies as drivers of growth,” sabi ng mambabatas.

 

 

“We would also like to thank the private sector for their trust and collaboration in the government’s mission to position the Philippines as a major player in the global digital economy,” dagdag niya.

 

Gayunpaman, hinimok ni Tiangco ang Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission na palakasin pa ang kanilang kampanya para labanan ang cybercrime. (Richard Mesa)

VP Sara inakusahan ng ‘cover up’ sa P500 milyong confidential funds sa OVP

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INAKUSAHAN ang umano’y pag-cover up ni Vice President Sara Duterte sa pamamagitan nang pagpigil sa mga malalapit niyang tauhan na sinasabing sangkot sa maling paggamit ng P500 milyon na confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na dumalo sa imbestigasyon ng Kongreso.

 

Ipinahayag ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Go­vernment and Public Accountability, ang kanyang pagkadismaya sa hindi pagdalo ng mga opisyal na may direktang responsibilidad sa paghawak ng pampublikong pondo na sinusuri.

 

“Ang nakikita po namin dito, ang pinapupunta po nila ‘yung mga career officials na sa tingin po namin e hindi naman po sila ang talagang concerned. Parang nagkakaroon po ng cover-up dito po sa issue na ito,” wika ni Chua sa mga tanong ng mamamahayag sa press conference.

 

Sa ikalimang pagdinig ng komite noong Lunes, dumalo ang ­ilang career officials ng OVP—kabilang sina Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Chief ­Accountant Julieta Villa­delrey, Budget Division Chief Edelyn Rabago, at Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Tenido.

 

Gayunpaman, hindi dumalo ang malalapit na kasamahan ni Duterte, tulad ni OVP Undersecretary at Chief of Staff Zuleika Lopez at Special Disbursing Officer Gina Acosta na kapwa nagsilbi bilang staff ni Duterte noong siya ay alkalde ng Davao City.

 

Hinahanap ng komite ang mga paliwanag mula sa mga opisyal ng OVP sa umano’y maling paggamit ng P500-milyon na CIFs para sa huling quarter ng 2022 at ­unang tatlong quarter ng 2023.

 

Itinuro ng COA ang ­halos kalahati ng ­kabuuan at hindi pinayagan ang P73 milyon sa P125 mil­yon na ginastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw sa huling quarter ng 2022. (Daris Jose)

PNP heightened alert vs Bagyong Ofel, Pepito

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

INALERTO na ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng Regional Office nito sa buong bansa laban sa epektong dulot ng paparating na mga bagyong Ofel at Pepito.

 

 

Ayon kay PNP Public Information Office Chief, PBGen. Jean Fajardo, simula alas-8 ng umaga kahapon ay inilagay na sa heightened alert status ang lahat ng Police Regional Office sa bansa.

 

Bunsod ito ng direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng Police Regional Office na makipag-ugnayan sa kanilang Lokal na Pamahalaan at Local Disaster Risk Reduction and Management Offices.

 

Sinabi ni Fajardo na pinagana na nila ang Reactionary Standby Support Force (RSSF) mula sa National Headquarters sa Kampo Crame na gagamiting dagdag pu­wersa sa mga maaapektuhang lalawigan.

 

Hindi na kailangan pang hintayin na may madisgrasya bago rumesponde.

 

Naka-full alert pa rin ang Police Regional Office 2 na una nang hinagupit ng bagyong Nika.

 

 

Tiniyak ng PNP na hindi sila titigil sa kanilang hanay sa pagtugon sa kalamidad kasabay ng pagtupad sa mandatong panatilihin ang kapayapaan at katahimikan ng mga komunidad.

 

Dagdag pa ni Fajardo, pagtutulungan at koordinasyon lamang ang kailangan upang maiwasang madisgrasya ang publiko sa panahon ng kalamidad. (Daris Jose)

Ads November 14, 2024

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MMDA ipapahiram sa COMELEC ang kanilang pasilidad sa Comelec

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NANINIWALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Commission on Elections (Comelec) na malaking tulong ang ginawa nilang ugnayan.

 

Nagkaroon kasi ng kasunduan ang dalawang ahensiya na ipapagamit umano ng MMDA ang kanilang pasilidad sa darating 2025 National and Local Elections.

 

Sinabi ni MMDA chairperson Romando Artes, na hindi lamang mga kagamitan kanilang ipapahiram at sa halip ay maging ang mga tauhan nito.

 

Tutulong ang MMDA sa pagtanggal ng mga iligal na election posters sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. (Daris Jose)

AKAP Mall Tour, namahagi ng P268 milyon sa 53K benepisyaryo

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

PORMAL na inilunsad ng House of Representatives, sa pamumuno ni Speaker Martin G. Romualdez, ang Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) mall tour kung saan umabot sa kabuuang P268.5 milyon ang naipamahaging ayuda sa 53,000 kwalipikadong empleyado ng mall at empleyado ng mga tenant sa apat na malalaking SM Supermalls sa Metro Manila na nakatanggap ng P5,000 bawat isa.

 

 

Ayon kay Speaker Romualdez, ang AKAP Mall Tour ay pagtugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos para sa isang sama-samang pagkilos ng pamahalaan upang harapin ang epekto ng inflation at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan, at upang matulungan ang mga minimum wage earners, low income worker, at mga higit na nangangailangan. Ayon kay Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, ang aktibidad na ito ay hindi lamang nagkakaloob ng pinansyal na ginhawa sa mga benepisyaryo kundi tumutulong din sa pagpapasigla ng ekonomiya sa mga mall at lokal na negosyo, upang matiyak na ang tulong ay naipapaabot sa mga Pilipinong higit na nangangailangan.

 

 

Sinabi ni Gabonada na simple lamang ang proseso ng pagpaparehistro para sa mga benepisyaryo ng AKAP: ang mga kwalipikadong manggagawa ay kailangang magpare­histro online sa Bagong Pilipinas platform at ipakita ang kanilang Bagong Pilipinas ID.

 

Idinagdag niya na may mga scanner na nakalagay sa mga entrance ng mall para tiyakin ang pagiging kwalipikado ng mga empleyado. Pagkatapos ng validation, makakatanggap sila ng notification na magbibigay ng iskedyul ng kanilang payout at iba pang mga kinakailangang dokumento. (Vina de Guzman)

 

Garma umeskapo sa Pinas, arestado sa US

Posted on: November 14th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

HINARANG ng mga awtoridad sa Amerika si da­ting Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) gene­ral manager at retired police Colonel Royina Garma.

 

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na noong Nobyembre 10 sakay ng PR 104 flight patungo sa San Francisco sa Amerika si Garma.

 

Kasama niya ang anak na si Angelica Garma Vilela.

 

Paliwanag ni Remulla, walang hold departure order at walang kaso si Garma kaya maaring lumabas ng bansa ang dating opisyal.

 

Subalit dahil kinansela na ng Amerika ang visa ni ­Garma, hindi na ito pinapasok pagdating sa San Francisco.

 

Pinoproseso na ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapauwi sa mag-inang Garma na inaasahang darating sa bansa ngayon, Nobyembre 13 at agad na idi-diretso sa Senado dahil isa siyang witness.

 

Hindi naman matukoy ni Remulla kung bakit kasamang kinansela ang visa ng anak ni Garma.

 

Si Garma ang nagsangkot kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa extra judicial killings.

 

Ito rin ang nagsiwalat sa Quad Committee ukol sa “cash for killings” ni Duterte na pinabulaanan naman ng dating pangulo.

 

Inilahad ni Garma sa House megal panel na nag-iimbestiga kay Duterte sa kanyang war on drugs na bumuo ito ng isang task force na kapareho ng “Davao Model” na nagbibigay ng financial rewards, pagpondo sa operations at reimbursement sa operational expenses. (Daris Jose)