PINANGUNAHAN nina Mayor Jeannie Sandoval at Senator JV Ejercito ang pamamahagi ng Assistance to Individuals to Crisis Situations (AICS) sa aabot 500 Malabueños sa Malabon Sports Complex.
Ang AICS, ay programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagbibigay ng medical assistance, burial, transportation, education, food, o tulong pinansyal para sa iba pang support services o pangangailangan ng isang tao o pamilya.
Ang DSWD, katuwang ang opisina ni Senator JV Ejercito ay nagbibigay ng programa sa mga Malabueños, lalo na sa mga naapektuhan ng kalamidad gaya ng bagyo, sunog at iba pa.
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P2,000 tulong pinansyal.
Nagpasalamat naman si Senator JV sa suporta ng mga residente sa mga programa ng pambansang pamahalaan. Aniya, patuloy din niyang susuportahan ang mga programa at proyekto sa kalusugan tulad ng pagtatayo ng San Lorenzo Luis General Hospital, na pinasimulan ni Mayor Jeannie Sandoval, First Gentleman Ricky Sandoval, at ng pamahalaang lungsod.
Samntala, nagpasalamat din si Mayor Jeannie sa senador at DSWD sa pagdadala ng programa sa Malabon na tiyak na makakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente.
“Napakalaking tulong ng programang ito para sa mga Malabueño lalo na ngayon na sunod sunod ang mga bagyong dumaan sa atin sa iba’t ibang lungsod nitong mga nakaraang linggo. Siguradong ang pinansiyal na tulong na ito ay makakabawas sa mga alalahanin ng nga residente,” ani Mayor Jeannie.
“Nawa ay gamitin ninyo ang tulong na ito para sa pangangailangan ng inyong pamilya. Ang pamahalaang lungsod ng Malabon ay patuloy sa pagsasagawa ng mga programa para sa ikabubuti ng bawat isa,” dagdag niya. (Richard Mesa)