NILINAW ng Land Transportation Office (LTO) nitong Martes, Disyembre 3, na ang implementasyon ng 2 memorandum ukol sa paggamit ng improvised plates ay nananatiling suspendido “hanggang sa karagdagang abiso.”
Naglabas ng pahayag ang LTO kasunod ng mga tanong at alalahanin mula sa mga motorista na naghahanap ng update sa implementasyon ng Memorandum Circular VDM-2024-2721 at Memorandum Circular No. VDM-2024-2722.
Ang Memorandum Circular VDM-2024-2721 ay nagtatakda ng patnubay sa paggamit ng improvised plates para sa mga sasakyan at motorsiklo, habang ang Memorandum Circular No. VDM-2024-2722 naman ay nagtatakda ng mga patnubay para sa implementasyon at mga kinakailangan sa pakikilahok sa pilot study ng motorcycle taxi.
Nagpahayag ang mga may-ari ng sasakyan ng kanilang pangamba ukol sa implementasyon ng Memorandum Circular VDM-2024-2721 at humiling ng karagdagang oras upang makuha ang kanilang mga plaka.
Noong Setyembre 30, naglabas si LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ng memorandum na nagsususpinde sa implementasyon ng dalawang memorandum circular upang bigyan ng sapat na oras ang mga may-ari ng sasakyan na makuha ang kanilang mga plaka.
Bilang tulong sa mga may-ari ng sasakyan, inatasan ni Assec Mendoza ang lahat ng dealer ng sasakyan na pabilisin ang pag-release ng mga plaka na nasa kanilang pangangalaga.
Alinsunod sa kautusan ni Assec Mendoza, naglunsad din ang mga regional at district offices ng LTO ng programang naglalayong maghatid ng mga plaka nang door-to-door at libre.
Samantala, hiniling din ng mga motorcycle rider sa LTO na bigyan sila ng karagdagang panahon upang makasunod sa mga kinakailangan ng Memorandum Circular No. VDM-2024-2722 para sa motorcycle taxi pilot study, partikular sa mga plaka at RFID requirements.
Noong Nobyembre 27, naglabas muli ng memorandum si Assec Mendoza na nagpapaalala sa lahat ng regional director at opisyal ng LTO na ang pagpapaliban sa implementasyon ng 2 memorandum circular ay pinalawig hanggang sa karagdagang abiso.
“Para sa interes ng publiko at upang bigyan ng sapat na panahon ang mga dealer ng sasakyan at motorsiklo na maipamahagi ang mga plaka sa kani-kanilang mga may-ari, ang Memorandum na may petsang 2 Setyembre 2024 o ang ‘Deferment of Memorandum dated 30 July 2024 re Deferment of Implementation of Memorandum Circular No. VDM-2024-2721 and Memorandum Circular No. VDM-2024-2722′ ay pinalawig hanggang sa karagdagang abiso,” nakasaad sa memorandum na inilabas noong Nobyembre 27.
Ayon kay Assec Mendoza, ang pagpapaliban sa implementasyon ng 2 polisiya ay tugon sa kahilingan ng mga may-ari ng sasakyan at iba pang stakeholder. (PAUL JOHN REYES)