BINETO (veto) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang probisyon ng Amendments to Agricultural Tariffication Act.
Ang katuwiran ng Pangulo, makapagdadala ito ng hindi kanais-nais na mga resulta kaysa sa kanilang mga nakikitang benepisyo.
Ipinalabas ng Malakanyang ang veto message ng Pangulo, ilang sandali pa matapos lagdaan ni Pangulong Marcos upang ganap na maging batas ang Amendments to Agricultural Tariffication Act, na kanyang pinuri bilang isang hakbang tungo sa “improving the capacity of the government to respond to food security issues concerning the rice staple.”
Sa naging mensahe ng Pangulo na ipinadala kina House Speaker Martin Romualdez at Senate President Francis “Chiz” Escudero, mariing inayawan at tinanggihan ng Pangulo ang probisyon na magbubukod o magtatabi sa P5 billion mula sa kasalukuyang hindi nagamit na bahagi ng annual budget ng Department of Agriculture (DA) na Ike-credit o idaragdag sa rice buffer fund.
Winika ng Pangulo na ang probisyon ay salungat sa direktiba ng Seksyon 44 ng Executive Order No. 292, na nagsasaad na “that all accruing income of agencies shall be deposited in the National Treasury and shall be part of the unappropriated surplus of the General Fund of the Government.”
Bineto rin ng Pangulo ang probisyon na magbibigay mandato na ang anumang excess o sobra sa annual tariff collection mula sa importasyon ng bigas na ‘not exceeding P2 Billion’ ay Ike-credit sa buffer fund, sa halip na ibalik sa National Treasury, dahil ito’y “also proves to be inconsistent with the general principles of National Government Budgeting.”
Bineto rin ng Pangulo ang probisyon na magbibigay mandato sa Bureau of Customs na direktang i-remit ang pondo na gagamitin para sa financial assistance para sa mga rice farmers na nagbubungkal o nag-aararo ng hanggang 2 ektarya ng lupain sa Department of Agriculture.
“The line veto of the bill’s provisions is in adherence to the Government’s ‘one fund’ policy, where the creation of special funds is discouraged to prevent the reduction of national revenue, and in upholding fiscal discipline and proper resource allocation,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Ang pagpapababa sa presyo ng bigas sa P20 kada kilo ay campaign promise ni Pangulong Marcos.
Tinapyasan naman ng Pilipinas ang rice import tariffs mula 35% at naging 15% noong Hulyo, inaasahan na ito’y mauuwi sa P5 na pagbabawas sa presyo.
Ang rice inflation ay pumalo na sa 5.1% noong Nobyembre kumpara sa 9.6% noong Oktubre. (Daris Jose)