INIREKOMENDA ng House quad committee ang pagsasampa ng kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ilan iba pa kaugnay sa madugong war on drugs nito na ikinasawi ng libong Pilipino.
Ayon kay Quad committee chair at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, kasama sa rekomendasyon ng quadcom sina Senador Bong Go at Ronald “Bato” dela Rosa, dalawang dating Philippine National Police chiefs at dalawang iba pang mataas na opisyal.
Nakapaloob ito sa 43 pahinang report na isinumite ni Barbers mula sa isinagawang 13 hearings mula Agosto 16 hanggang Disyembre 12 na naglalaman ng summary ng kanilang ebidensiya, legislative proposals and recommendations sa mga magkakaugnay na isyu ng extrajudicial killings, offshore gaming at illegal drug trade, sa plenaryo kasabay ng ikahuling araw ng sesyon nitong Miyerkules ng gabi.
Nagsimula ang imbestigasyon ng magkakahiwalay na komite ngunit nadiskubre ang ugnayan sa mga ito na nagbukas sa usapin ng iba’t ibang krimen.
Ang lima pang ibang opisyal ng pulis na inirekomendang kasuhan dahil sa paglabag sa RA 9861 ay sina dating PNP chiefs Oscar Albayalde at Debold Sinas, dating Cebu police chief Royina Garma, dating National Police Commissioner Edilberto Leonardo, at Herminia “Muking” Espino.
Sinabi pa ni Barbers na inirekomenda din ng panel na kasuhan ng conspiracy to murder sina Duterte, Garma, Leonardo, dating PNP officers Arthur Narsolis at Gerardo Padilla ukol sa alegasyon pagkakasangkot umano sa pagpatay sa tatlong Chinese nationals sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong Aug. 13, 2016. (Vina de Guzman)