UPANG higit pang mapangalagaan ang kalikasan, nanawagan si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy A. Cimatu sa private sector na makipagtulungan sa pamahalaan para sa pagpapatupad ng Enhanced National Greening Program (ENGP), na isang hakbang ng gobyerno upang madagdagan ang “forest cover” sa bansa.
“We hope to encourage more private companies to help us in restoring and protecting our forests as we seek to establish new ENGP plantations,” ayon kay Cimatu na naging kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa paglagda noong Pebrero 27 sa magkahiwalay na kasunduan sa dalawang private entities bilang pakikipagtulungan ng mga ito sa ENGP.
Ang Mitsubishi Motors Philippines Corp. (MMPC) at Steel Asia Foundation Inc. (SAFI) ay kapwa sumang-ayon na makikipagtulungan sa DENR sa pagtatanim at pag-aalaga ng mga puno para sa national greening efforts.
Sinabi pa ni Cimatu, ginawang mas madali ng gobyerno para sa pribadong sektor na makiisa sa ENGP matapos ilabas noong isang taon ang DENR Administrative Order (DAO) 2019-03, kung saan nakasaad ang mga hakbang upang mas maging madali ang gagawing partisipasyon ng pribadong sekor sa reforestation program.
Pinapayagan ng DAO ang mga kumpanya na pumasok sa public-private partnership scheme sa pamamagitan ng pagbuo ng bagong ENGP plantations, pagpapanatili at pagbibigay ng proteksiyon sa mga kasalukuyang plantations at ang pangangalaga sa mga kasalukuyang kagubatan sa labas ng ENGP areas.
Sa pamamagitan ng DAO, lumagda ang DENR sa memorandum ng agreement (MOA) sa MMPC para sa reforestation activities sa 30-hectare forestland sa Barangay Kapatalan, Siniloan, Laguna.
Ang 23 hectares ng forestland naman sa Barangay Dayawan sa Villanueva, Misamis Oriental ang nakapagkasunduan sa nilagdaang MOA ng DENR at ng SAFI para sa reforestation activities.
Nakapaloob sa MOA na ang MMPC at ang SAFI ay pumayag na maglaan ng pondo para sa limang-taong implementasyon ng iba’t ibang gawain na kinabibilangan ng paghahanda sa lugar na pagtataniman, seedling production o pagbili at maintenance at protection ng mga gagawing plantations at ang paligid dito.
Sa bahagi naman ng DENR, tutukuyin at ihihiwalay nito ang forestlands at aalamin din kung anong indigenous tree species ang itatanim, mode of plantation establishment at ang pagbibigay ng proteksiyon at pangangalaga sa lugar na sakop ng MOA.
Nakasaad din sa MOA na ang DENR, katuwang ang MMC at SteelAsia, ang pipili ng people’s organization o komunidad na magtatanim at mag-aalaga sa seedlings sa loob ng limang taon.
Ang ENGP ay ang karugtong ng National Greening Program na binuo sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 26 na ipinatupad noong 2011 hanggang 2016. Sa loob ng anim na taong implementasyon nito ay nakapagtanim na ng 1.3 billion seedlings sa 1.7 million hectares na lupain.
Naitatag noong 2015 sa ilalim ng EO 193, layunin ng ENGP na mataniman ang 7.1 milyong ektarya ng open, degraded at denuded forests sa bansa para sa taong 2016 hanggang 2028. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)