• December 24, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 6th, 2020

Japeth Aguilar, Adrian Wong ipinatatawag ng PBA hinggil sa video ng 5-on-5 game

Posted on: July 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Ipinatatawag ngayon sa PBA Commissioner’s Office sina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra at Adrian Wong ng Rain or Shine upang makuha ang kanilang panig tungkol sa umano’y paglabag sa umiiral na quarantine protocols.

 

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, nakatakda niyang pulungin sina Aguilar at Wong sa darating na Lunes matapos kumalat sa online ang mga videos kung saan makikitang naglalaro ang mga ito ng five-on-five basketball.

 

Maaalalang batay sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF), bawal ang pagsasagawa ng mga contact sports, maging ang mga practice at scrimmage.

 

Sinabi pa ni Marcial, nakausap na raw nito ang special draft pick na si Isaac Go, isa pa sa mga players na nakita sa video, tungkol sa nasabing insidente.

 

Maliban kina Aguilar at Go, nakita rin na naglalaro sa isang full-court game si Thirdy Ravena sa Ronac Gym sa San Juan.

 

Habang si Wong ay namataan naman sa ibang mga larawan at video na ipinost sa Instagram ng isang basketball trainer.

 

Ani Marcial, kanya raw rerebyuhin ang lahat ng mga videos na nakalap ng kanyang tanggapan bago makipagpulong sa mga players.

 

Umaasa naman ito na hindi parurusahan ng IATF ang mga sangkot na manlalaro.

Negosyo sa Maynila mas yumabong kahit may pandemya

Posted on: July 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Ipinagmalaki kahapon ni Manila City Mayor Isko Moreno sa kaniyang State of the City Address (SOCA) ang patuloy na pagiging matatag ng lungsod  ngunit nagbabala na mararamdaman ang epekto ng tatlong buwang lockdown sa ekonomiya sa mga darating pang buwan.

 

Sa kabila nito, sinabi ni Moreno na handa ang Maynila makaraang lumago pa ang kita ng lungsod sa P12.441 bilyon mula Hulyo 2019 hanggang Mayo 2020 sa kabila ng implementasyon ng tax amnesty.

 

Mas marami rin umanong negosyo ang nagbukas sa lungsod kahit na may pandemya nang 8,665 bagong negosyo ang nagpare­histro at nasa 51,022 ang nag-renew ng kanilang mga permits.

 

Ipinagmalaki rin ng alkalde ang kampanya niya sa kalinisan upang hindi na sabihan na “dugyot” ang Maynila. Umaabot umano sa 217 kilometro na ang haba ng kalsada ang dinaanan ng kanilang ‘flushing operations’ sa loob ng 311 araw.

 

Umaabot naman sa 566,904 tonelada ng basura ang nahakot ng Department of Public Service (DPS) na may katumbas na 112,981 trak. Nasa 1,119 tonelada ang nahakot buhat sa Manila Bay.

 

Dahil dito, patuloy na nanawagan si Domagoso sa mga Manilenyo ng ibayong disiplina at tigilan na ang pagtatapon ng mga basura sa dagat, ilog at mga estero.

 

Sa kriminalidad, nasa 898 wanted persons ang nadakip ng Manila Police District. Nasa 173 sa kanila ay mga Most Wanted at 25 ang nadakip ng pulisya habang nasa lockdown ang Maynila. (Gene Adsuara)

25 NBA players at 10 staff nagpositibo sa COVID-19

Posted on: July 6th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Pumalo na sa 25 NBA players ang nagpositibo ng COVID-19 mula ng magsimula ang malawakang testing noong nakaraang linggo.

 

Ito mismo ang ibinunyag ng NBA at National Basketball Players Association kung saan mula noong Hunyo 23 ay nasa 351 na mga manlalaro ang kanilang sinuri.

 

Siyam ang nagpositibo dito ng COVID-19 mula sa naunang 344 players na nasuri mula June 24-29.

 

Umabot naman sa 10 team staff members ang nagpositibo rin sa coronavirus.

 

Ang nasabing bilang ay mula sa 884 team staff members na sinuri mula June 23-29.

 

Agad namang inilagay sa quarantine ang mga nagpositibong players at staff.

Magugunitang mula noong Marso ay natigil ang mga laro sa NBA dahil sa pagpositibo ng ilang manlalaro kung saan nakatakda silang magbalik sa paglalaro sa Hulyo 30 sa Orlando, Florida.