PINAG-AARALAN ng pamunuan ng Quiapo Church ang posibilidad pagkansela sa Traslacion 2021 bunsod na rin ng panananatili ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ni Father Douglas Badong, ang vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, na ngayon pa lamang ay pinag- aaralan na nila kung paano maidaraos ng ligtas ang kapistahan ng Quiapo na dinadagsa ng milyun-milyong deboto ng itim na Nazareno, partikular na ang Traslacion, na itinuturing na isa sa mga pinakamalalaking relihiyosong aktibidad sa bansa.
Ayon kay Badong na sa ngayon ay ikinukonsidera na ng procession committee ang ilang proposal sa pagdaraos ng Traslacion sa susunod na taon, at kabilang dito ang posibleng kanselasyon ng prusisyon sa Rizal Park na isinasagawa tuwing Enero 9, upang matiyak na masusunod ang mga panuntunan sa physical distancing na ipinaiiral ng pamahalaan.
“Sa ngayon po ay talagang nag-uusap-usap na kami ng proposal sa procession committee na idudulog namin sa IATF (InterAgency Task Force). Kung papayagan ng IATF na following all the protocols, ‘yun ang gagawin namin. Pero naka-set na rin naman kami na posibleng wala talagang Luneta event ngayon at wala ‘yung usual na ginagawa natin,” ayon kay Badong.
“Kailangan talaga namin ma- practice ngayon at least ‘yung mga tao masanay na ito ang ipapatupad natin, na may physical distancing habang nagsisimba sila sa nobenaryo ng Traslacion,” dagdag pa ni Badong.
Umaasa naman si Badong na magiging bukas ang mga deboto sa mga pagbabagong maaaring maganap dahil sa kakaibang panahon na nararanasan ngayon dahil sa pandemic.
Samantala, umapela rin si Bandong sa pamahalaan na payagan nang makapasok ang mas maraming deboto sa simbahan, o kahit hanggang 30% man lang ng kapasidad nito.
Nabatid na sa kasalukuyan ay 100 katao o hanggang 10% lamang ng 1,000 seating capacity ng simbahan ang pinapayagang makapasok sa Quiapo Church, gayung kahit 50% aniya ay kaya nilang i-accommodate.
“Kaya namin hanggang 50 percent pero kung mapagbigyan sana ‘yung kahilingan na kahit 30 percent man lang ay masaya na kami doon,” aniya pa. “Sa 100 na katao sa loob ng simbahan talagang napakaluwag ng simbahan. Sayang naman yung loob na baka sakali mas ligtas sila sa loob dahil sa loob mame-maintain namin ang physical distancing nila dahil may markings, ushers sa loob,”ani Bandong.
Nabatid na para mas maraming tao ang makapagsimba at makapasok ng simbahan ay dinagdagan na lamang nila ang bilang ng kanilang mga isinasagawang banal na misa. (Gene Adsuara)