• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 6th, 2021

Malakanyang, pinamamadali sa NTC ang pagsusumite ng evaluation report

Posted on: January 6th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ng Malakanyang sa National Telecommunications Commission (NTC) ang mabilisang pagsusumite ng evaluation report ukol sa mga ginagawa umanong pagsasaayos at pagpapalakas ng signal ng mga network company sa bansa.

 

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nakaantabay ang kanyang opisina sa official evaluation na ito mula sa NTC para maisumite na sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

 

Aniya, umaasa siya na bago matapos ang taon ay maisusumite na ni NTC Comm. Gamaliel Cordova ang ebalwasyon nito sa mga malalaking telcos sa bansa upang malaman kung talagang nagkaroon ng pagbuti sa network services ng mga Ito.

 

Sa kabilang dako, hindi naman masabi ni Sec. Roque kung may maipasasarang telecommunication company sakaling mapatunayan na wala paring improvement sa kanilang serbisyo.

Cone, ‘excited’ na makita ang pagbabalik sa Gin Kings ng ‘nagbagong’ si Slaughter

Posted on: January 6th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Ikinatuwa ni Barangay Ginebra coach Tim Cone ang pasya ni big man Greg Slaughter na magpakumbaba at buksang muli ang linya ng komunikasyon sa pagitan nila ng pamunuan ng koponan.

 

Ayon kay Cone, umaasa ito na ang paghingi ng paumanhin ni Slaughter sa liderato ng franchise ay magbibigay-daan para sa mas pinagandang ugnayan sa pagitan ng 7-foot center at sa top management ng Gin Kings.

 

“I’m happy that he is communicating with management and I’m looking forward to him returning to the team,” wika ni Cone.

 

Kamakailan nang maglabas ng statement sa kanyang social media account si Slaughter kung saan inihayag nito ang kanyang intensyon na muling sumali sa Kings matapos na hindi maglaro ng isang buong season nang mapaso ang kanyang kontrata sa Ginebra.

 

“My only regret is that the communication between myself and management, particularly Boss RSA and Coach @alfrancischua, did not go smoothly as I would have wanted. I want to apologize to them and the rest of management for any misunderstanding or bad feelings that may have occurred because of my decision,” bahagi ng post ni Slaughter.

 

Sa kabila rin aniya ng kanyang pagliban, pinanatili ni Slaughter na malusog ang kanyang pangangatawan at tinrabaho niya raw ang kanyang self-improvement.

 

Sinabi ni Cone, excited na rin daw siya na makita ang pagbabago sa paglalaro ni Slaughter.

 

“I know he has worked hard on his game during the pandemic and I’m excited to see the changes,” anang coach.

Paras puwede na sa PBA – Herrera

Posted on: January 6th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

PARA kay AMA Online Education Titans coach Mark Herrera, handa na para sa Philippine Basketball Association (PBA) ang anak ni basketball legend Venancio ‘Benjie’  Paras Jr. na si Andre Nicholas Paras.

 

 

Nagsumite ng aplikasyon nitong Disyembre 21 ang nakababatang Paras para sa 36th PBA Rookie Draft 2021 na gaganapin sa darating na Marso 14.

 

 

May tatlong taon ng magkasama sina Herrera at 25 taong-gulang, 6-4 ang taas na basketbolista sa AMA makaraang maglaro rin ng huli sa University of the Philippines. Nakapag-PBA D-League (PBADL) at Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na rin ang cager.

 

 

“Ready na ready na si Andre para sa PBA,” litanya ng basketball tactician kamakalawa.

 

 

Dinugtong pa ni Herrera na “almost all-around” player din ang foward.

“Solid na player si Andre at masuwerte ang makakakuha sa kanya,” panapos na sambit ni Herrera. (REC)

 

POLICE WOMAN NAGPAPUTOK NG BARIL, ARESTADO

Posted on: January 6th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Kalaboso ang isang police woman matapos walang habas na magpaputok ng kanyang service firearm makaraang makatalo ang kanyang live-in partner dahil umano sa selos sa pagsalubong ng Bagong Taon sa Malabon City.

 

 

Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Eliseo Cruz ang dinakip na si PSSg. Karen Borromeo, 39 ng Purok 6 Dulong Hernandez St., Brgy. Catmon at nakatalaga sa Malabon Police Sub-Station 4 na mahaharap sa kaukulang kaso.

 

 

Ayon kay BGen. Cruz, nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ni PSSg Borromeo at ng kanyang  live-in partner dahil sa selos na naging dahilan upang walang habas na magpaputok ng kanyang service firearm ang pulis sa harap ng bahay sa No. 119 Dulong Herrera St. Brgy. Ibaba dakong 7:45 ng gabi.

 

 

Nang marinig ng isang sky cable installer na nasa roof top ng kanyang bahay ang sunod-sunod na mga putok ng baril ay agad niyang ipinaalam ang insidente sa Malabon Police Sub-Station 6.

 

 

Kaagad namang rumesponde sa naturang lugar ang mga tauhan ng SS6 sa pangunguna ni P/Lt. Mannyric Delos Angeles kung saan sumuko sa kanila si PSSg Borromeo at kanyang cal. 9mm Glock service firearm.

 

 

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa crime scene ang 14 basyo ng bala ng cal. 9mm pistol.

 

 

Ayon kay BGen. Cruz, si Borromeo ay positibo sa paraffin examination subalit, negatibo ito sa drug test at alcoholic breath.

 

 

Mariing sinabi ni BGen. Cruz na hindi uubra sa serbisyo ang mainit na ulong pulis kaya kailangang managot at harapin ang isinampang kaso.

 

 

“Erring Police Officer who will be caught indiscriminately fired their Service Firearm will be dealt accordingly and the Officers and Men of the Northern Police District assure the public that the full force of the law  shall be applied in the case of PSSg Borromeo and let the wheel of justice roll,” ani PBen. Cruz. (Richard Mesa)