• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 2nd, 2021

Mayor Isko, umaasang mababakunahan na bukas ng Sinovac

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Manila Mayor Isko Moreno na magpapabakuna siya ng Sinovac laban sa Covid-19.

 

Umaasa ang Alkalde na mababakunahan na siya ng Sinovac ngayong  araw ng Martes.

 

Sa Laging Handa public briefing ay sinabi ng Alkalde na hindi na siya maghihintay pa ng ibang brand ng bakuna at hindi rin aniya siya magbabakasakali pa.

 

“Ako mismo ay magpapabakuna ng Sinovac. Hindi ako maghihintay, hindi ako magbabaka-sakali at hindi ko pababayaan o ikikibit-balikat ang bigat ng eksperiyensa ng mga na-infect ng COVID-19. Once it is available, we will acquire but we will follow the rules. We will not violate it. And I hope by tomorrow, I’ll get vaccinated of whatever is the remnant of available Sinovac vaccine for the City of Manila,” ayon kay Mayor Isko.

 

At sa tanong naman kung handa na ba ang mga Manileno na magbakuna ng Sinovac ay sinabi nito na “sabi po ng DOH ang Maynila po ay pumasa – in fact we got about 90% na approval sa aming plano. So we are ready to vaccinate. Ang kailangan na lang namin, dumating sa amin ang bakuna.”

 

 

Sa ngayon aniya ay may 90,000 pre-registered sa ilalim ng  manilacovid19vaccine.com ang Lungsod ng Maynila.

 

“Now—but before we go to that general population, we will continue to follow the directive of IATF that the vaccine that are available in Manila today and in the coming days will be dedicated to our medical frontliners. And kung sakali na mayroon pa rin matitira at hindi pa nagdesisyon iyong ibang medical frontliners, gagamitin naman namin ito sa mga economic drivers ng ating bansa—o ng siyudad ‘no – katulad ng mga, halimbawa driver, vendor sa palengke, mga workers and all other economic drivers after namin ma-fulfill iyong requirements ng IATF,” lahad nito.

 

Samantala, ibinalita naman ni Mayor Isko na makatatanggap bukas ang Sta. Ana Hospital sa pamamagitan ni Director Corrales at ng IATF at DOH ng share para sa medical frontline ng Lungsod ng Maynila.

 

“Now ang good news if I can share it to you, I think as of yesterday, we have about 300 plus medical frontliners that are willing to get vaccinated through Sinovac,” pagtiyak ng Alkalde. (Daris Jose)

576,352 kabuuang bilang ng virus

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Mula sa 2,921 kahapon, bahagyang bumaba sa 2,113 ngayong araw ng Linggo ang bagong kaso ng Coronavirus Disease (COVID) sa bansa.

 

 

Sa tala ng Department of Health (DOH) kaninang alas-4:00 ng hapon, umakyat na sa kabuuang 576,352 ang mga tinamaan ng deadly virus sa Pilipinas.

 

 

Ang nasabing oras ay halos kasabay lang ng pagdating sa Pilipinas ng unang bakuna kontra COVID-19, kung saan sa Villamor Air Base lumapag ang eroplano.

 

 

Nakapagtala naman ng 9,418 na bagong recoveries kung saan nasa 534,271 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling mula sa COVID.

 

 

Nasa 12,318 naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi matapos madagdagan ngayong Linggo ng 28.

Carandang lipat BanKo Perlas

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SA BanKo Perlas Spikers ng Premier Volleyball League (PVL) sa darating na Mayo na hahambalos si Czarina Carandang, inanunsyo ng koponan nitong isang araw lang.

 

 

Huling humataw para sa Far Eastern University Lady Tamaraws sa 82nd University Athletic Association of the Philippines (UAAP) 2019-20, at sa PLDT Home Fibr Power Hitters sa 6th-7th Philippine SuperLiga 2017-18 ang volleybelle.

 

 

Ang 23-year-old, 5-foot-8 middle hitter ang pang-apat na bagong salta sa sa Perlas Spikers kagaya nina middle blocker Cherry Nunag at liberos Thang Ponce at Jellie Tempiatura.

 

 

Bago magbukas nasabing buwan ang liga, sasailalim na muna ang mga team sa training camp bubble sa iba’t ibang playing sa Metro Manila, isa na ang The Arena sa San Juan City. (REC)

Vaccine czar Galvez, nabakunahan na rin ng Sinovac

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Naturukan na rin ng Sinovac COVID-19 vaccine si vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr.

 

 

Isa si Galvez sa mga nakatanggap ng bakuna kontra COVID-19 sa Philippine General Hospital (PGH), kung saan isinagawa ang ceremonial rollout.

 

 

Layon ng programang ito na palakasin ang kumpiyansa ng publiko sa gitna ng hesitancy sa pagpapabakuna.

 

 

Nagkaroon ng kaunting delay sa pagtuturok ng Sinovac COVID-19 vaccine kay Galvez dahil nais nitong mauna muna ang mga health workers.

 

 

Base sa vaccination priority list ng pamahalaan, ang mga frontline workers sa mga healthcare facilities ang siyang unang makakatanggap ng bakuna kontra COVID-19.

 

 

Sa ceremonial rollout ng COVID-19 vaccination program ng pamahalaa, si PGH Director Gap Legaspi ang unang nakatanggap ng bakuna.

 

 

Ginamit kina Legaspi at Galvez ang bakunang gawa ng Chinese firm na Sinovac.

 

 

Kahapon, dumating sa Pilipinas ang 600,000 doses ng mga bakunang ito. (Daris Jose)

PGH Director Dr. Gap Legaspi pinakaunang tinurukan ng Sinovac vaccine sa Pinas

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Nagsimula nang gumulong ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan kung saan pinakaunang tinurukan ng bakuna sa Pilipinas kontra sa respiratory disease na ito ay si Philippine General Hospital Director Gap Legaspi.

 

 

Dakong alas-9:00 nitong umaga nang magsimula ang ceremonial rollout ng COVID-19 vaccination plan ng pamahalaan gamit ang dumating kahapon na CoronaVac shots, na gawa ng Chinese firm na Sinovac Biotech.

 

 

Ang nurse na nagturok ng CoronaVac kay Legaspi ay nakilala na si Sherla Santos.

 

 

Bukod kay Legaspi, tinurukan na rin ng CoronaVac ang iba pang mga eksperto sa larangan ng medisina, at mga opisyal ng pamahalaan para mapalakas na rin ang kumpiyansa ng publiko sa gitna ng nabuong hesitancy sa pagbabakuna.

 

 

Kabilang sa mga indibidwal na ito ay sina infectious disease specialist Dr. Edsel Salvana, FDA director general Rolando Enrique Domingo, at MMDA chairman Benhur Abalos.

 

 

Si testing czar Sec. Vince Dizon ay nagpabakuna na rin ng CoronaVac pero sa Tala Hospital naman.

 

 

Sa isang pulong balitaan, nilinaw ni presidential spokesperson Harry Roque na magpapahuli si vaccine czar Sec. Carlito Galvez na magpaturok ng bakuna na gawa ng Sinovac para mauna ang mga healthcare workers.

 

 

Ayon kay Galvez, target nilang matapos ngayong Marso ang pagbakuna sa mga health workers sa bansa salig na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag lamang mag-concentrate sa isang lugar kundi isama na rin ang mga nasa Visayas at Mindanao.

 

 

Samantala, hinikayat naman ni Salvana ang mga kpawa niya health workers na samantalahin ang pagkakataon na ito at magpabakuna na rin gamit ang CoronaVac ng Sinovac Biotech dahil bagama’t 50.4 percent aniya ang efficacy nito sa mild symptoms pero 78 percent naman sa moderate at 100 percent efficatious kontra severe COVID-19.

 

 

Nakikiusap naman din si Moreno sa mga nabakunahan na na huwag magpakampante at patuloy pa ring sumunod sa health protocols, at hinikayat din ang iba pang mga health workers na magpabakuna na rin. (Daris Jose)

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

MALAKI ang pasasalamat ni Ivorian cager Kakou Ange Franck Williams Kouame sa paghirang sa kanya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas Inc. (SBPI) upang magsilbing naturalized player ng national men’s basketball team o Gilas Pilipinas.

 

 

Inaprubahan sa nakalipas na linggo sa isang online forum sa pangunguna ni committee chairman Sen. Richard Gordon ang Senate Bill No. 1692 para sa naturalization ni Kouame at SB No. 1391 para kay Spaniard footballer Bienvenido Marañon.

 

 

Alam ni Kouake, kilala ring Angelo o Ange na long term ang magiging serbisyo niya sa PH quintet kaya ready ang 23-year-old, 6-10 center  sa anumang hirap na kanyang mga mararanasan.

 

 

Inaasam niyang niyang makapantay ang kalibre ng mga kinunsidera sa naturalization na sina Philippine Basketball Association (PBA) imports Justin Brownlee ng Barangay Ginebra San Miguel at Chris McCullough ng San Miguel Beer.

 

 

Kaya nangako siya kamakalawa na kakayod at patutunayang hindi nagkamali ang SBPI sa pagkakapili sa kanya lalo’t maayos din naman ang pasuweldo. (REC)

SHARON, wala nang atrasan sa paggawa ng ‘Revirginized’ na ididirek ni DARRYL YAP

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

MUKHANG kahit hindi pabor ang mga fans ni Sharon Cuneta ay walang atrasan ang paggawa ng Megastar ng pelikula under the direction of the controversial Darryl Yap.

 

 

Revirginized ang title ng comeback film ni Sharon sa bakuran ng Viva Films after 19 years. Ito ay mula sa panulat at direksyon ni Darryl Yap.

 

 

Ayon sa director, isa raw ito sa most important script ng buhay niya.

 

 

Sumalang sa zoom presscon si Darryl Yap noong linggo kasama sina Sharon at Rosanna Roces.

 

 

Ano kaya ang reaction niya sa disgusto ng mga Sharonians na siya ang napisil ng Viva para magsulat at magdirek ng comeback film ni Sharon?

 

 

Kung pagbabasehan ang pamagat, tila kakaibang Sharon ang mapapanood sa Revirginized.

 

 

Isang taong hindi na nakikipagtalik sa mahigit tatlong taon o isang nilalang na sumailalim sa vaginal tightening surgery ang dalawang kahulugan ng salitang revirginized.

 

 

Kasama rin sa pelikula sina Cristina Gonzales at Albert Martinez.

 

 

Leading naman ni Sharon si Marco Gumabao sa Revirginized na uumpisahan ang shooting sa unang linggo ng March 2021.

 

 

Kakaiba raw ang role ni Sharon sa movie. Eh di ba kakaiba rin ang roles niya sa Ang Pamilyang Hindi Lumuluha at Kuwaresma? Kumusta naman ang resulta ng mga nasabing pelikula?

 

 

We love Ate Sharon dearly and we mean well by voicing the concern of the Sharonians who are not happy with the decision of Viva na ipadirek si Ate Sharon kay Darryl Yap.

 

 

Kung sisilipin ninyo ang ilan sa fan groups ni Ate Shawie sa Facebook, you can come across comments na hindi masaya ang fans na gawin ni Sharon ang movie with Darryl Yap.

 

 

     ***

 

 

UNANG na-meet ni Direk Adolf Alix si Superstar Nora Aunor noong 2011.

 

 

Ayon sa Facebook post ni Direk Adolf, big fan pala ni Ate Guy (at ni Lolita Rodriguez) ang kanyang ina.

 

 

Natuwa nga raw ang mother niyang nang malaman na baka may gawin silang pelikula ni Ate Guy. Unang gumawa ng short film sina Ate Guy at Direk Adolf titled Kinabukasan kung saan kasama rin si Alden Richards.

 

 

Ayon pa kay Direk Adolf, tiyak daw na natutuwa ang kanyang yumaong ina dahil muli niyang makakatrabaho sa pelikula ang Superstar.

 

 

What makes Kontrabida even more special for Direk Adolf is the thought na ang pelikula ay tribute of sorts sa isa pa niyang paboritong aktres na si Ms. Anita Linda. In fact, Anita Rosales ang name ng karakter ni Ate Guy sa movie.

 

 

Dedicated daw para sa kanyang ina at kay Ms. Anita Linda ang Kontrabida. Sana raw ay gabayan sila ng mga ito sa shoot.

 

 

First time na gaganap na kontrabida ni Ate Guy at siya mismo ang nagsabi na minsan lang niya ito gagawin. The script written by Jerry Gracio must be that good para tanggapin ni Ate Guy ang project.

 

 

“It is always a joy to work with an actress of your magnitude but with such humility and eagerness to embrace new things unexpected of your stature as an icon of Philippine Cinema. Your instinct to never shy away from risks makes you conquer new horizons.Thank you Ate Guy for embarking on this new journey to take a peek into the life of a KONTRABIDA,” pahayag ni Direk Adolf sa kanyang FB account.

 

 

Ikinatuwa naman ng mga fans ni Ate Guy na may bagong movie ang kanilang idol at ibang-iba ang look niya sa Kontrabida.

 

 

Sosyal na sosyal kasi ang dating ni Ate Guy. Sabi nga ng mega producer na si Joed Serrano, “We will treat her like a queen because she is a queen.”

 

 

Kaya asahan ang todong suporta ni Joed dahil masasabing dream project niya ang movie for the Superstar.

 

 

Kasama rin sa pelikula sina Bembol Roco, Rosanna Roces, Ricky Gumera, Charles Nathan, Mhack Morales at Miko Pasamonte.

 

 

Ang pelikula ay produced ng Godfather Productions, Ovation Productions at Mr. P Entertainment. (RICKY CALDERON)

Fernando, hinakayat ang mga Bulakenyo na magparehistro at bumoto

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS– Hinikayat ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na magparehistro sa Voters’ Registration ng Commission on Elections na nagsimula noong Pebrero 15  hanggang Setyembre 30, 2021 upang makaboto sa darating na 2022 Presidential Election.

 

 

Bagaman hindi sapilitan ang pagboto, sinabi ni Fernando na isa itong tungkuling sibiko at mahalagang bahagi ng ating demokrasya na tutukoy sa hinaharap ng ating bansa.

 

 

“Ang pagpaparehistro para makaboto at ang mismong pagboto po ay libre lamang. Walang bayad at walang mawawala sa atin. Pero kung iisipin pong mabuti, ang mga benepisyo nito ay napakalaki at napakalawak. Kaya naman huwag po sana nating panghinayangan ang sandaling oras na ilalaan natin dito dahil bawat isa po sa atin ay may kapangyarihang mag-ambag sa lalong ikauunlad ng ating bansang Pilipinas,” anang gobernador.

 

 

Upang makapagparehistro, maaaring bisitahin ng mga Bulakenyo ang https://irehistro.comelec.gov.ph/ o tumungo sa tanggapan ng COMELEC sa kani-kanilang lungsod o bayan.

 

 

Pinaalala rin ni Abgd. Mona Ann T. Aldana-Campos, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Bulacan, na hinihiling ng IATF na mahigpit na ipapatupad ang mga minimum public health standards at sinabi na kailangan na magsuot ang mga magpaparehistro ng face mask at face shield at magdala ng kanilang sariling itim na ballpen.

 

 

Gayundin, binanggit niya na bumisita sa tanggapan ng COMELEC tuwing Martes hanggang Sabado, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon dahil walang transakyon ang mga tanggapan ng COMELEC tuwing Lunes para sa disinfection. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

ROSANNA, mapalad na makakasama rin si SHARON sa bukod kay NORA; Megastar tuwang-tuwa at excited

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

“OH my God!! Kaya pala andami nag follow sa akin.

 

 

“thank you @reallysharoncuneta for the kind words. Malaking karangalan ang maka trabaho at maka daupang palad ka. Di ko malilimutan ang mga kabaitan mo sa kin mula noon. Hayaan mong bumawi ako,” ito ang naging reaction ni Rosanna Roces sa pinost ni Megastar Sharon Cuneta sa Instagram.

 

 

Sabi ni Mega, “I am so excited to work with Osang, Ms. Rosanna Roces @therealrosannaroces in my new movie! Napakatotoong tao at napakahusay na artista niya, at sa movie namin siya ang lalabas na best friend ko! Aalis na ako bukas, my dear Sharonians, para sa location namin at first shooting day na namin sa Monday! Excited to work also with Direk Daryll Yap – nung kinuwento niya sa akin ang story ng movie namin, tawa ako ng tawa, pero naiyak ako sa ending at may kurot sa puso. Ganyan kagaling si Direk Daryll. Buti na lang sa panahon ng pandemya na walang sinehan, may platforms tulad ng Viva Max kung saan lalabas ang movie namin. Sana po abangan niyo! Masaya at ibang-iba po ako dito! Love you all! Please pray for our safety and protection and the success of our movie! Thank you all so much.”

 

 

Nang magkita naman sila ni Sharon noong Linggo, ay ganun ang tuwa at pagkayap sa kanya ng Megastar na na-capture sa mga photos na ibinahagi ni Osang.

 

 

“Yes yan po reaction nya pagkakita sa akin . Tanda ko pa ang sinabi nya some 18yrs ago…na pag niyakap kita …ibig sabihin noon gusto kita..mahal kita. Maigsi nga naman lang daw ang buhay ..bat nga naman tayo makikipag plastikan?! I love you more @reallysharoncuneta #RESPECT.”

 

 

Sumagot naman si Sharon sa kanyang IG post, “Parang umpisa na natin ito, Ms. O…parang mamahalin talaga kita lalo! Thanks so much for the gifts, the hugs, today!!! See you tomorrow! Goodnight and sleep tight! God bless you. #respect.”

 

 

This week, nagsimula na nga ang lock-in shooting nina Sharon at Rosanna para sa Revirginized na mula sa panulat at direksyon ni Darryl Yap na ihahatid ng Viva Max.

 

 

Samantala, bukod dito ay nakapag-shooting na rin siya kasama ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor sa pelikulang Kontrabida na mula sa direksyon ni Adolf Alix at sa panulat ni Jerry Gracio.

 

 

Say ni Osang, Ang ganda ng Ninang Kahapon (Feb. 27)…Bagay sa kanya ang mahabang buhok. .. yung linya ko 2 weeks ko inaral para di magkamali….ayun nung ka eksena ko sya…natulala na naman ako. Unang linya pa lang nakalimutan ko na.

 

 

Hahahaha tingnan ba naman ako sa mata. Wag ganun Ninang guy!! Alam mo naman nakaka bato balani ka hahahahaha mahal na mahal ka namin..wag ka magkakasakit ingatan mo sarili mo. Andito lang kami lagi para sa yo. #Kontrabida

 

 

Sa panahon ng pandemya, napakapalad talaga ni Rosanna na mapasama sa dalawang magkaibang obra na pagbibidahan ng dalawang movie queens ng bansa na kilalang Superstar at Megastar, na tiyak na aabangan ng kani-kanilang tagahanga. (ROHN ROMULO)

Basketball hoop ni Kobe naibenta sa auction ng mahigit P1.8-M

Posted on: March 2nd, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Naibenta sa halagang $37,200 o mahigit (P1.8 million) ang basketball hoop ni Kobe Bryant na ginamit niya noong bata pa ito.

 

 

Ayon sa Heritage auction, na ang nasabing basketball board at ring ay dating nakalagay sa garahe ng Los Angeles Lakers star sa kanilang bahay sa Pennsylvania.

 

 

Ang nasabing basketball hoop ay humubog kay Bryant para maging magaling na basketbolista.

 

 

Tumaas ang presyo ng mga gamit ni Bryant matapos ang malagim na helicopter crash kasama ang anak nitong si Gianna at pitong iba pa noong Enero 2020.