LUNGSOD NG MALOLOS- Simula ngayong araw, ipatutupad muli ng Lalawigan ng Bulacan ang oras ng curfew simula alas 11:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng umaga; at liquor ban sa buong lalawigan kabilang ang pagbebenta, pagbiyahe, at pag-inom ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa paglalayong mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Ayon sa Executive Order No. 8, series of 2021 na inilabas ni Gobernador Daniel R. Fernando, muli ring magkakaroon ng mga border quarantine checkpoints at ipatutupad dito ang border control policies upang epektibong mapigil ang pagkalat ng COVID-19 sa mga kritikal na lugar sa lalawigan.
Lahat ng ito ay ipatutupad bukod pa sa obligadong pagsunod sa minimum public health standards kabilang ang physical distancing, palagiang paghuhugas ng kamay, cough etiquette, at pagsusuot ng face mask at face shield sa lahat ng pagkakataon.
Sinabi ni Fernado na malaki ang magagawa ng mga simpleng hakbang na ito sa laban natin kontra COVID-19.
“Nakaya na po nating pababain ang kaso ng COVID sa ating lalawigan at naniniwala po ako na makakaya muli natin itong magawa. Basta tayo ay magtulungan, sumunod sa mga health protocols at makiisa sa ating pamahalaan upang sa pagkakataong ito ay tuluyan na nating mapuksa ang virus na ito,” anang gobernador.
Hiniling din niya ang tulong ng mga ahensya na tagapagpatupad ng batas kabilang ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippine upang magbigay ng kinakailangang tulong upang masiguro na sinusunod ang mga health protocol.
Ang nasabing Executive Order ay may bisa hanggang Abril 17, 2021.
Ayon sa ulat kahapon, Marso 16, 2021, ang Lalawigan ng Bulacan ay may 1,175 kabuuang aktibong kaso na may 92 fresh cases, 52 late cases, 58 bagong kumpirmadong paggaling, at 5 bagong kumpirmadong pagkamatay. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)