SAKTONG isang taon na pala ng mag-positive sa Covid-19 ang mag-asawang Art Atayde at Sylvia Sanchez, na hanggang ngayon ay kinatatakutan pa rin sa buong mundo ang nakamamatay na virus.
Naging matindi nga ang pagsubok na hinarap ng mag-asawa noong isang taon, unang nag-positive noong March 16, 2020 si Papa Art at paglipas naman ng ilang araw ay malaman ni Sylvia na nahawa na rin siya ng asawa.
Buti na lang at agapan nila at na-confine agad sa hospital silang mag-asawa at walang nahawa sa kanilang apat na anak na sina Arjo, Ria, Gela at Xavi.
Takot na takot noon si Sylvia, para sa kanilang mga anak, lalo na sa bunso nila na si Xavi, na ilang linggo niyang hindi nakita at mayakap.
Dahil sa nangyaring pagsubok, mas lalong tumatatag ang pananalig niya sa Diyos at never siyang nagtanong kung bakit silang mag-asawa ang tinamaan ng nakamamatay na virus na ngayon tumaas na naman ang bilang nang nagkakasakit sa Metro Manila, kaya naghihigpit muli at mas pinag-iingat ngayon ang publiko dahil mas mabilis na makahawa.
Malaki nga ang pasasalamat ng pamilya Atayde na nalampasan nila ang pinakamatinding pagsubok na dumating sa kanila, at sa tulong din ng maraming nagdasal, na yun iba ay hindi talaga nila kakilala ng personal.
Kahit may mga matinding pagsubok, patuloy naman ang pagdating ng blessings sa kanilang pamilya, na hindi naman nawalan ng trabaho, sa kabila ng pandemya.
Kaya naman malaki ang pasasalamat ni Sylvia, na napasama siya sa malaking cast ng newest inspirational drama series ng ABS-CBN na Huwag Kang Mangamba, na saktong-sakto sa panahong ito na marami ang nangangailangan ng inspirasyon.
Kakaibang role na naman ang gagampanan ni Sylvia bilang Barang, na tiyak na mamahalin ng manonood. Aminado ang premyadong aktres na malaking hamon ito sa kanya, dahil paiba-iba ang twist ng kanyang character, na kailangan niyang paghandaan.
Ang Huwag Kang Mangamba ay pinagbibidahan ng The Gold Squad na sina Andrea Brillantes, Seth Fedelin, Kyle Echarri at Francine Diaz, at kasama ni Sylvia sina Nonie Buencamino, Mylene Dizon, RK Bagatsing, Dominic Ochoa, Diether Ocampo, Enchong Dee, Angeline Quinto, Matet De Leon, Soliman Cruz, Mercedes Cabral, Paolo Gumabao, Alyanna Angeles at pasok na rin si Dimples Romana.
Ang serye ay mula sa direksyon nina Emmanuel Palo, Jerry Lopez Sineneng at Darnel Villaflor. Una itong mapapanood noong Sabado, Marso 20 sa iWantTFC at WeTV iflix, at ngayong Lunes (Marso 22), 8:40 p.m. pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z Channel 11 at TV5 sa free TV at digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus.
Samantala, nominated naman si Sylvia sa 4th EDDYS bilang Best Actress para sa Coming Home.
Ang 4th EDDYS ay mapapanood sa April 4, 8 p.m. sa FDCP Channel (mag-register para sa libreng access), SPEEd Facebook page at iba pang digital platforms.
***
MAHIGIT sa 100 mag-aaral na Grade 1, mga magulang at mga guro ang tinutulungan ng Globe na magkaroon ng internet connection para sila ay makasabay sa bagong pamamaraan ng pagtuturo na ipinapatupad ngayon sa lahat ng paaralan sa bansa.
Nakikipagtulungan ang Globe sa Knowledge Channel Foundation Inc. (KCFI), ABS-CBN, at Mary’s Way Foundation sa pamamagitan ng Big Blue Hearts Campaign para mabigyan ng libreng internet access ang mga mag-aaral.
Sa ilalim ng naturang proyekto, nakalikom ng sapat na halaga ang KCFI, ABS-CBN at Mary’s Way Foundation para mabigyan ang 102 mga mag-aaral at guro ng Balibago Elementary School at Sta. Rosa Elementary School 1 at 3 ng Globe At Home Prepaid WiFi (HPW) modems.
Sa kabilang banda, sinagot naman ng Globe ang libreng data load ng HPW sa loob ng anim na buwan. Sa tulong nito, maipagpapatuloy ng mga estudyante sa Grade 1 ang kanilang mga klase at ma-aaccess pa nila ang mga videos ng Knowledge Channel at Basa Bilang habang nasa kanilang mga tahanan.
“Sa panahon ngayon, kinakailangang online ang mga estudyante para tuloy-tuloy ang kanilang pag-aaral. Nais lamang ng Globe, bilang isang technology company, na gawin ang bahagi nito para mabigyan ang mga bata ng access sa mga learning resources,” sabi ni ni Yoly Crisanto, Globe Chief Sustainability Officer at SVP for Corporate Communications.
Mayroon ding sariling pagsisikap ang Globe na matulungan ang mga guro sa pagtuturo ng Early Language Literacy sa mga bata sa pamamagitan ng mga webinar ng Global Filipino Teachers.
Ayon kay KCFI President at Executive Director Rina Lopez-Bautista: “Marami sa mga bata ay nahihirapan maka-adapt sa remote learning. Isa ito sa mga rason kung bakit binuo namin ang Big Blue Heart Campaign kasama ang Globe Telecom, Mary’s Way Foundation, at ABS-CBN. Nais naming matulungan sila na mapaunlad pa ang kanilang kakayahan sa pagbasa. Nais din ng KCFI na maipagpatuloy pa ang program sa mas mahabang panahon. Kaya lamang, dahil sa pandemya, hindi namin agad-agad magawa ang programa dahil sa kakulangan ng connectivity.”
Inilunsad ng KCFI ang Basa Bilang project noong 2018 para mapaunlad pa ang kakayahan sa pagbasa at aritmetik ng mga mag-aaral sa mababang baitang sa pamamagitan ng panonood ng mga animated at live action videos na nakabatay sa curriculum ng Department of Education (DepEd). Tinutulungan ng KCFI na mabuo ang pundasyon ng mga mag-aaral sa pagbabasa, mathematics, at pagsasalita — mga pangunahing aspeto para mahasa ang educational development ng bata.
Ayon kay Esperanza “Espie” M. Batitis, guro sa Sta. Rosa Elementary School Central 1, ang Basa Bilang at Wikaharian videos ay talagang nakatulong sa kanilang mga guro na nagtuturo ng asignaturang Filipino dahil mas nakukuha na nila ang atensyon ng mga bata.
“Ang mga video ay tumutulong sa mga guro na makatipid ng oras sa paghahanda ng mga visual material sa Filipino. Ito ay isa sa mga mas mahusay na diskarte sa pag-aaral sa kasalukuyan. Dahil sa mga motion at mga special effects, ang pagkatuto ay naging mas kasiya-siya kaysa sa pagbabasa ng isang teksto,” ani ni Batitis.
Tinuon ng DepEd ang atensyon nito sa distance learning para sa kasalukuyang school year nang masuspinde ang mga klase sa paaralan noong Marso 2020 dahil sa community quarantine na ipinatupad sa buong Luzon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa pamamagitan ng iba’t ibang programa, patuloy na sinusuportahan ng Globe ang United Nations Sustainable Development Goals lalo na ang Goal No. 4 na naglalayong masiguro ang inclusive at pantay na dekalidad na edukasyon at itaguyod ang pangmatagalang oportunidad sa pagkatuto para sa lahat. Para sa iba pang kaalaman sa Globe, bisitahin ang www.globe.com.ph (ROHN ROMULO)