TIYAK na marami ang makaka-relate sa napapanahong pelikula ng TBA Studios na pinagbibidahan nina Janine Gutierrez at JC Santos, ang Dito At Doon na mula sa mahusay na direksyon ni JP Habac.
Sa pamamagitan ng online press screening, isa kami sa unang nakapanood ng lockdown movie na mula sa panulat nina Alexandra Gonzales at Kristin Parreno Barrameda, na talaga namang tututukan mo ang mga kaganapan sa karakter nina Janine at JC na sina Len at Caloy.
Sa virtual presscon ng Dito At Doon, natanong ang dalawang bida kung saan eksena sila naka-relate sa pelikula.
“May isang eksena doon, na kung saan frontliner ang mommy ni Len (played by Lotlot de Leon), tapos hindi niya alam kung ano ang magiging resulta, tapos nakaharap siya sa laptop niya. Hindi alam kung ano ang magiging reaksyon, kung ano ang gagawin niya doon dahil nasa bahay lang siya… nandoon siya sa balcony.
“I think, naka-relate ako doon, what if, ano ang magiging reaksyon ko, kung may family na nagkaroon (ng Covid-19) o naging suspect, parang nasa ere ka nun tapos ‘di alam kung anong mangyayari,” tugon ni JC.
Sagot naman ni Janine, “medyo light lang, mayroong isang eksena doon na tinanong ako doon ng nanay ko kung sino ang bago kong kaibigan (sabay pakita ng picture ni Lotlot sa kanyang cellphone).
“Sa picture na ito, ganyan po talaga siya makatingin sa totoong buhay. At marami palang naka-relate. Iba talaga ang mga nanay ‘no, parang may psychic power sila.
“Di ba kung makatingin ang nanay, iba talaga eh. Saka yun nanay ko, medyo kinilabutan ako habang pinapanood ko yun eksena namin.”
Marami ngang isyu ang natalakay sa Dito At Doon, tulad pakikipagrelasyon sa panahon ng pandemya, ang e-numan (online inuman) na nauso, pagluluto, paghahalaman, relasyon sa pamilya at kaibigan, at ang matatapang na pagsagot sa social media posts, na isa na ginawa ng character ni Janine, na kahit nahihirapan at matapang pa rin hinarap ang mga pagsubok.
Mapapansin ang kakaibang style ni Direk JP na kahit ang buong cast ay manghang-mangha nang mapanood na nila ang kabuuan ng ipinagmamalaki nilang pelikula.
Pag-amin ni Janine, “’yun pagka-edit at kung paano ginawa ang pelikula, like I can see, wala pa akong napapanood na pelikula na ganon.
“Sinabi ko nga kay Direk JP ang galing ng ginawa niya sa mga usapan through phone or naka-zoom lang, like ko siya.”
Dagdag pa niya, “kinakabahan ako, pag-premiere night, so, wala rin pala, kahit sa virtual, kinakabahan pa rin ako, pero, I was surprised, even I knew the story, na-hook pa rin ako.”
Say naman ni JC, “medyo natakot ako, sabi ko, dapat maganda yun pelikula namin, pero nang napanood ko na, ang sarap ng feeling pagkatapos.”
Napakahusay rito nina Janine at JC, dahil mararamdaman mo talaga sa kanila ang character nina Len at Caloy, ang ganda ng kanilang chemistry.
Nakakakilig din yung eksenang nakahubad si JC sa sinabihan siya ni Janine ng, ‘bakit ka nakahubo, magdamit ka nga,’ at habang nagluluto ay nagpi-flex ng sexy body si Caloy, may hirit si Len, ‘bakit ko pa kailangan magluto kung may ulam na’, na hindi agad nakuha ng karakter ni JC na may pagka-slow, tawa talaga kami nang tawa, for sure, marami makaka-relate at kung ganun naman ang magtuturo sa ‘yo na magluto ng sinigang, pipilitin mong galingan at sarapan.
May kilig din nang kantahan ni JC si Janine ng isang Visayan song.
Nag-share naman si Janine na nag-isip talaga ng mga bagay na nakakakilig para magawa ang mga eksena, pero pag-amin niya, ang huli raw niyang ‘super kilig moment’ at nang mag-tweet si Ms. Regine Velasquez-Alcasid na nakatatawa, akala raw ng Songbird na maganda na siya that day, pero noong nakasalubong niya si Janine sa ABS, hindi na pala.
Pansin din namin na hanggang sa pelikulang Dito At Doon, nandoon pa rin ang pagiging matapang ni Janine, na bukas na bukas ang isip sa nangyayari sa bansa na dulot ng pandemya at kung ano ang ginagawa ng ating gobyerno.
Anyway, bukod kina Janine at JC, parehong mahusay din sina Yesh Burce at Victor Anastacio bilang ang magdyowang kaibigan nila na sina Jo at Mark, nakadagdag sila ng saya at lalo pang nagpaganda sa pelikula na hopefully marami ang makapanood sa online streaming simula ngayong araw, March 31 sa pamamagitan ng KTX.ph, iWant TFC, Cinema 76 @ Home at Ticket2Me.
Gustung-gusto rin namin ang pagkakalapat ng theme song na “Nakikinig Ka Ba Sa Akin” ng Ben & Ben, saktong-sakto talaga sa Dito At Doon, may kurot na talagang tagos na tagos. Kuwento pa ni Direk JP, nagkataon na kaibigan niya ang isa sa member ng sikat na banda at napagbigyan naman sila ng isang magandang kanta na bagay na bagay sa pinagdaanan nina Len at Caloy sa pelikula.
Tiyak na marami rin ang magre-react sa ending na Dito At Doon na kahit kami ay hindi ‘yun inasahan kaya malamang sa malamang, gugustuhin ng makakapanood na magkaroon ito sequel o part 2.
Kaya ‘wag ninyong palalampasin ang napakagandang obra na ito ni JP Habac na kung saan isa si Paulo Avelino sa nag-produce.