NAPUNO ng heart emoji ang comment section ng latest Instagram post ni Karla Estrada.
Kasi naman, ang pinost nito ay ang picture ng anak na si Daniel Padilla at ng girlfriend nito na si Kathryn Bernardo.
Walang nakalagay kung kailan kinunan ang picture, pero dahil kaka-birthday lang ni Daniel, baka raw sa selebrasyon ng birthday nito.
Ang caption ni Karla sa IG post niya, “A life’s full of love and positivity.”
Saka sinundan ng hashtag na blessed and grateful.
Ang daming nagko-comment at nakakapansin na kesyo magkamukha na raw sina Daniel at Kathryn. At kung senyales nga raw kapag magkamukha na, naniniwala ang mga fan nila na ang dalawa na talaga ang magkakatuluyan.
Pero, dahil sa post na ito ni Karla, parang na-reassured ang ibang fans. Kasi, ang dami palang nag-aabang ng IG greeting ni Kathryn noong birthday ni Daniel, na karaniwan nitong ginagawa.
May lumabas pa ngang write-up na dahil hindi binati ni Kathryn sa social media ang boyfriend, dumedma raw ba ito o may problema raw ba ang dalawa?
Sa isang banda, hindi ba puwedeng nagpaka-private naman this time sina Kathryn at Daniel? At ano mang birthday message ni Kathryn ay personal na niyang sinabi sa boyfriend.
***
IPINAKILALA na ng Dreamscape ng ABS-CBN ang bagong Kapamilya na si Sunshine Dizon.
So after 25 years of being a Kapuso, ito ang unang pagkakataon na mapapanood ang actress sa Kapamilya network.
Bukod kay Sunshine, may bago rin love triangle na ipinakilala at mga teen cast ng bagong show ng unit ni Deo Endrinal.
***
GRABE pala ang pinagdaanan ng actress na si Gladys Reyes nitong mga nakaraang Linggo.
Masasabing medyo nasusubok talaga ang tatag at faith niya sa pagkakaroon ng sakit ng kanyang daddy.
Last year ay na-confine na ito at na-angioplasty sa kasagsagan ng pandemic at si Gladys ang nagbantay sa hospital. Naulit itong muli ngayong April nang mahirapan daw huminga ang daddy niya and it turned out na pneumonia.
Sabi ni Gladys, abot-abot daw ang dasal niya na sana, mag-negative sa swab test ang ama dahil kung magpa-positive ito, talagang wala na raw silang mapaglalagyan na hospital.
Na-realize din daw niya kung gaano talaga katotoo ang COVID-19 at kung gaano kahirap. Na kahit na may pera ka pa, kahit sabihin pang may koneksiyon o kakilala at kahit gusto kang i-accommodate ng hospital, wala na raw talagang enough room at space sa emergency room.
Nakalabas na ang daddy ni Gladys at nagpapasalamat ito na negative sa virus ang ama. Pero dahil katulad niya na nagka-direct contact daw sa positive patient, siya na mismo ang nag-isolate sa sarili niya for 14 days.
Parang teleserye o k-drama raw sila ng mga anak, lalo na ng bunso dahil umiiyak ito at hindi maintindihan bakit hindi siya puwedeng lapitan o hawakan.
Sa isang banda, habang naka-isolated, inatupag niya ang panonood ng K-drama at doon naisilang ang kanyang Korean-kapampangan o Kpam na pagkanta ng mga K-drama OST. Bilang wala raw siyang gumawa na it turns out, nagustuhan ng mga netizens at tuwang-tuwa sa ginawa niya.
Kung mapapansin din, since pandemic, hindi siya napapanood o tumatanggap ng kahit anong teleserye, personal choice niya raw talaga na hindi mag-lock-in taping for safety ng kanyang pamilya. (ROSE GARCIA)