Itinuturing ni retired US boxing champion na si Floyd Mayweather Jr. na si Senator Manny Pacquiao ang pinaka-best fighter na kanyang nakalaban sa loob ng 21 taon niyang career.
Kung maalala kabilang sa mga boxing legend na nakaharap na ni Mayweather ay sina De La Hoya, Canelo Alvarez, Juan Manuel Marquez, Miguel Cotto, Sugar Shane Mosley, Arturo Gatti, Jose Luis Castillo, Diego Corrales at iba pa.
Paliwanag ni Mayweather kung bakit best fighter si Pacman ay dahil sa kakatwa niyang movement o galaw pagdating sa ring.
Patunay daw na pambihira ang galing ng Pinoy ring icon ay bunsod na rin ng maraming nitong panalo sa matitinding mga laban.
Pabor din si Mayweather na maging bahagi ng Hall of Fame ang fighting senator.
Ginawa naman ni Mayweather ang pag-amin kasunod nang anibersaryo ng anim na taon na ang nakalipas noong May 2, 2015 nang isagawa ang unification bout nila ni Pacquiao.
Hanggang ngayon ay hindi pa nababasag ang record ng dalawa bilang “richest fight ever in the history of boxing.”
Sinasabing sa naturang laban kumita si Pacquiao ng bilyong bilyong piso.
Inihayag naman ni Mayweather na sa laban kay Pacquiao, tumabo siya ng limpak limpak na salapi na umaabot sa $300 million.
“The best fighter I’ve ever fought probably was Manny Pacquiao because of his movement. He’s a hell of a fighter,” ani Floyd Jr. sa kanyang pagdalo sa The Million Dollaz Worth of Game. “And I can see why he won so many fights, and I can see why he’s going down as a Hall of Famer because of certain moves that he makes.”