• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 20th, 2021

5 kulong sa shabu sa Valenzuela

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

KULONG ang limang hinihinalang drug personalities kabilang ang dalawang babae matapos matimbog sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela city, kamakalawa ng gabi.

 

 

Kinilala ni Valenzuela Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief PLT Joel Madregalejo ang naarestong mga suspek na sina Michael Sangil, 39, Joemarie Lazo, 40, Felizardo Del Mundo Jr, 41, Carmela Sanguyo, 37, at Sheena Gaa, alyas “Baby G”, 18, pawang ng Brgy. Gen. T De Leon.

 

 

Sa imbestigasyon ni PSSg Ana Liza Antonio, dakong alas-11:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU na kinabibilangan nina PSSg Arvin Lirag, PCpl Redentor Pellesco, PCpl Keneth Marcos, PCpl Maverick Jake Perez at PCpl Noriel Boco sa pangunguna ni PLT Madregalejo sa ilalim ng pangangasiwa ni PCOL Ramchrisen Haveria Jr ng buy bust operation sa 6111 B Lower Tibagan, Brgy. Gen. T De Leon.

 

 

Kaagad dinamba ng mga operatiba si Sangil matapos bentahan ng P500 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer habang naaktuhan naman ang iba pang mga suspek na sumisinghot umano ng shabu sa loob ng bahay.

 

 

Narekober sa mga suspek ang nasa 7 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P47,600.00 ang halaga, buy bust money, P800 cash, ilang drug paraphernalia, 4 cellphones at pulang pouch.

 

 

Kasong paglabag sa Section 5, 11, 12, at 15 under Article II of R.A 9165 ang isinampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office. (Richard Mesa)

Higit 3-M Pinoy nabakunahan na kontra COVID-19 – Galvez

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Mahigit tatlong milyong Pilipino na ang nabakunahan kontra COVID-19.

 

 

Sa ulat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na 2,282,273 Pilipino na bahagi ng A1 hanggang A4 priority groups na ang nabakunahan hanggang Mayo 16.

 

 

Samantala, 719,602 Pilipino naman na kasama rin sa naturang vaccination groups ang naturukan na ng dalawang doses ng COVID-19 vaccines.

 

 

Sa kabuuan, 3,001,875 Pilipino na ang nabakunahan kontra COVID-19, ayon kay Galvez, na nagpahayag din ng kanyang kumpyansa na mapapabilis pa ang vaccination program ng pamahalaan.

 

 

Sinabi rin ni Galvez na sa loob lamang ng 17 araw ngayong Mayo, aabot sa 1 million Pilipino ang nagawang mabakunahan ng pamahalaan.

 

 

Malaking pagbabago na ito kung ikukumpara aniya noong Marso kung saan umabot ng 40 araw, at 30 araw naman noong mayo bago makapagbakuna ng tig-1 million katao.

 

 

Sa ngayon, naipamahagi na ng pamahalaan ang 7,149,020 vaccines sa kabuuang 7,779,050, na gagamitin sa 3,784 vaccination sites.

Pilipinas at China, walang tensyon sa WPS

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SA KABILA ng incursions at mga protesta, iginiit ng Malakanyang na walang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay sa usapin ng West Philippines Sea.

 

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, ang tensyon ay nasa isip lang ng mga kritiko ng administrasyon partikular na ng oposisyon.

 

“Wala akong nakikitang tension. Ang tension ay ginagawa ng mga kritiko sa Pilipinas ,” ayon kay Sec. Roque.

 

“May problema, pero wala naman pong tension,” dagdag na pahayag nito.

 

Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na inulan ng kritisismo si Pangulong Duterte sa naging pahayag nito na di umano’y minaliit ang legal claims ng Pilipinas sa West Philippine Sea, partikular na ang 2016 victory sa UN-backed Permanent Court on Arbitration.

 

Si Retired Supreme Court justice Antonio Carpio, ay nagsimula na rin ng signature drive na nananawagan kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bawiin ang kanyang sinabi.

 

Samantala, sinabi naman ni Sec. Roque na siya lang at si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang inatasan ni Pangulong Duterte na magsalita hinggil sa usapin ng West Philippine Sea.

 

At sa tanong kung ito ay nangangahulugan ng ‘gag order” sa National Task Force West Philippine Sea, na nagu-ulat ng maraming beses ukol sa Chinese vessels na namataan sa disputed territories, sinabi ni Sec.Roque na ang diplomatic communications ay covered ng executive privilege.

 

“These reports by the Task Force will be used by the DFA (Department of Foreign Affairs) in evaluating whether they will file a diplomatic protest which are relevant diplomatic communications,” anito.

 

“Diplomatic communications are covered by executive privilege,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

 

Sinabi ni Pangulong Duterte na ang Philippine vessels ay hindi aalisin sa nasabing lugar.

SHARON, at home sa West Coast, kung pwede doon na siya titira; nakapagbakuna na sa US

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

MARAMING fans and friends ni Megastar Sharon Cuneta ang natuwa sa Instagram post niya, a few days pa lamang na dumating siya sa Los Angeles, California, pero nakapagpa-bakuna na siya ng Moderna vaccine last May 17.

 

 

Say ni Mega, “Vaccinated! Got my first dose of Moderna Vaccine! Thank you so much Nurse Trixia!” 

 

 

Isa raw Filipino nurse doon si Trixia.

 

 

Sa video, sinabi pa ni Sharon na mataas daw ang tolerance niya sa pain kaya halos hindi niya namalayan na naiturok na sa kanya ang bakuna.

 

 

Kaya naman ang tanong sa kanya, kung babalik ba muli siya sa States for the second dose, and she replied, “Am staying a while.”

 

 

Dagdag na IG post ni Sharon: “My gosh.  Being here makes it seem like Covid is a lot farther away than it ever was. I love the weather now, (it’s cold), and aside from seeing people wearing masks and not being able to watch movies at cinemas, eating at restaurants table apart, it almost feels like life is normal again… I love being “home” here. The West Coast has always felt like home, I could live here forever!”

 

 

Pero alam daw niyang hindi iiwan ng husband niyang si Kiko ang Pilipinas. 

 

 

Their eldest, si Frankie will continue her studies in New York this year, at malamang na tulad nang dati, before the pandemic, sinamahan din niya nang matagal-tagal sa New York ang anak.

 

 

At very soon, susunod na rin daw mag-aral doon ang bunso nilang si Miel.

 

 

***

 

NATUWA ang mga fans ni Ms. Coney Reyes nang i-post niya sa kanyang Instagram account na Love of My Life, streams on Netflix starting May 28.  #ThankYouLord

 

 

Mapapanood na nga ang top-rating family drama ng GMA Network na Love of My Life sa Netflix Philippines, matapos mag-request ang mga fans and viewers na maging available ito on the popular video streaming platform.

 

 

Ang original series ay nagtatampok kina Coney, Carla Abellana, Rhian Ramos, Mikael Daez, and in very special role, versatile actor Tom Rodriguez.

 

 

Sa direksyon ito ni Don Michael Perez. 

 

 

Hindi ang Love of My Life ang unang Kapuso show na ipinalabas sa Netflix Philippines.  Nauna rito ang Descendants of the Sun Philippines at sinundan ng groundbreaking program na I Can See You.

 

 

***

 

 

HABANG naghihintay pa si Wendell Ramos at ang cast ng Prima Donnas para sa book two ng top GMA Afternoon drama series, ngayon ay may time harapin muna ng aktor ang mga business na itinayo niya sa Cebu City, kasama ang wife niyang si Kukai Ramos at dalawang anak.

 

 

Sa Intagram post ni Wendell pagdating sa Cebu, sinabi niyang ilo-launch niya at ng kanyang family ang mga negosyong itinayo nila roon.

 

 

Bale tatlo ang investments ni Wendell, ang WenDeli Meat House, na mga frozen products ready to cook na like tapa, tocino at iba pa, ang ibinebenta nila, iFarm at nag-franchise din siya ng iFuel Gas Station.

 

 

This Saturday, May 22, ang launch nila na gaganapin sa City Sports Club in Cebu.

 

 

At very soon ay magkakaroon sila ng grand opening ng iFuel Gutalac Zamboanga na kasama niya ang isa pang franchise owner, kapwa Kapuso actor Ken Chan.

 

 

Congratulations, Wendell!

(NORA V. CALDERON)

PFIZER VACCINE, DINAGSA NG MGA NAIS MAGPABAKUNA SA MAYNILA

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

DINAGSA ng mga nais magpabakuna kontra COVID-19 vaccine gamit ang Pfizer ang Manila Prince Hotel sa Ermita noong Lunes.

 

 

Madaling araw pa lamang ay mahaba na ang pila na kinabibilangan ng kategoryang A1 (medical frontliners), A2 (senior citizen), at A3 (person with comorbidity) para sa kanilang first dose.

 

 

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, nasa 900 doses ng Pfizer vaccine ang nakalaan sa mga nais magpabakuna sa nasabing hotel.

 

 

Personal din na nagtungo sa nasabing vaccination site bilang kinatawan ng lokal na pamahalaang lungsod si Liga ng Barangay President Lei Lacuna upang magbigay ng direktiba at maisaayos ang pila ng mga nais magpabakuna.

 

 

Bukod sa Manila Prince Hotel ay may 18 vaccination sites pa ang lokal na pamahalaang lungsod na matatagpuan sa buong Maynila kung saan gagamitin ang bakunang Sinovac para sa first dose na nakalaan sa kategoryang A1 hanggang A3.

 

 

Matatagpuan ang mga nasabing vaccination sites sa District 1- Emilio Jacinto Elementary School, Isabelo Delos Reyes Elementary School, at Vicente Lim Elementary School; District 2 – Pres. Sergio Osmeña High School, Francisco Benitez Elementary School, at Plaridel Elementary School; District 3 – Andres Bonifacio Elementary School, Pedro Guevarra Elementary School, at Juan Sumulong Elementary School; District 4 – Ramon Magsaysay High School, General Malvar Elementary School, at Graciano Lopez Jaena Elementary School; District 5 – Rafael Palma Elementary School, Justo Lucban Elementary School, at Aurora Quezon Elementary School; at sa District 6 – Jacinto Zamora Elementary School, Sta. Ana Elementary School, at EARIST.

 

 

Kasabay nito ay magsasagawa naman ng second dose vaccination gamit ang AstraZeneca vaccine sa Ospital ng Maynila para sa kategoryang A1 hanggang A3 na naturukan ng kanilang first dose nitong Marso 19 at Marso 23.

 

 

 

Bukod dito ay may gagawin din na home service vaccination para sa mga bedridden citizen sa lungsod kabilang na ang mga naka-schedule sa kanilang second dose gamit ang Sinovac vaccine para sa kategoryang A1 hanggang A3 na naturukan ng kanilang first dose nitong Abril 20.

 

 

 

Muling pinaalalahanan ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga magpapabakuna na nakapag-pre-register na dalhin ang waiver form o QR code para sa gagawing beripikasyon.

 

 

 

Muling hinimok ng Alkalde ang mga hindi pa nakakapagpalista na magpunta sa www.manilacovid19vaccine.com para makapagpa-register.

 

 

 

Muling nagpa-alala si Yorme sa mga magpapabakuna na huwag kalimutan ang pagsusuot ng face mask at face shield at ang pag-oobserba ng physical distancing. (GENE ADSUARA)

JANINE, nilinaw na matatagalan pa bago sila magpakasal ni RAYVER; looking forward sila ni JC na maipalabas sa sinehan ang ‘Dito at Doon’

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

MATAGAL nang gustong makagawa ng pelikula ni Janine Gutierrez sa TBA, producer ng award-winning movie na Heneral Luna at Goyo.

 

 

Kaya naman nang dumating sa kanya ang offer to do Dito at Doon tinanggap niya agad ito kahit wala pa ang script sa kanyang mga kamay.

 

 

“I heard na may offer ako from TBA kung saan makakatrabaho sina Direk JP Habac at JC Santos. I said yes na agad kasi I want to work with TBA,” sabi ng Best Actress awardee ng Gawad Urian at FAMAS for Babae at Baril sa thanksgiving presscon ng Dito at Doon.

 

 

Tama naman ang naging desisyon ni Janine dahil critically-acclaimed ang pelikula na ang setting ay during the pandemic. Successful ang streaming nito online at pwede na rin itong mapanood kahit ng fans ni Janine abroad.

 

 

Sa thanksgiving presscon ay sinagot din ni Janine ang tanong if she is looking forward na maipalabas ang Dito at Doon sa big screen kapag nagbukas na muli ang mga sinehan.

 

 

“Iba pa rin ang experience na manood ng movie sa sinehan. It is also an experience to watch a movie at home. Pero I am looking forward to see ‘Dito at Doon’ sa moviehouse.

 

 

This is a special movie for me kasi we know it’s pandemic pero TBA made an effort para makagawa ng movie like this kahit na mahirap ang sitwasyon,” sabi ni Janine.

 

 

Doing this movie gives her hope. Hindi raw kasi natin alam what direction to take nang magkaroon ng pandemic.

 

 

“But it is very brave for TBA to take this risk para gawin ang ‘Dito at Doon’ kung saan alagang-alaga nila kami every step of the way. It is my hope na marami pa rin ang manood ng movie online.”

 

 

Tinanong din si Janine about her post kung saan parang nagpapahiwatig ito ng malapit na siyang magpakasal.

 

 

Pero sabi ng aktres na malayo pa raw iyon mangyari at alam daw iyon ng boyfriend niya na si Rayver Cruz.

 

 

***

 

 

PARA naman kay JC Santos, pag-asa rin ang dala sa kanya ng pelikulang Dito at Doon.

 

 

Nasa survival mode kasi tayo since nagkaroon ng pandemic and after watching the movie, it gives one the feeling of hope.

 

 

At tulad ni Janine Gutierrez, JC is also interested na mapanood ang Dito at Doon sa mga sinehan if and when cinemas are allowed to open.

 

 

“Iba pa rin ang experience na makapanood tayo sa sinehan. Iba ang pakiramdam. Iba rin ang fulfillment. Kasi masasabi mo na nag-enjoy ka experience mo at sulit ang panonood mo. I miss that feeling na spectator ka sa isang malaking sinehan. I miss that. Sana maibalik na iyon.”

 

 

Dahil sa magandang reviews sa Dito at Doon, marami ang nagtatanong kung magkakaroon ba ito ng sequel.

 

 

Ayon kay Direk JP Habac, hindi pa rin niya ito napag-iisipan pero open naman siya sa possibility.

 

 

Para naman kay JC, maganda kung magkakaroon ito ng sequel at kung sakali, gusto niya na si Enchong Dee ang maging ka-love triangle nila ni Janine.

 

 

“Enchong is a very nice guy. Mabait siya. Gusto ko siyang makakwentuhan at marinig kung ano ang laman ng isip niya.”

(RICKY CALDERON)

PDu30, inatasan ang DILG na maging bahagi ng supervisory team sa point to point delivery ng maselang bakuna gaya ng Pfizer

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dapat maging kabahagi ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa ninanais ng Pfizer na direct vaccine delivery ng kanilang mga bakuna.

 

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., gusto ng Pfizer ay huwag nang magkaroon ng double handling at sa halip ay idiretso na agad ang kanilang bakuna sa kinauukulang Local Government Unit (LGUs).

 

Sinabi ng Pangulo na ang magiging trabaho ng DILG ay tingnan kung ano pa ang kakailanganin sa paghahatid ng bakuna at matiyak na mapananatili ang integridad ng vaccine.

 

” I would insist that the DILG would be part of the supervisory team kasi gusto kong malaman rin ni Secretary Año if everything is done according to what has been planned,” ayon sa Pangulo.

 

“So pag-aralan anong plano dito and they can point out if there is a lack of whatever in the handling and ano ‘yong ano, sir, ‘yong… The observance of all rules that would ensure the integrity of the vaccines. So it would be a also the obligation of DILG to o —  not that oversee but just to be there as a parang magsu-supervise, sir, para tingnan lang nila kung anong — walang pagkukulang so that it will be reported immediately,” dagdag na pahayag nito.

 

Aniya, dapat na masiguro na magiging maayos ang handling o paghawak sa mga bakuna hanggang sa ito ay mailipat na sa pangangalaga ng LGU.

 

Ang Pfizer ang sinasabing pinakamaselang bakuna na ginagamit sa vaccination program ng pamahalaan na ayon kay secretary Galvez ay kaunting pagkaka- mali ay tiyak na masasayang lang ito at hindi na magagamit. (Daris Jose)

Watanabe kailangan pang hintayin ang announcement

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

IJF announcement para sa Olympic berth Kung ang continental quota system ang pagbabasehan ay mayroon nang tiket si Fil-Japanese Kiyomi Watanabe para sa 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.

 

 

Ngunit kailangan pa niyang hintayin ang official announcement ng International Judo Federation (IJF) sa susunod na buwan.

 

 

“We have a slot in the Olympics. She (Watanabe) cannot be dislodged from that slot, it’s just that our IF (International Federation) will officially announce it e­ither second or third week of June,” ani Philippine Judo Federation (PJF) president Dave Carter.

 

 

Magagawaran si Watanabe ng Olympic ticket sa pamamagitan ng continental quota system, ayon kay Carter.

 

 

Si Watanabe, isang four-time Southeast Asian Games gold medalist, ang posibleng maging pang-siyam na atleta ng bansa sa 2021 Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.

 

 

Base sa official ran­kings ay No. 9 si Watanabe sa women’s -63kg class sa Asya at isa siya sa tatlong judokas na posibleng pu­malit kina Japanese bets Nami Nabekura, Doi Masako at Aimi Nouchi dahil sa eligibility rules.

 

 

Ang bawat bansa ay maaari lamang makapagsali ng isang judoka sa bawat weight division.

 

 

Sasabak si Watanabe sa World Championships sa Hunyo 6-13 sa Budapest, Hungary kung saan maaari niyang direktang makamit ang Olympic ticket kung mananalo sa kanyang dibisyon.

 

 

Bukod kay Watanabe, aasinta rin ng Olympic slot ang magkapatid na Shugen at Keisi Nakano.

Steph Curry inangkin ang ika-2 NBA scoring title

Posted on: May 20th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Napasa­kamay ni Stephen Curry ang kanyang ikalawang NBA scoring crown habang inangkin ng Portland Trail Blazers ang No. 6 berth sa Western Conference playoffs sa pagtatapos ng regular season games.

 

 

Sa San Francisco, nagpasabog si Curry ng 46 points sa 113-101 pagbugbog ng Golden State Warriors (39-33) sa Memphis Grizzlies (38-34) para kunin ang No. 8 spot sa play-in tournament sa West.

 

 

Nakamit ng 33-anyos na si Curry, naglista ng 32.0-point scoring average sa regular season, ang ikalawa niyang scoring title matapos noong 2015-16 season.

 

 

Sa Portland, tumipa si Damian Lillard ng 22 points at 10 assists sa 132-116 paggupo ng Trail Blazers (42-30) sa Denver Nuggets (47-25) at kunin ang No. 6 seat sa West playoffs.

 

 

Muling maglalaban ang No. 6 Blazers at No. 3 Nuggets sa first round ng playoffs.

 

 

Ang panalo ng Bla­zers ang naghulog sa nagdedepensang Los Angeles La­kers (42-30) sa play-in tournament sa kabila ng 110-98 panalo sa talsik nang New Orleans Pelicans (31-41).

 

 

Sasagupain ng No. 8 Warriors ang No. 7 Lakers sa play-in tournament sa West at lalabanan ng No. 9 Grizzlies ang No. 10 San Antonio Spurs (33-39).

 

 

Sa Sacramento, humataw si Fil-Am Jordan Clarkson ng 33 points sa 121-99 pagsagasa ng Utah Jazz (52-20) sa talsik nang Kings (31-41) para kunin ang No. 1 spot sa West playoffs.

 

 

Sa Atlanta, inupuan ng Hawks (41-31) ang No. 5 seat sa East playoffs sa 124-95 pagdomina sa talsik nang Houston Rockets (17-55).

 

 

Sa New York, naglista si Kevin Durant ng 23 points, 13 assists at 8 rebounds sa 123-109 panalo ng Brooklyn Nets (48-24) sa talsik nang Cleveland Cavaliers (22-50) para sa No. 2 berth sa East playoffs.

 

 

Inangkin naman ng New York Knicks (41-31) ang No. 4 spot sa East sa 96-92 pagdaig sa Boston Celtics (36-36).