Magiging world champion na naman si eight-division world champion Manny Pacquiao.
Ito ay dahil sa posibilidad na maibalik sa kanya ang World Boxing Association (WBA) welterweight title.
Inihayag ni WBA president Gilberto Mendoza na malaki ang tsansa na muling ibigay sa Pinoy champion ang world title matapos itong tanggalin sa kanya noong Enero.
Ikinuwento ni Mendoza na nakipag-uganayan si MP Promotions president Sean Gibbons sa WBA para hilingin na ibalik ang korona kay Pacquiao.
“Initially, the plan was for (Yordenis) Ugas to fight Pacquiao. But now, the (Errol) Spence fight was announced. (MP Promotions head) Sean Gibbons, who represents Manny, they’ve written a letter to be placed back in (as WBA “super” champion),” ani Mendoza saThaBoxingVoice.
Dahil sa aksyon ng kampo ni Pacquiao, kumikilos na ang WBA upang mapabilis ang proseso para ibalik sa Pinoy champion ang championship belt nito.
Nakatakdang sumalang sa matinding bakbakan si Pacquiao laban kay reigning World Boxing Council (WBC) at International Boxing Federation (IBF) welterweight champion Errol Spence sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila).
“We’re working on it. There’s a high probability. It has to be run through a championship committee and voted before being taken to the president,” ani Mendoza.
Noong Enero, tinanggalan ng WBA crown si Pacquiao dahil sa “inactivity” nito sa loob ng mahigit isang taon.
Matatandaang noong Hulyo 2019 pa huling lumaban si Pacquiao matapos irehistro ang split decision win laban kay Keith Thurman para maagaw ang WBA title.
Mula noon, hindi na nasilayan pa sa aksyon si Pacquiao dahil sa epekto ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Nakatakdang sagupain ni Pacquiao si Spence sa Las Vegas, Nevada.
At kung maibabalik ang WBA crown sa Pinoy pug, magsisilbi nang unification fight ang Pacquiao-Spence mega bout na inaasahang tatabo sa takilya.