• November 13, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 15th, 2021

‘Hazard pay’ ng health workers ‘di pa naibibigay

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Aminado ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) na hindi pa nailalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang ‘hazard pay’ ng mga health workers para sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.

 

 

Sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na kasalukuyang pinoproseso pa nila sa DBM ang pagpapalabas ng ‘hazard pay’ ma­ging ang ‘special risk allowance’ ng mga health workers.

 

 

Dahil dito, marami nang mga health workers ang nagrereklamo sa mabagal na proseso ng pagpapalabas ng kanilang mga benepisyo habang nanganganib ang kanilang kalusugan dahil sila ang nasa pinaka-unahan sa paglaban sa COVID-19 sa mga pagamutan.

 

 

Sinabi pa ni Vega na may ilang health workers na ang nagbibitiw sa kanilang trabaho na maaaring magresulta sa kakapusan ng kanilang mga tauhan.

 

 

Bukas pa rin naman umano ang nasa 10,300 na posisyon para sa mga health workers sa iba’t ibang panig ng bansa para mapalakas ang health care system ng mga pagamutan lalo na sa labas ng National Capital Region. (Gene Adsuara)

Eala naka-2 Grand Slam titles na

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Muling iwinagayway ni Alex Eala ang bandila ng Pilipinas sa world stage matapos masikwat ang girls’ doubles title sa prestihiyosong French Open na ginaganap sa Stade Roland Garros sa Paris, France.

 

 

Nakatuwang ni Eala si Russian partner Oksana Selekhmeteva kung saan matikas na pinataob ng dalawa sina Russian Maria Bondarenko at Hungarian Amarissa Kiara Toth, 6-0, 7-5 demolisyon sa finals.

 

 

Walang sinayang na sandali sina Eala at S­elekhmeteva nang pulbusin nito sina Bondarenko at Toth sa first set.

 

 

Ito ang nagsilbing regalo ni Eala sa bansa sa ika-123 Independence Day ng Pilipinas.

 

 

“Sa lahat ng mga Pinoy na nanood, maraming sa­lamat sa suporta. It’s a­ctually the Independence Day today (in the Philippines) so I hope that I made my contribution to the country,” ani Eala.

 

 

Si Eala ang pinakamatagumpay na juniors player sa kasaysayan ng Pilipinas matapos makasungkit ng dalawang Grand Slam titles.

 

 

Una nang nakuha ni Eala ang kanyang first Grand Slam noong nakaraang taon matapos magreyna sa Australian Open juniors girls’ doubles kasama si Indonesian partner Priska Madelyn Nugroho.

Mayor ISKO, napili para maging bida ng ultimate ‘Bonifacio’ film; may basbas ng great granddaughter ng bayani

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SI Manila Mayor Isko Moreno ang napili ng Regal Entertainment para sa Bonifacio film na ididirek ni Erik Matti.

 

 

Isa raw legacy project ang film bio ni Bonifacio at ang pagkapili kay Mayor Isko ay may basbas ni Susan Meyer, na great granddaughter ng Filipino hero na si Andres Bonifacio.

 

 

Ayon pa sa mga producers, ang filmbio na ito ay ang “ultimate film” tungkol sa buhay ng bayani.

 

 

Ayon pa kay Direk Erik at Dondon Monteverde, may parallels daw sa buhay nina Mayor Isko at Bonifacio. Perfect choice daw si Isko para sa papel ni Bonifacio dahil bukod daw sa magkamukha ang dalawa, pareho silang theater actors na nagmula sa Tondo, Maila.

 

 

At tulad ni Isko, dating mayor ng Manila si Santiago Bonifacio, ang ama ni Andres Bonifacio.

 

 

Ayon naman kay Susan Meyer, naniniwala raw siya na maka-Bonifacio si Isko at nadarama raw niya rito ang ipinaglalaban ng Lolo Andres niya noon, tulad nang ginagawa ni Isko na paglilinis ng Bonifacio Shrine na malapit sa City Hall sa unang buwan ng kanyang panunungkulan bilang Mayor ng Maynila.

 

 

“Sa tingin ko magaling din siya umarte. Hindi ko lang alam kung magaling siya sa action,” dagdag pang pahayag great granddaughter ni Bonifacio.

 

 

Tatlong pelikula na ang nagawa sa buhay ng tinaguriang “Father of the Philippine Revolution” namely Bonifacio: Ang Unang Pangulo (2014), Supremo (2012) at Ang Paglilitis ni Andres Bonifacio.

 

 

Pero ang bagong movie na raw ito tungkol kay Bonifacio ay maglalahad ng mga bagong tuklas na detalye sa buhay ng bayani.

 

 

Nang malaman daw ni Direk Erik ang mga bagong detalye sa buhay ni Bonifacio, naging interesado na raw agad sila ni Dondon Monteverde na isapelikula ito. Layunin nila na ipaalam sa mga tao ang mga bagong tuklas nilang impormasyon sa bayani, para mas lalo raw natin makilala at maunawaan si Bonifacio.

 

 

Titled Maypagasa, ito ang unang period movie ng gagawin ng director ng Buy Bust.

 

 

“Gusto namin makapagkwento sa buhay ni Bonifacio na hindi bahagi nang naituro sa atin sa paaralan at hindi pa natin napanood sa anumang pelikula na ginawa sa buhay niya. Ang gusto namin na maging relevant ang Bonifacio movie na ito for 2021,” pahayag pa ni Direk Erik.

 

 

***

 

 

HINDI naman natuloy si Liza Soberano na gumanap bilang Darna despite the many preparations for it, may ibang magandang project naman na dumating sa kanya via the movie Trese.

 

 

Si Liza ang nagboses sa lead character ng Trese, na napapanood ngayon sa Netflix.

 

 

Although napapanood din ito sa ibang lengguwahe, marami ang nagkagusto kung paano nilapatan ni Liza ng kanyang boses ang bidang karakter.

 

 

Komento ng ibang nakapanood na, bumagay daw sa karakter how Liza voiced sa series.

 

 

Suwerte pa rin si Liza dahil magandang dagdag sa kanyang resume ang pagiging bahagi niya ng Trese.

(RICK CALDERON)

Ads June 15, 2021

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Pangulong Duterte, nakiisa sa pagdiriwang ng mga Bulakenyo ng ika-123 Araw ng Kalayaan

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS– Nakiisa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagdiriwang ng ika-123 Taong Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Bulacan habang personal at postyumong iginawad ang Orden ng Lapu-Lapu, Ranggong Magalong kina Hen. Gregorio S. del Pilar at Marcelo H. del Pilar sa Harap ng Gusali ng Kapitolyo sa lungsod na ito kahapon.

 

 

Tinanggap ni Marita del Pilar Villatema Santos, pamangkin sa ikalawang henerasyon ni Hen. Del Pilar, ang nasabing parangal na ipinagkakaloob bilang pagkilala sa pagiging huwaran ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaan gayundin ang mga pribadong indibidwal dahil sa maringal na pagpapasulong ng adbokasiya ng pangulo.

 

 

“It is just fitting that more than a century since their exploits, these two sons of Bulacan continue to inspire succeeding generations of Filipinos to cherish the liberties and freedoms that they bled and fought for. I therefore consider it a great honor to bestow upon them – through their kin – the Order of Lapu-Lapu, in recognition of their extraordinary acts of heroism that served as the foundation of this nation,” anang Pangulo.

 

 

Hinikayat ni Duterte ang mga Pilipino, na parangalan ang legasiya ng mga ito sa pamamagitan ng paggawa ng maliliit na kabayanihan lalong higit ngayong panahon ng pandaigdigang krisis habang kinikilala ang mga makabagong bayani kabilang ang mga healthcare worker, kapulisan at iba pang mga frontliner na instrumento sa paglaban kontra COVID-19.

 

 

“In the past year, they have risked their own lives and sacrificed their own comfort and security to ensure that our society will continue to function despite this crisis. Maraming pong salamat sa inyong pagmalasakit at serbisyo,” ani Duterte.

 

 

Inanunsyo din niya na pinahintulutan na ng Armed Forces of the Philippines ang pagtatayo ng Wall of Heroes sa Libingan ng mga Bayani kung saan itatatak ang mga pangalan ng mga makabagong bayaning namatay dahil sa COVID-19 bilang pagkilala. Samantala, binigyang diin naman ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga sakripisyo at kontribusyon ng mga bayani na ang legasiya ay patuloy na tumayo sa gitna ng kabiguan, sa awa ng Diyos, pagmamahal sa pamilya at sa bansa ay nananatili.

 

 

“Kung paanong naitatag ng ating mga ninuno ang isang malayang bansa, sa panahon ng matinding kahirapan, tayo ay naniniwala na lalaganap muli sa ating lupain ang inspirasyon upang patunayan at itanghal muli’t muli kung ano ang kayang maabot ng isang bansang nagkakaIsa para sa mabuting layunin,” ani Fernando.

 

 

Dumalo din sa pagdiriwang sina Chief Presidential Legal Adviser Salvador Panelo, Senador Bong Go, mga kinatawan ng distrito sa Bulacan, AFP Chief of Staff Cirilito Sobejana, PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, Bise Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado, mga punongbayan sa Bulacan, at National Historical Commission of the Philippines Chairman Dr. Rene Escalante. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

3 arestado sa P119K shabu sa Valenzuela

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

MAHIGIT sa P.1 milyon halaga ng illegal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad sa tatlong hinihinalang drug personalities sa buy bust operation at sa isang checkpoint sa Valenzuela city.

 

 

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr, ang naarestong mga suspek na si Ricardo Carriedo, 45 ng 292 Canumay West at Eduard Plano, 37 ng 72 Rubber Master, Lingunan.

 

 

Sa imbestigasyon ni PSSg Ana Liza Antonio, dakong alas-9:20 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa Rubber Master St., Bukid, Brgy. Lingunan na nagresulta sa pagkakaaresto kay Carriedo at Plano matapos bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

 

 

Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang anim na plastic sachets na naglalaman ng nasa 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P102,000.00 ang halaga, buy bust money, P460 cash, cellphone at pouch.

 

 

Samatala, dakong alas-2:30 ng hapon, nagsasagawa ng checkpoint sa harap ng Sea Oil Karuhatan Road, Brgy. Karuhatan ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 9 sa pangunguna ni PLT Francisco Tanagan nang parahin ni Pat Sunny Mercado at PCpl Darwin Orale si Rodel Deran, 38, tricycle driver na sakay ng isang motorsiklo.

 

 

Ani SDEU investigator PCpl Glenn De Chavez, nang hingin ng mga pulis ang kanyang driver license ay nakita ni Pat. Mercado ang nakapiit dito na isang plastic sachet ng hinihinalang shabu kaya’t inaresto ang suspek at nang kapkapan ay nakuha sa kanya ang isa pang sachet ng hinihinalng shabu na tinatayang nasa P17,000 lahat ang halaga. (Richard Mesa)

Pacquiao ilalabas ang bagsik vs Spence—Fortune

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Patutunayan ni Manny Pacquiao kung bakit ito eight-division world champion sa oras na makasagupa nito si Errol Spence sa Agosto 21 (Agosto 22 sa Maynila) sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.

 

 

Ayon kay strength and conditioning expert Justine Fortune, iba ang kalidad ni Pacquiao na hindi maikukumpara kay Spence.

 

 

Ipinaliwanag ni Fortune na kakaibang Pacquiao ang nasisilayan ng buong mundo sa tuwing sumasalang ito sa laban.

 

 

Eksplosibong Pacquiao na siyang tunay na humahatak ng mga boxing fans sa iba’t ibang panig ng mundo.

 

 

“Every time you got to a Pacquiao fight, it’s always explosion and excitement. That’s what Manny brings to fights (and) that’s why people love watching him. And that’s Pacquiao. We’ll get him in shape as fast, as agile as he always is and explosive and then some,” ani Fortune sa panayam ng Little Giant Boxing.

 

 

Matagal nang kasama ni Fortune si Pacquiao sa training at kabisado na nito ang estilo at galaw ng Pinoy champion.

 

 

Alam nito ang kapasidad ni Pacquiao kaya’t asahan na ang mabagsik na porma sa laban nito kay Spence.

 

 

“Win or lose, y’know, he goes down as the best fighter in history in the mo­dern era for sure. No one will ever do what he’s done ever,” ani Fortune.

 

 

Halos dalawang taon na nang huling sumalang si Pacquiao.

Manilenyo ‘all out’ ang suporta kay Isko

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Ngayong nalalapit na ang panahon ng eleksiyon sa bansa, marami na ang nagtatanong at interesadong malaman kung ano ang magiging plano ni Manila Mayor Isko Moreno.

 

 

Tiniyak naman ni Don Ramon Bagatsing na kung ano man ang maging desisyon ni Yorme para sa posisyong kanyang tatakbuhan sa 2020 national and local elections, ay “all out” ang magiging suporta sa kanya ng mga taga-Maynila.

 

 

Kumpiyansa si Bagatsing na anuman ang takbuhang posisyon ni Moreno sa eleksiyon ay magiging mabuti itong public servant at magseserbisyo ito ng buo at tapat para sa ikabubuti ng mga mamamayan.

 

 

“Maraming options si Yorme. He is in a good spot. Dalawang taon na siyang walang tulog, nakita naming mga Manilenyo ang laban niya kontra Covid. Where he intends to go, Manila will follow,” ayon pa kay Bagatsing.

 

 

Matatandaang maugong ngayon ang balitang hindi na tatapusin ni Moreno ang kanyang tatlong termino bilang alkalde ng Maynila at papalaot ito sa national position o sa presidential race.

 

 

Isa rin ang alkalde sa mga posibleng presidential bets na sinasabing pinagpipilian ni Pang. Rodrigo Duterte upang suportahan para sa nalalapit na halalan. (Gene Adsuara)

2% pa lang ng 109 milyong Pinoys ang bakunado

Posted on: June 15th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Aabot pa lamang sa dalawang porsyento ng populasyon ng bansa ang nakakumpleto na ng bakuna kontra COVID-19 may halos tatlong buwan makaraan ang umpisa ng ‘vaccination program’ ng pamahalaan.

 

 

Ayon kay Health Undersecretary at treatment czar Dr. Leopoldo Vega, halos dalawang milyon pa lamang sa 109.48 milyong populasyon ng bansa ang nakakumpleto na ng dalawang dose ng bakuna mula nang umpisahan ang vaccination nitong Marso 1.

 

 

Inamin ni Vega na sa naturang numero, mahihirapang maabot ang target nila na makapagpabakuna ng 50% hanggang 70% ng populasyon ng bansa bago matapos ang kasalukuyang taon.

 

 

Para maabot ang naturang target, kailangang mabakunahan ang average na 500,000 indibidwal kada araw. Ngunit magdedepende umano ito sa mga dumadating na suplay ng bakuna sa bansa.

 

 

Una nang humingi ng paumanhin si vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa pagkabinbin ng delivery ng mga bakuna sa ilang lokal na pamahalaan.

 

 

Ipinayo ni Vega na mga brand na AstraZeneca, Sinovac at iba pang bakuna na hindi masyadong sensitibo sa temperatura ang dalhin sa mga malalayong lugar upang maserbisyuhan rin ang mga mamamayan sa mga kanayunan.