MASAYA si Eugene Domingo nang finally raw ay Kapuso na ang close friend niyangsi Pokwang, na matagal na pala niyang kinukumbunsi na lumipat sa GMA Network at ngayon nga ay nangyari na iyon.
Hindi raw itinuturing ni Uge na kalaban ang kaibigan na mahusay namang talaga at hindi lamang pagpapatawa ang kaya nitong gawin.
The past week matapos lumipat ni Pokwang sa GMA, nagkasunud-sunod na ang shows na naggi-guest siya at regular na rin siyang napapanood every Sunday sa musical-variety show na All-Out Sundays.
Nag-drama na rin si Pokwang sa real-life story sa Magpakailanman, hintayin natin kung ano ang story na gagawin ni Uge para kay Pokwang sa kanyang Sunday series na Dear Uge.
***
MAUUNA nang mapanood ang nagbabalik-Kapuso at mahusay na actor na si Albert Martinez ngayong Saturday, July 17, sa new episode ng Wish Ko Lang, na nagsi-celebrate ng month-long 19th Anniversary.
Titled “A Second Chance” ang episode, makakasama ni Albert si Kelvin Miranda, na natuwa nang malamang si Albert ang gaganap na ama niya sa story.
Hangang-hanga si Kelvin sa mga eksena nila ni Albert, who in turn ay humanga rin kay Kelvin dahil sa mahusay na acting nito. Makakasama rin nila sina Crystal Paras, Cai Cortez, Akihiro Blanco at bagong Kapuso ring si Luke Conde.
Hosted by Ms. Vicky Morales, mapapanood ang Wish Ko Lang 4PM sa GMA-7.
Samantala, tinatapos na rin ni Albert ang lock-in taping nila ng first Kapuso niyang teleserye na Las Hermanas na malapit nang mapanood sa GMA Afternoon Prime.
***
ISANG ‘Homecoming’ ang tawag ni Mr. Johnny Manahan or Mr. M, matapos siyang i-welcome ng mga executives ng GMA Network sa pangunguna ni Atty. Felipe L. Gozon, bilang isa nang Kapuso.
Bago kasi siya napunta sa ABS-CBN noon ay nasa Channel 7 (bago tinawag na GMA Network) na raw siya, nagdirek na siya ng episodes ng show ng ina niyang si Elvira Manahan.
Ngayon nga ay magiging consultant siya ng GMA Artists Center at excited na siyang magsimulang magtrabaho at gusto na niyang ma-meet ang mga Kapuso artist in the flesh, lalo na ang younger stars ng network.
Ayon pa sa kanya, ang main goal daw ng kanyang team is to, “develop a new breed of GMA artists.
“Kung ano pa ‘yung kulang sa kanila we hope to develop that and give them a brighter shine. So abangan ninyo, mga Kapuso!”
Meanwhile, sinabi rin ni Mr. M na may ilang Kapamilya stars ang gustong sumama sa paglipat niya sa GMA, pero hindi siya pumayag dahil may mga contract pa raw silang dapat tapusin.
Saka na raw lamang sila mag-isip kung gusto nilang lumipat kapag tapos na sila sa kanilang commitments.
***
MAGSISIMULA na bukas, July 17, ang prequel ng Pepito Manaloto, ang Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento sa GMA-7.
Tatampukan ito nina Sef Cadayona as Pepito, Mikee Quintos as Elsa. Kasama nila sa bagong cast sina Pokwang (sa first serye niya sa GMA), Gladys Reyes, Archie Alemania, Kokoy de Santos, EA Guzman, Kristoffer Martin, Denise Barbacena, Jay Arcilla, Angel Guardian and others.
Hindi mami-miss ng mga viewers sina Michael V at Manilyn Reyes as the narrators ng prequel na mula sa direksyon ni Bert de Leon.
Si Michael V rin ang sumulat ng catchy theme song na “Ang Unang Kuwento.”
(NORA V. CALDERON)