NAG-FILE na si Aiko Melendez ng Certificate of Candidacy last Wednesday, October 6 sa pagka-Konsehal ng District 5 ng Quezon City kasama ang kanyang lucky charm na si Vice Gov. Jay Khonghun.
Sa kanyang post, pinaliwanag niya kung bakit muling papasok sa public service after serving as the Councilor sa 2nd District ng Quezon City sa loob ng siyam na taon.
At dahil sa naging desisyon niya, kailangan niyang iwan ang book 2 ng Prima Donnas ng GMA-7 na kung saan excited pa naman siya sa pagbabalik ng character na si Kendra.
Panimula ng aktres, “Hindi ko papasukin ang public service dahil sa ako ay wala kasiguruhan sa mundo na kung san ako galing. Sa katunayan nga saksi ang GMA 7 family ko na iiwan ko ang Prima Donnas at masakit man sa puso at kalooban nila na mawawala ako sa show, at aalis dahil papasukin ko muli ang mundo ng public service.
“Nakatapos ako ng 2 pelikula ngayong pandemic me iniwan ako na show na hanggang next year. Hindi ako naghihirap pero di ko dn masasabi na mayaman na mayaman ako. Modesty aside po matagal na ako sa industriya galing ako sa mga soap operas na nagtagal pareho sa ere. Marami na ring nagawang pelikula.
“May mga endorsements at higit sa lahat hindi po ako nawawalan ng proyekto. Marahil na rin dahil sa mahal ako ng Dios kaya tuloy tuloy ang biyaya na dumating sa akin na gusto ko ibalik sa tao. Lahat ng ito hindi bago sa akin 9 na taon akong naging konsehal.”
“Nag-aral ako at wala ako iniwan na di maganda sa QC. Kaya taas noo ko na maipag mamalaki na babalik ako dahil higit akong kailangan ng mga aking ka distrito na buong katapatan ko pinaglingkuran dati. Madami po ako napasang batas nung ako ay konsehal na hanggang ngayon ay naging memorable sa mga tao dahil pinaglaban ko ang kanilang karapatan Sa lupa at pabahay nung ako ay nasa konseho.
“Pinaglaban ko ang mga mahal kong PWD kaya nabigyan sila ng pag asa sa buhay, mga benepisyo katulad ng discount na nararamdaman nila hanggang ngayon. Opo sa Quezon City isa po yan sa naipasa na batas na aking pinaglaban. Sa mga kababaihan marami po akong nabigyan ng mga livelihood projects.
“Ako rin po ay naging Chairman ng Appropriation commitee kung san naglagak kami ng pondo sa mga ekwelahan na nakikita nyo po sa QC ngayun na pinakikinabangan ng ating mga anak. Kaya nating bigyan ng solusyon ang mga problema sa gitna ng pandemya lalo na kung ito ay galing sa puso at napag iisipan,” dagdag pa ni Aiko.
Sa pagpapatuloy ng post, “Hindi ko minana o pinasa sa akin ang pagiging public servant, tumayo po ako at nagtrabaho, pinagpaguran ang inyong pagtitiwala ng 9 na taon dala tapat at masipag na pagserbisyo.
“Ako lang sa pamilya namin ang pumasok sa pulitika dahil sa pag susumikap. Kaya kahit magkakaiba ang naging batayan o pulso natin sa pag pili ng lider buong puso ko mapapagmamalaki na hindi ako nagnakaw at nag malabis sa pondo ng bayan at kailanman hindi ko ipagkakait ang serbisyo at benepisyo na para sa tao…
“Aalagaan ko ng buong katapatan ang tiwala na ibibigay nyo sa akin dahil nais kong ipadama sa inyo ang kaibahan ng paglilingkod at pagmamahal ng #AlagangAikoMelendez.”
(ROHN ROMULO)
***
SA pagpapakilala ng buong cast ng Darna TV Series ni Jane de Leon nitong Martes ng hapon ay ipinakilala si Joshua Garcia bilang bahagi ng serye na walang kunek kay Narda/Darna.
Gagampanan ng aktor ang karakter ni Bryan Samonte Robles na isang police officer.
Naunang ipakilala si Iza Calzado bilang Iconic Pinay superhero, “ako po ang gaganap dito na si Leonor Custodio. Isa po akong prime warrior na taga-Marte na napadpad dito sa earth at magiging nanay ni Ding at ni Narda.
“Ako ang protector of the stone na magbibigay kay Narda ng bato.”
Si Ding naman ay si Zaijian Jaranilla na kapatid ni Narda na mahilig sa technology, computer games, video games at na pinakamalupit na sidekick ni Darna.
Kasama rin sa cast sina Joj Agpangan, Kiko Estrada, Young JV, Gerard Acao, Tart Carlos, Marvin Yap, Yogo Singh, Mark Manicad, Levi Ignacio, Richard Quan at Rio Locsin.
Si Chito Rono ang magdi-direk ng Darna, na reunion project ng direktor sa mga likha ni Mars Ravelo dahil siya ang direktor noon ng Lastikman na pinagbidahan ni Vhong Navarro. ang bida na mina-manage naman nito.
“I found the material very exciting,” pahayag ni direk Chito kaya niya ito tinanggap.
Kung walang magiging aberya ay sa Nobyembre ang taping ng action series sa ABS-CBN Soundstage na matatagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan.
Going back to Darna ay walang ipinakilalang Valentina o babaeng maraming ahas sa ulo na kilalang mortal na kaaway sa kuwento.
Sa pagkakaalam namin ay binago na ang mortal na kaaway ni Darna at hindi na ito isang babae kundi lalaki na at posibleng si Joshua nga iyon?
Posible rin kayang may ibang katauhan ang aktor at nagpapanggap lang siyang police officer?
Abangan na lang ang kasagutan at ang paglipad ni Darna sa 2022!
(REGGEE BONOAN)