Sakto lang ang pagkakahila ni Cecilia kay Bernard palayo sa kotse nang sumabog ito. Parang nanlambot ang mga tuhod ng dalaga. Napasalampak siya sa sementadong kalsada. Tinitigan niya ang nasusunog na kotse. Kung nasaan ang driver ng truck ay hindi niya alam. Makalipas lang ang ilang saglit ay may dumaang tricycle. Pinara niya iyon para madala sa ospital ang lalaki.
Nagsimula nang magdatingan ang mga tao at inusyoso ang banggaan.
Panay tingin ni Angela sa orasan. Gayundin si Lola Corazon. Pareho na silang nag-aalala dahil hindi nila makontak si Bernard.
Sa isip ng matanda, kung bahagi pa ito ng sorpresa ng kanyang apo, bakit kailangang paabutin pa ng hatinggabi? Pati siya ay kabado na at matatapos na rin ang kaarawan ni Angela.
Napilitan na si Lola Corazon na ipa-cancel ang mga kinausap nila para sa sorpresa kay Angela.
“Lola, tinawagan ko na ang mga kasamahan niya sa trabaho, 6pm pa raw po nag-out si Bernard!”
“Ano kaya ang nangyari sa batang ‘yon…idial mo ulit ang number niya baka makontak mo na siya!”
Maya-maya ay tumunog ang cellphone ni Angela. Si SPO2 Marcelo ang nasa kabilang linya.
“Angela, nasa ospital si Bernard. Nabangga ang kotse niya. Dadaanan na lang kita dyan. On the way na’ko.”
Hindi nakaimik si Angela. Bakas ang pangamba sa mukha niya nang mapatingin kay Lola Corazon.
“Lola, naaksidente si Bernard!” napahawak siya sa tiyan pagkasabi niyon.
“Angela!”
Napaangat ang likod ni Cecilia mula sa pagkakasandal sa pader sa lobby ng ospital nang matanaw si Angela na papalapit. Nagkubli siya.
Sa information desk dumiretso sina Angela at Marcelo.
Nanatili lang nakatingin si Cecilia mula sa pinagkukublihan.
Mula sa information desk ay nalaman ni Angela na isang nagngangalang Cecilia ang nagdala kay Bernard sa ospital. Wala siyang ibang nakilalang Cecilia kundi ang babaeng pumasok sa bahay nila. Pero mas importante sa kanya ngayon na ma-tsek ang kalagayan ni Bernard.
Bago pumasok sa room ni Bernard ay nakausap na ni Angela ang doktor. Sinabi nito na stable na ang mga vital signs ni Bernard. Kailangan na lang hintayin na magkamalay ito. Kahit papa’no ay nakahinga ng maluwag si Angela.
Naupo siya sa tabi ng asawa. Kinausap niya ito kahit hindi niya alam kung naririnig ba siya.
“Bernard…bago ako umalis sa bahay kanina, sinabi sa akin ni lola ang sorpresa. Na-cancel na lahat ‘yon pero ayos lang. Mas mahalaga ka sa akin. Ikaw at ang mga anak natin…kaya sana gumising ka na…”
Sa salaming bintana ng silid ay nakasilip si Cecilia. Kitang kita niya sa mga mata ni Angela ang lungkot. Hindi niya alam kung bakit naaapektuhan siya sa nakikita niyang damdamin nito.
Hindi na siya nagpakita kay Angela. Umuwi siyang bitbit ang bigat sa dibdib dahil sa nangyari.
“Cecilia, saan ka na naman ba nagsuot na bata ka?” tanong ni Madam Lucia.
“May hinatid lang po ako sa ospital lola…”
“Sino naman ‘yon at anong nangyari?”
“Lola, Lucia po ang pangalan mo hindi Marites. Papahinga na po ako.” Sabay talikod na nito sa matanda.
“Aba’y bakit, may sinabi ba akong Marites ang pangalan ko? Sino ba ‘yung Marites na ‘yon?”
Hindi na siya sinagot ng kanyang apo.
Habang nakahiga ay iniisip ni Cecilia ang mga pangyayari. Bakit ba dalawang beses nang pinagkrus ng tadhana ang landas niya sa mag-asawang iyon? Ayaw niyang magkaroon ng koneksyon sa kanila. Kaya sa susunod na magkrus ulit ang landas nila sa kahit na anong paraan pa ay iiwas na talaga siya.
Unti-unting nagmulat ang nanlalabong paningin ni Bernard. Dumako ang paningin niya kay Angela na nakayukyok sa gilid niya at nahihimbing.
“S-Sweetheart?”
Agad na nagising si Angela. Tuwang tuwa itong makitang nakamulat na si Bernard. Agad siyang tumawag ng nurse.
“Sweetheart, anong pakiramdam mo?”
“I’m fine…”
Hindi mapigilan ni Angela ang bugso ng damdamin. Mahigpit niyang niyakap ang asawa.
“Thank you Lord, ibinalik mo rin siya agad sa akin!”
Matapos i-tsek ng doktor ay muling nag-usap ang mag-asawa. Katakot takot na hingi ng sorry si Bernard kay Angela dahil sa naudlot niyang sorpresa para rito. Kahit nakauwi na sila ay panay pa rin ang sorry nito. Natatawa na lang si Angela dahil mas concern pa ito sa sorpresa na ‘yon kaysa sa naging aksidente nito.
Naisip ni Bernard ang mga kuwintas mula kay Madam Lucia. Naalala niyang itinago niya ito sa sarili niyang drawer sa room nila ni Angela.
“Tama…maganda naman ang kuwintas na ‘to. Ito na lang ang ipambabawi ko sa kanya. Perfect gift for my perfect wife…” sa isip ni Bernard habang tinititigan ang kuwintas.
Bilang pagwewelcome kay Bernard sa pagbabalik sa kanilang bahay at late celebration na rin ng birthday ni Angela, nagluto si Lola Corazon ng mga paborito nilang putahe. Hindi naman hinayaan ni Angela ang matanda na mag-isa sa kusina. Sinamahan niya ito sa pagpe-prepare ng mga pagkain.
Simpleng salu-salo, ngunit napakasaya nila nung araw na iyon. Matapos kumain ay inaya ni Bernard si Angela sa kanilang munting hardin.
“Anong gagawin natin dito sweetheart?”
“May ibibigay lang ako sa’yo, pero bago ‘yon, gusto ko munang sabihin na kahit hindi ko ito binili, punumpuno ito ng pagmamahal ko at ang mababasa mong nakasulat dito ay siya ring nakaukit sa puso ko.”
Matamis ang naging ngiti ni Angela sa sinabi ni Bernard.
“Hindi ka pa rin nagbabago Bernard, ikaw pa rin ang pinaka-sweet na lalaking nakilala ko. Kaya hindi rin magbabago ang pagmamahal ko sa’yo, kahit na ano pa ang pagdaanan natin.”
Matamis rin ang ngiting naging tugon ni Bernard. Pinatalikod niya si Angela at saka isinuot dito ang kuwintas.
Nagulat si Angela.
“Sweetheart, basahin mo na ang nasa pendant…” ani Bernard.
“No other love…” pagkabasa niyon ay niyakap ni Angela ang asawa sa labis na tuwa.
“Wait, look oh!” ipinakita rin ni Bernard ang suot niyang kuwintas na kapareha ng kay Angela.
“Couple pala ang kuwintas natin!”
“Yes, may sunog nga lang itong nasa akin. Hindi ko alam ang pinagdaanan ng mga kuwintas na ito, pero sabi ng lola ni Cecilia, nababalot daw ito ng mahika ng pag-ibig. By the way, ito nga pala ang ibinigay niyang kapalit ng kalayaan ni Cecilia.”
“WHAT?”
“O, teka, ‘wag kang magalit. Ayaw kong tanggapin ito pero nakiusap siya dahil laan daw ito sa akin at sa babaeng pinakamamahal ko. Hindi ko na naman talaga itutuloy ang kaso no’n dahil naawa ako sa lola ni Cecilia, pero pinilit talaga niya kong tanggapin ito.”
“Okay. Naniniwala naman ako sa’yo sweetheart. Speaking of Cecilia, hindi ba kinumpirma na ni Marcelo na siya nga ang naghatid sa’yo sa ospital, iniligtas ka niya, kaya sana pagbigyan mo na akong mapuntahan siya at mapasalamatan.”
“Sinabi ko na kay Marcelo na hanapin ang address ni Cecilia kaya hintayin na lang natin ang tawag niya.”
“Salamat sweetheart. Salamat din dito sa kuwintas. Gusto ko ring makilala ang kanyang lola.”
Isang masuyong halik sa naghihintay na mga labi ni Angela ang iginawad ni Bernard. Tila kinikilig ang mga paruparong lumipad sa kanilang paligid at saka nagsidapo sa nagagandahang mga bulaklak na nakapalibot sa kanila.
Hindi naman nagtagal at natunton na nila ang bahay ni Madam Lucia na siya ring tinitirhan ni Cecilia. Pero hindi sila nilabas nito.
“Sir, ma’am, pasensya na, masama lang siguro ang pakiramdam ng aking apo kaya ayaw niyang lumabas ng kuwarto.”
“Sige po lola. Ahm, pakibigay na lang po itong munti naming pasasalamat sa kanya dahil sa pagliligtas niya kay Bernard.”
“Naku, ang totoo hindi naman namin kailangan ang materyal na pasasalamat o pagkain man, sapat na ang salitang salamat.”
“Alam po namin ‘yon lola, pero tanggapin nyo na rin ho ito, tulad ng ginawa kong pagtanggap sa mga kuwintas na ibinigay mo.” Paalala ni Bernard kaya napilitan na rin si Madam Lucia na tanggapin ang isang basket ng groceries na ibinibigay ng mag-asawa.
Lingid sa kanila ay nakasilip lang sa pintuan ng silid niya si Cecilia at matamang nakikinig sa usapan nila. Nang makaalis ang mga ito ay saka siya lumabas at sinipat ang mga groceries.
“Cecilia, nalulungkot ako na hindi mawari para sa kanila.”
“Bakit naman lola?”
“Ewan ko ba, basta iba ang pakiramdam ko, parang may magaganap na hindi kanais nais na susubok sa kanilang pagmamahalan.”
Natigilan si Cecilia sa sinabi ng lola niya.
Makalipas lang ang ilang araw na pamamahinga sa bahay ay pinilit na agad ni Bernard na makabalik sa trabaho kahit pa may bagyo.
Nagsimula namang mangamba si Angela nang mapasilip sa bintana at nakitang tumataas ang tubig sa labas.
(ITUTULOY)