HINDI makapaniwala si Andrea na mabibigo siyang makita si Janine sa kauna-unahang pagkakataon. Hindi niya maihakbang ang mga paa patungo sa loob ng chapel kung saan nakalagak ang labi ng kaibigan. Hinayaan na lang niya na itago ng mga patak ng ulan ang kanyang mga luha.
Sa gitna ng hindi niya mapigilang pag-iyak ay may lumapit sa kanya upang payungan siya at abutan ng panyong kulay asul.
Tumingala siya at nakita ang nakangiting mukha ng isang lalaki. Magalang siya nitong inalalayan sa pagtayo.
“Wala akong tuwalya na maibibigay sa’yo o jacket para maibsan ang lamig na nararamdaman mo, pero heto ang panyo ko, walang sipon ‘yan, gamitin mong pamahid ng mga luha mo.” anang lalaki.
“S-salamat…pero sino ka ba?” tanong Andrea na nag-alangan pang kuhanin ang panyo pero tinanggap din niya sa huli.
“I’m Jared. Ikaw?” sabay abot ni Jared ng kamay niya sa dalaga.
Tinanggap naman ni Andrea ang pakikipagkamay nito. Pero saglit lang at agad din niyang binawi ang kamay niya.
“Andrea…”
“By the way, anong ginagawa mo rito, bakit ka nagpapakabasa sa ulan?”
“Wala.”
“Ok. Kung ako naman ang tatanungin mo, nagtatrabaho ako sa Bela’s Restaurant, since Sunday naman ngayon kaya dadalaw ako sa anak-anakan ng boss kong si Ma’am Angela na si Nurse Janine, d’yan nakaburol sa chapel na ‘yan. Kaso nadaanan kita rito. Gusto mo bang magkape muna tayo?”
“Saan?”
“D’yan sa patay.”
“Hindi na…”
“Sige na, payag ka na, para mainitan din ang sikmura mo. Ikaw rin pag nilamig ang mga bulate mo sa tiyan mapapapupo ka!”
Bahagyang napangiti si Andrea na agad ding napawi.
“Huwag na. Hindi naman giniginaw ang mga bulate ko.” sagot ng dalaga.
“Sigurado ka ba, baka nahihiya lang sila magsabi sa’yo?”
Ibinalik ni Andrea ang panyo sa lalaki.
“Salamat dito sa panyo. Mauuna na’ko.”
“Teka sandali, malakas pa ang ulan eh, silong muna tayo sa chapel tapos ihahatid kita kung saan ka man pupunta.”
“Hindi na. Kaya ko namang mag-isa eh, salamat na lang ulit.”
Akmang tatalikod na si Andrea nang pigilan siya ni Jared.
“Wait lang!”
Lumingona ng dalaga.
“Eto, gamitin mo na ang payong ko, tatakbuhin ko na lang ang chapel.”
“Ha? Paano pag-uwi mo?”
“Mas kailangan mo ‘yan!”
“Sige…salamat ulit…”
Masaya na si Jared na natulungan niya kahit papa’no ang dalaga. Pero malayo na ito nang may maalala siya.
“Hala, hindi ko nakuha yung number niya!”
Dali-dali siyang tumakbo para sundan ito subalit nakatawid na ito sa kabilang kalsada at naabutan na siya ng red stoplight. Nang mag greenlight na ay wala na ito roon. Hindi na niya matanaw sa kabila kaya hindi na lang din siya tumawid.
“Sayang naman…napakasimple pa naman ng ganda niya…tapos ang cute niyang umiyak, para siyang kinawawang kuting.” Nangingiting sabi ni Jared. Tumalikod na ito at patakbong tinungo ang chapel.
Lingid sa kanya ay naroon lamang sa likod ng waiting shed si Andrea at nagtatago. Nakasilip lang ito sa kanya.
“Mukha naman siyang mabait, pero nakakatakot pa ring magtiwala…” anang dalaga sa sarili.
Naghanap ng marerentahang bed space si Andrea. Hindi niya gustong makita si Janine sa loob ng kabaong pero gusto niyang masaksihan ang paghahatid dito sa huling hantungan kaya mananatili siya sa lugar na ito hanggang sa mailibing ang kaibigan.
Sa loob ng kuwartong inupahan niya ay wala siyang ginawa kundi ang umiyak.
Nilapitan ni Bernard si Regine sa upuan.
“Regine, after losing your husband, I don’t know how much pain pa yung kaya mong i-take ngayon sa pagkawala ni Janine. But I want you to know na nandito lang kami ni Angela for you.”
Tumingin si Regine kay Bernard.
“Thank you Bernard…hindi ko na rin alam kung may direksyon pa ba ang buhay ko ngayon…hindi ko alam ang gagawin ko…”
“Tulad ng sinabi ko, nandito lang kami ni Angela kung kailangan mo ng kaibigan.”
Dahil sa sinabing iyon ni Bernard ay nagkalakas loob si Regine na hawakan ang kamay ng lalaki at sumandal sa balikat nito.
Hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Lola Corazon.
“Hindi dapat pinagkakatiwalaan ni Bernard ang babaeng ‘yon…” sa isip ng matanda na hindi maganda ang tingin sa dalawa.
Nasulyapan din ito ni Angela ngunit ayaw niyang bigyan iyon ng kahulugan. Malaki ang tiwala niya sa kanyang asawa.
Araw ng libing ni Janine. Dalawang ina ang nagdadalamhati. Ang tunay na ina na si Regine at ang may pusong ina na si Angela. Parehong inaalalayan ni Bernard ang dalawa. Si Mang Delfin naman ay nakaalalay kay Lola Corazon.
Habang si Andrea ay nakakubli lamang sa likod ng puno ng Balete na nasa loob ng sementeryo malapit sa napiling puntod para kay Janine. Nanatili lamang siyang nakatanaw mula roon hanggang sa huling sandali.
“Janine…hindi ko maipapangako na tutuparin ko ang kahilingan mong palagi akong ngumiti…pero susubukan ko…sa ngayon hayaan mo muna sanang iiyak ko lahat ng kalungkutang nasa dibdib ko dahil sa paglisan mo…ayokong mamaalam sa’yo Janine…hindi ako kailanman mamamaalam sa’yo…mananatili kang buhay sa puso’t isipan ko, gaya ng dati kahit sa cellphone lang tayo magkausap…hihintayin ko pa rin lagi ang tawag mo…iisipin ko na lang na abala ka sa pasyente mo kaya hindi mo muna ako matatawagan…”
Sa kuwartong inokupa ni Janine sa bahay ng mga Cabrera.
“Angela, pinagsama-sama ko na ang mga gamit ni Janine, pati ang cellphone niya, ikaw na ang bahalang magturn-over ng mga ito sa kanyang ina.”
“Lola, hangga’t maaari, gusto ko sanang manatili rito ang mga alaala ni Janine…”
“Sige, kausapin mo na lamang si Regine tungkol diyan.”
Patalikod na ang matanda nang muling tawagin ni Angela.
“Lola Corazon, ihahanap na lang ulit namin kayo ng nurse na mag-aalaga sa inyo.”
“Saka na…ayoko munang mapalitan si Janine sa isipan ko.” pagkasabi niyon ay pinaandar na ng matanda ang kanyang wheelchair palabas ng silid.
Nagsimulang mag-alala si Bernard nung ilang gabi nang natutulog si Angela sa silid ni Janine. Yakap lang nito ang unan ng dalaga. Sinasamahan naman niya ito pero hindi pa rin niya maiwasan ang mapaisip kung hanggang kailan dadamdamin ng kanyang asawa ang pagkawala ni Janine sa buhay nila.
Malalim na ang gabi nang biglang tumunog ang cellphone ni Janine. Nagising si Angela at kinuha iyon sa ibabaw ng lamesita.
“Hello?”
“H-hello…Janine…” mahinang sabi ni Andrea.
Sa unang dinig pa lamang ni Angela sa boses ng dalaga ay tila ba may kakaiba siyang naramdaman.
“I’m sorry this Angela, ikaw ba si Andrea?”
Hindi agad nakasagot ang dalaga sa kabilang linya.
“Andrea right?” ulit ni Angela.
“O-opo…”
“Hindi mo pa ba alam na…”
“Nandoon po ako nung libing niya…hindi lang talaga ako lumapit kasi hindi ko kaya…sorry po kung naistorbo ko kayo, hindi ko lang talaga mapigilan ang sarili ko na i-dial pa rin ang number niya…”
Hindi maintindihan ni Angela kung bakit ganoon na lang kabilis ang pintig ng puso niya habang pinapakinggan ang boses ni Andrea.
(ITUTULOY)