KINABAHAN si Andrea nang mapagsino ang bisitang tinanggap ni Manang Sonya. Hindi niya inaasahan na makikita niya rito ang lalaki.
“Jared?”
Napakubli siya sa likod ng makapal at mamahaling kurtina.
“A-anong ginagawa niya rito?” tanong niya sa isip.
Hindi siya makalabas mula roon lalo na nang marinig na niya ang boses ni Jeff.
“Insan! Long time no see ah!” bati nito kay Jared.
Tumayo si Jared mula sa pagkakaupo sa sofa nang makita si Jeff.
“Oo nga eh, ngayon lang ulit napadpad dito. Pinapaasikaso kasi ni mama ‘yung lupa namin kaya naisip ko na ring daanan ka.”
“Ah gano’n ba?”
Nagulat pa si Andrea nang kalabitin siya ni Manang Sonya.
“Andrea, anong sinisilip mo riyan?”
“W-wala po manang…”
“Tara sa kusina, gagawa ako ng merienda pagkatapos ay ibigay mo kina Sir Jeff at sa pinsan niyang si Jared.”
Sumunod na si Andrea kay Manang Sonya patungo sa kusina.
“May pinsan po pala si Sir Jeff.”
“Oo naman, kaya lang kasi madalang may pumasyal na kamag-anak dito sa bahay dahil kilala mo naman ‘yang si Jefferson, kulang na lang sa barkada tumira. Pero sa pagkakaalam ko next year, mapipilitan na siyang pumasok sa kumpanya nila kasi magkakaroon sila ng bagong branch, hindi ko lang alam kung saan.”
“Ah, talaga po?”
“E sana nga magkainteres si Sir Jeff, kasi ang interes lang naman niyan sa ngayon ay babae, alak, good times, hindi tulad ng mga magulang niya na nakafocus sa trabaho.”
Naiiling si Andrea sa mga sinabi ng matanda.
“O, heto, dalhin mo na sa kanilang dalawa.” sabay abot ni manang ng tray na naglalaman ng dalawang sandwiches at dalawang baso ng juice.
“P-po?”
“O, bakit, anong problema?”
“E manang kasi po…”
“Kasi ano?”
Napilitang magtapat si Andrea.
“Y-yun pong si Jared…nagmeet na kami sa…noon pong magkikita dapat kami ni Janine…”
“E di mainam at magkakilala na pala kayo. Sige na dalhin mo na ‘yan sa kanila.”
“Manang Sonya, nahihiya po ako eh.”
“Asus, hindi mo ba sinabi sa kanya na kasambahay ka rito?”
“Hindi naman po iyon ang ikinakahiya ko kundi…”
“Hays, mamaya na tayo mag-usap tungkol diyan, sige, ako na munang magdadala niyan.” Binawi ni manang ang tray mula sa dalaga.
“Salamat po manang!”
Para makabawi sa matanda ay naglinis na lang si Andrea sa kusina. Hinugasan niya ang mga ginamit nito at inimis ang paligid.
“Ahm insan, cr lang muna ko ha.” Paalam ni Jared kay Jeff.
“Sige lang.”
Tinungo ni Jared ang cr kung saan kakailanganin muna niyang dumaan sa kusina. Palabas naman ng kusina si Andrea kaya’t hindi na naiwasan ang muli nilang pagtatagpo. Nagkatinginan sila at saglit na nagkabiglaan.
“Andrea?”
“J-Jared?”
“Anong ginagawa mo rito?” halos sabay nilang tanong kahit obvious naman sa uniporme ng dalaga kung ano ang ganap niya sa bahay na iyon.
“I’m sorry sa tanong ko, dito lang pala kita matatagpuan…grabe ang saya ko!” bakas ang tuwa sa mga mata at labi ng binata.
“Anong sinasabi mo?”
“Mula nang makita kita hinanap na kita, nakuha ko nga ang number mo kay Ma’am Angela pero hindi ka naman sumasagot, kaya ang saya ko ngayon na natagpuan kita rito sa bahay ng pinsan kong si Jeff!”
“Gano’n ba…sige, mauna na’ko, marami pa akong gagawin.” Iwas ni Andrea.
“Teka muna, pwede ba tayong magkuwentuhan saglit?”
“Jared kasi, kasambahay ako rito, hindi ako pwedeng makipagkwentuhan sa oras ng trabaho.”
“Tama siya Jared. Sige na mag cr ka na, may iuutos pa ako kay Andrea.” ani Jeff na bigla na lang sumulpot sa likuran nila. Narinig nito ang naging pag-uusap nila.
Nang tumungo na sa cr si Jared ay hinawakan ni Jeff sa braso ang dalaga at pabulong na winarningan ito.
“Wala akong pakialam kung kailan, saan at paano kayo nagkakilala, basta ilagay mo sa kukote mo na walang ibang lalaki ang pwedeng makalapit sa’yo mula ngayon, maliwanag ba?”
“P-po?”
“Alam kong ako ang nakauna sa’yo…” pabulong pa ring sabi ni Jeff. “At wala ng iba pang pwedeng makagalaw sa’yo kundi ako lang.”
“Sir, anong sinasabi mo?” kunot noong tanong ni Andrea. “W-wala po tayong relasyon…”
“Huwag kang mangmaang-maangan, basta sundin mo lang ang sinasabi ko, akin ka lang, naiintindihan mo?”
Hindi makasagot si Andrea. Kinikilig siya na natatakot sa sinabi ng binata.
Binitawan lang nito ang braso niya nang lumabas na si Jared mula sa cr.
“Insan, nga pala, itong si Andrea, personal maid ko ‘to kaya sana malinaw sa’yo na hindi siya pwedeng basta-basta kausapin o ayain , alam mo na.”
“Gets ko insan.” sagot ni Jared kahit ang totoo ay hindi niya maunawaan ang sinasabi nito.
Nang gabing iyon ay hindi makatulog si Andrea. Iniisip niya ang sinabi ni Jeff. Alam niya na ang nangyari sa kanila ay balewala lang dito sa dami ba naman ng babae na naikama nito, sino ba naman siya? Pero sa inasal nito kanina, bakit parang nabili na nito ang kaluluwa niya?
Dahil sa isiping iyon ay nagpabiling biling siya sa higaan. Nang bigla siyang magulantang sa tawag ni Jared sa cellphone.
“Hello…Andrea…”
“Jared…”
“Hindi ko maintindihan si Jeff, okay ka lang ba?”
“Okay lang ako. Mabait naman siyang amo. Baka wala lang sa mood kanina…”
“Andrea, sobra talaga akong nasorpresa nung makita kita riyan, nandito pa’ko sa amin, 3 days ako rito sa lugar nyo, gusto ko ulit na magkita tayo kaso…”
“Sorry Jared ha. Sa ibang pagkakataon na lang siguro.”
Ready na sina Bernard at Angela sa pagbisita kay Andrea.
“Angela, Bernard, mag-iingat kayo mga apo. Huwag kayong mag-alala, naririto naman si Delfin at sinasamahan ako kaya huwag nyo akong iisipin sa byahe.” ani Lola Corazon na nasa wheelchair nang magpaalam ang dalawa.
“Lola, tawagan nyo po kami kung may kailangan kayo.” si Angela.
Maya-maya pa ay sakay na ng kotse patungong Santa Monica ang mag-asawa. Ang bayang malapit lamang sa San Gabriel na dati nilang tirahan. Hindi maiwasan ni Angela na hindi maisip si Bela. Madadaaanan kasi nila ang Villa Luna Subdivision na may hatid na pait sa kanila. Hindi na nga niya namalayan ang pagpatak ng luha na pinahid ni Bernard ng panyo.
“Sweetheart, para saan ba ang luhang ‘yan?”
“Sorry sweetheart, naalala ko lang ang mga anak natin, si Bela at ang nasa sinapupunan ko nung mangyari ang trahedya…”
Hinawakan at masuyong pinisil na lang ni Bernard ang kamay ng asawa para iparamdam dito ang simpatya niya. Sa isip ay umaasa siya na magkakaroon pa rin ng magandang resulta ang patuloy na pag-iimbestiga ni Chief Marcelo kaugnay sa kanilang anak.
Nang marating na nila ang bahay na pinaglilingkuran ni Andrea ay guard ang humarap sa kanila sa gate.
“Ay sir, ma’am, nagkasalisi po kayo, kaaalis lang po ni Andrea.”
“Ha? Saan naman ho siya nagpunta?” tanong ni Angela.
“Dadalaw po roon sa pinagmulan niya, na taun-taon niyang ginagawa.”
“Pinagmulan?” halos sabay na tanong ng mag-asawa.
“Opo. Isang beses sa isang taon, bumibisita siya ro’n sa tunay daw nilang bahay. Umaasa na sa pagbabalik daw niya roon ay magkikita na sila ng tunay niyang mga magulang.”
Nagkatinginan sina Bernard at Angela.
“Saan po ba ‘yon?” tanong ni Bernard.
“Sa ano…Villa…Villa…” nag-iisip pang tugon ng guard.
“Villa Luna Subdivision?” si Angela.
“Oo, ‘yon tama, doon nga, sa San Gabriel!” anang guard.
Nagmamadaling umalis ang mag-asawa matapos magpasalamat at magpaalam sa guard. Pareho silang kinakabahan habang daan patungo sa dati nilang lugar.
Naabutan nila ang isang dalagang nakatalikod. Nakatayo sa harapan ng kanilang dating tirahan at matamang nakatitig doon.
“Bela?…” halos hindi makahinga si Angela nang bigkasin ang pangalang iyon.
Unti-unting napalingon sa kanila ang dalaga.
(ITUTULOY)