SA WAKAS ay muling nabuo ang pamilya Cabrera. Sina Bernard, Angela at ang anak nilang si Bela. Kaya naman walang ibang nasa isip ngayon ang mag-asawa kundi paghandaan ang selebrasyon para sa pagbabalik ni Bela sa kanilang buhay. Walang pagsidlan ang tuwang nararamdaman nila.
Nakakuha rin ng magandang tiyempo si Andrea para magpaalam sa kanyang mga amo, maliban kay Jeff na nais hadlangan ang pag-alis niya.
“ANDREA! ANDREA!”
Huminto sa paglakad ang dalaga pero hindi lumingon.
“Inuutusan kitang bumalik sa kuwarto mo.”
Walang tugon mula sa dalaga.
“Bingi ka ba? Ang sabi ko bumalik ka sa kuwarto mo!”
Naiiling na ipinagpatuloy ni Andrea ang paglalakad palabas ng gate.
“Andrea, gusto mong itawag kita ng taxi?” tanong ng guard.
“Salamat po manong, pero magta-tricycle na lang po ako. Mag-iingat po kayo lagi.”
“Ikaw din hija.”
Inis na sinundan ni Jeff ang dalaga.
Nakapara na ito ng tricycle ngunit nagulat ito nang biglang humarang si Jeff sa daraanan ng sasakyan.
“Sir, anong ginagawa mo?”
“Pwede ba, huwag mo nang painitin ang ulo ko, bumaba ka na riyan at pumasok sa loob!”
Hindi bumaba si Andrea.
“Kuya, paandarin mo na, nahihibang na ang lalaking ‘yan!”
Paaandarin na sana ng driver ang tricycle nang bigla itong abutan ni Jeff ng pera.
“Eto ang 500, pababain mo ang sakay mo.”
Napakamot ng ulo ang driver, nalilito kung sino sa dalawa ang susundin.
“Kuya, tara na!”
“Ibaba mo na ‘yan, sayang ‘tong 500, kailangan ‘to ng pamilya mo!”
“Kuya ano ba?”
“Ano, 500 o ‘yang pasahero mong bente lang ang ibabayad sa’yo hanggang kanto?”
Napalunok ang driver. Bumaling ito sa dalaga.
“E ma’am, pasensya na po ah, dalawampu’t limang pasahero ko na po ang binabayaran ni sir, mahirap pong makahanap ng gano’n ngayon.”
Inis na bumaba na lang si Andrea. Sa kabilang banda ay naiintindihan naman niya ang driver. Pero naiinis pa rin siya dahil wala itong kaprinsi-prinsipyo for the sake of money.
Nang makuha ang pera ay agad na umalis ang tricycle driver.
“O ngayon, anong balak mo sir? Kakaladkarin mo ako papasok sa loob, pagkatapos igagapos mo ako para hindi ako makaalis?”
Isang makahulugang pagngisi ang isinagot ni Jeff sa tanong ni Andrea. Kaya napakunot noo ang dalaga.
“A-anong balak niya?” sa isip nito.
Nabigla pa siya nang mabilis siyang nalapitan ng binata sabay karga sa kanya na para lang siyang pusang isinampay sa balikat nito.
“EEEEEEE!” tili ni Andrea na nahihirapang pumalag at nabitawan pa ang bag.
“Manong guard, pakipasok sa loob ‘yung bag niya.” utos ni Jeff sa guard na agad namang tumalima.
Nanlalaki naman ang mga mata ni Manang Sonya sa pagtataka nang dumaan sa harap niya si Jeff na pakargang bitbit ang dalagang sige lang sa pagtili.
Walang pakialam si Jeff sa reaksyon ni Manang Sonya. Sa halip na sa kuwarto ni Andrea ay sa kuwarto niya mismo ito dinala at pabagsak na inihagis sa kama. Pagkatapos ay ini-lock ang pinto.
Kung anuman ang nangyari sa loob sa ikalawang beses ay siguradong pareho silang magiging masaya kahit pa i-deny ng dalaga ang kanyang nararamdaman sa mga pagkakataong iyon.
Matagal na nakapinid ang pinto. Mula alas diyes ng umaga hanggang sa buong magdamag. Maski si Manang Sonya ay hindi nagtangkang istorbohin ang dalawa.
Umaga.
“Hays, ang mga kabataan nga naman ngayon…pero palagay ko nama’y naiinlab na itong si Sir Jeff kay Andrea…hindi naman kasi naging ganyan ang attitude niya sa ibang babae. Karaniwan ay nilalambing niya ng husto para mauto niya, pero si Andrea, dinaan niya sa dahas…malakas ang kutob ko na pinagtatakpan lamang ng dahas na iyon ang tunay niyang nararamdaman…” sa isip ng matanda habang nakatingin sa nakasara pa ring pinto ng kuwarto ni Jeff.
Labis na ang pag-aalala nina Bernard at Angela nang ilang oras na nilang hindi nakokontak ang anak. Magkatabi silang nakaupo sa terrace habang nagkakape noong umagang iyon.
“Bernard, puntahan na kaya natin siya?”
“Maghintay pa tayo, baka busy lang siya ro’n sa bahay. Nangako naman siya na babalik na siya sa atin. Isa pa, one week ang hiningi niya, pang 4 days pa lang naman ngayon kaya hayaan na muna natin siya.”
“Pero…”
“Angela, nag-aalala rin naman ako, pero mas pinipili ko ngayon na magtiwala sa anak natin.”
Unti-unting nagmulat ng mga mata niya si Andrea. Sa nanlalabo pa niyang paningin ay nakita niyang nakahiga sa tabi niya si Jeff at mahimbing pang natutulog. Napamulagat siya at napasilip sa loob ng kumot. Pareho silang walang saplot!
Sinulyapan niya si Jeff. Hindi niya namalayan ang ngiting kusang sumilay sa kanyang mga labi. Hindi niya maipaliwanag ang damdaming nag-uumapaw sa saya sa mga sandaling iyon. Parang sasabog na ang kanyang puso sa sobrang kasiyahan.
Muli niyang sinulyapan ang binata. Mas pinili muna niyang manatili sa tabi nito at pagmasdan ang maamong mukha na kabaligtaran ng magaspang na ugali nito.
“Sir Jeff…salamat…salamat sa masayang sandaling gaya nito…babaunin ko ang mga nakakakilig na alaala at iiwan ko na rito yung mapapait…”
Marahang hinaplos ni Andrea ang pisngi ng binata.
“Kahit pinaglalaruan mo lang ako…mahal pa rin kita…pero, baka ito na ang huling pagkakataon nating dalawa…paalam Sir Jeff…I love you po…” pagkasabi niyon ay maingat niya itong hinagkan sa noo at saka maingat na tumayo ng kama para magbihis.
Nang magising si Jeff ay wala na sa tabi niya si Andrea.
“ANDREAAA!”
Kumakabog ang dibdib ni Andrea nang tunguhin ang San Martin para puntahan ang taong pinagkakautangan niya ng loob.
Marahan ang pagkatok niya. Ilang saglit pa ay nagbukas ang pinto.
“Andrea…”
“Mama Cecille…”
“Ba’t naisipan mong umuwi?” bungad na tanong nito sabay talikod papasok sa loob ng bahay.
Sumunod si Andrea.
“Magpapaalam lang po ako…natagpuan ko na po sila…ang tunay kong mga magulang.”
Natigilan si Cecilia.
(ITUTULOY)