NAGBAKBAKAN at naglabas ng kani-kanilang sariling posisyon at opinyon ang mga presidential candidates ukol sa P11.7-trillion debt ng Pilipinas, pananaw ng mga ito sa paghiram ng pera at kung saan ito gagastusin.
Sa isang debate na inilunsad ng CNN Philippines, sinabi i Vice President Leni Robredo na ang foreign debt ay hindi naman masama.
“Foreign debt is not bad per se, kung ang inutang natin ay mapupunta sa mga bagay na kailangan natin,” ayon kay Robredo.
“Dapat iyong returns, mas marami kaysa sa intuang natin. During the pandemic, malaki ang kinailangan nating pera pero hindi puedeng iyong inutang ay napunta lang sa korapsyon,” dagdag na pahayag nito.
“‘Pag tayo nangutang, bilang pangulo, sisiguraduhin ko na dapat mapunta sa dapat mapuntahan kasi lugi ang taumbayan na nagbabayad siya ng utang na di naman siya nakinabang,” ang pahayag ni Robredo.
Para naman kay Dr. Jose Montemayor, walang mabuti sa paghiram o pangungutang ng pera ng bansa.
“Masama ‘yan. You are mortgaging the future ng ating mga anak at apo
We will create a safety net para hindi mapunta iyong inutang para lang sa government officials. We will clog all loopholes of corruption,” ayon kay Montemayor.
“Walang mabuting utang, lahat masama,” dagdag na pahayag nito.
Para naman kay Senador Manny Pacquiao, okay ang ang utang para sa investment para magkaroon ng kita ang bansa subalit ang perang hihiramin para sa mga gastusin ng bansa ay “bad debt.”
“For example, shortage sa power dito. Mangutang tayo dahil maglalagay tayo ng power generator para madagdagan ‘yung power natin. Hindi masama ‘yun kasi may income return,” ayon kay Pacquiao.
“Pero kung mangungutang tayo dahil sa expenses natin taon-taon, ‘yun ay talagang masasabi kong mismanaged ang bansa natin,” dagdag na pahayag nito.
Para naman kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno, tutugunan niya ang “challenging” debt ng bansa sa pamamagitan ng pagtatapon sa mga non-performing at underperforming assets.
“I will dispose non-performing, underperforming asset to the state to accept to our debt servicing so that, mga kababayan wag naman sa inyo ng sa inyo yung pasa ng utang,” ayon kay Moreno.
“Kumbaga ang gobyerno, sometimes you have to let go of these liabilities of the state to address a particular problem. and this will be the next challenging task of the next president,” dagdag na pahayag ni Moreno.
Samantala, sinabi naman ni Labor leader Leody De Guzman na ang debts o utang ay kailangan na i-audit at iyong mga ” nag-stole” o mga nagnakaw ng mga hiniram na pera ay marapat lamang na maparusahan.
Sa isinagawang CNN Presidential Debate, araw ng Linggo, sinabi ni De Guzman na ang malaking utang ng Pilipinas ay di umano’y ninakaw ng mga taong nasa kapangyarihan.
“Masama ang utang kasi itong inutang mula kay Marcos, noong mga nagdaang administrasyon, inutang ito ng mga trapo, ng mga dinastiya nakaupo sa gobyerno… kaya karamihan ng mga inutang na ito ay ninakaw,” ayon kay De Guzman.
“Ang dapat gawin natin ay i-audit natin ito at pagbayaran natin kung sino ang mga nagnakaw dito at klaro naman ito na susubaybayan itong ganitong klase ng mga utang at nasa record ‘yan ng Freedom of Debt Coalition na kasamahan natin,” dagdag na pahayag nito.