ILANG SAGLIT pa lang naghihintay si Bernard ay dumating na agad ang hinihintay niyang kliyente. Natigilan siya nang mapagsino ito.
“R-Roden?”
Maangas ang ngiting pinakawalan ni Roden.
“O, nakakagulat ba Bernard?”
Kusa nang naupo sa kaharap na silya si Roden.
“What a small world!”
Naupo na rin si Bernard na hindi inaalis ang tingin sa lalaki.
“Bernard, the way you look at me parang takang taka ka kung paano ko naabot ang estado ko ngayon tama ba?”
“Nagtataka ako kung saan ka kumukuha ng tibay ng mukha para magpakita pa sa akin?”
“Calm down. Iyan ang problema sa’yo Bernard eh, noon pa man mainitin na ang ulo mo. Gusto ko lang ipamukha sa’yo ngayon na hindi na ako ang pipitsugin mong kaibigan at kasamahan noon sa trabaho. Hindi na ako ang Roden na nakaya mong bugbugin noon sa isla. Dahil ngayon, sa mga kamay ko na nakasalalay ang pagtaas o pagbagsak ng inyong kumpanya.”
“Roden, wala akong pakialam kung saan nanggaling ang pera mo, kahit magbihis ka ng maganda, magwisik ng mamahaling pabango, tumira sa magarbong bahay at magmaneho ng magarang kotse, amoy na amoy ko pa rin ang lansa ng pagkatao mo. Kaya huwag mo akong aangasan.” mahinahon ngunit mariin ang salita ni Bernard.
Napangisi si Roden sa mga binitiwang salita ng kaharap.
“Kahit ano pang sabihin mo, hindi mo mababago ang katotohanan na ako na ang magiging boss mo sa oras na pirmahan ko ito.” sabay kuha ni Roden ng ballpen at hila sa dokumentong nakapatong sa ibabaw ng kanilang table. “From now on, marami akong gagawing desisyon na wala kang magagawa kundi sang-ayunan.”
“Ang totoo wala akong pakialam kahit pirmahan mo man ‘yan o hindi. Mabubuhay kami ng pamilya ko mawala man sa akin ang trabahong ito.”
“Huwag masyadong mataas ang pride mo. Mabubuhay nga kayo ng pamilya mo pero ilang empleyado naman ang mawawalan ng trabaho dahil sa pagiging makasarili mo?” ani Roden habang pinipirmahan ang papeles kahit wala silang pinag-uusapan tungkol sa mga nilalaman nito.
“Ok na Bernard, pirmado na ‘yan. Tapos na ang meeting na ito.”
Tumayo na si Roden. Pero bago pa siya makatalikod ay nilapitan siya ni Bernard at pinitsarahan.
“Makinig kang mabuti sa akin Roden, trabaho lang ang pinirmahan mo. Kung may plano kang panghimasukan ulit ang buhay namin ni Angela, binabalaan kita, ngayon pa lang kalimutan mo na. Dahil sinisiguro ko sa’yo na babantayan ko ang bawat kilos mo.”
Inis na tinanggal ni Roden ang kamay ni Bernard sa kuwelyo ng polo shirt niya.
“Huwag kang nerbiyoso Bernard, wala pa akong kahit anong plano. Kaya kumalma ka muna.”
“Ito pa lang pagpasok mo sa kumpanya, alam kong sinadya mo na. Kaya mag-ingat ka sa mga susunod mong hakbang baka ikaw mismo ang mahulog sa sarili mong patibong.” pagkasabi niyon ay si Bernard na ang naunang tumalikod at nang-iwan kay Roden sa ere.
“Sige lang Bernard, palakasin mo ang loob mo dahil alam ko naman na kinakabahan ka na ngayon.” bulong ni Roden sa sarili.
Tahimik na pumasok si Cecilia sa silid ni Madam Lucia.
“Lola…”
“Halika Cecilia, maupo ka sa tabi ko.”
Sumunod si Cecilia sa sinabi ng matanda.
“Alam ko na hindi na magtatagal ang buhay ko. Tulad ni Corazon, ramdam ko na ang presensya ng Diyos mula sa tunay na paraiso. Kaya sana pag-alis ko, ipangako mo sa akin na magiging mabuti ka pa rin kay Andrea…at sa kanyang mga magulang.” anang matanda sa nanghihinang boses.
“Okay na kami lola. Wala ka ng dapat ipag-alala.”
“Ang inaalala ko, ay ang damdamin mong hindi nagbabago para kay Bernard. Hangga’t maaari iwasan mo na lamang na muling mapalapit sa kanila para hindi manariwa ang sakit.”
“Ano bang pinagsasasabi mo lola?”
“Sina Bernard at Angela, tulad ng suot nilang mga kuwintas ay nakabuhol na ang puso sa isa’t-isa. Kaya apo, maging masaya ka para sa kanila. Idadalangin ko rin sa langit ang kapayapaan ng puso mo.”
“Salamat po lola…”
Ilang saglit pa ang lumipas at ang lakas ni Madam Lucia ay unti-unting iginugupo ng kanyang sakit. Pinapawi ang kakayahan na maipagpatuloy ang mga huling payo at habilin para kay Cecilia.
Nang makarating ang balita kay Bela tungkol sa pagpanaw ni Madam Lucia na tumayo ring lola sa kanya ay ganoon na lamang ang lungkot na naramdaman niya. Hindi pa man napapawi ang bigat sa dibdib ng paglisan ni Lola Corazon ay sinundan na agad ito ng isa pa niyang mahal na lola.
Nagulat siya nang may mag-abot sa kanya ng panyo habang nakaupo siya sa loob ng simbahan kahit walang misa.
“J-Jared?”
“Ipinagpaalam kita kay Ma’am Angela, sabi ko aayain sana kitang magmall, sabi niya nandito ka raw sa simbahan kaya dito kita pinuntahan.”
“Ipinagdarasal ko ang mga kaluluwa ng mga lola ko…”
“Nakikiramay ako.”
“Salamat dito sa panyo. Pangalawa na’to, naalala mo ba noong pinayungan mo ako at pinahiram ng panyo noong si Janine naman ang nawala sa akin?”
Naupo si Jared sa tabi ng dalaga.
“Oo naman. Bawat sandali sa pagitan nating dalawa tumatatak sa isip ko…at sa puso…”
Tiningnan ni Bela sa mata ang binata.
“Jared…masaya ako na maging kaibigan ka. Pero hanggang doon lang ang kaya kong ibigay.”
Tumingin din si Jared sa kanya.
“Alam ko na si Jeff ang gusto mo, pero sana huwag mo akong pagbawalan na mahalin ka sa paraang gusto ko. Kahit habambuhay akong umasa, okay lang, masaya na ako na nakikita kitang masaya. Huwag ko lang mababalitaan na sinaktan ka niya, dahil aagawin talaga kita.”
Napangiti si Bela at napayuko sa tinuran nito. Hindi niya alam kung dapat ba niyang ikatuwa ang ganoong damdamin ni Jared para sa kanya. Hindi niya gustong masaktan ang damdamin nito.
Mula sa opisina ay dumiretso si Jeff sa Bela’s Restaurant. Tulad ni Jared ay sa simbahan din siya itinuro ni Angela. Nang makaalis na si Jeff sakay ng motor ay saka na-realize ni Angela na baka pagselosan ni Jeff si Jared kapag nakita niyang magkasama ang dalawa.
Agad niyang idinayal ang number ni Bela pero hindi ito sumasagot.
Paano’y naka-silent ang phone ng dalaga sa loob ng simbahan. Hindi rin nito namalayan ang pagdating ni Jeff doon.
Natigilan si Jeff nang makitang magkatabing nakaupo sina Jared at Andrea sa loob. Agad gumapang ang selos sa kanyang dibdib. Walang imik niyang nilapitan ang dalawa.
Nabigla pa si Bela nang makita si Jeff.
Hinawakan agad siya nito sa braso at halos hilahin palabas ng simbahan. Mabilis namang nakasunod si Jared.
“Insan, nasasaktan na si Bela!”
“Jeff, ano ba, bitiwan mo nga ako!”
“At sinong gusto mong humawak sa’yo ang lalaking ‘yan?”
Sa labas ng simbahan sila huminto. Kapwa namuo ang tensyon sa kani-kanilang damdamin.
“Mahal ko si Andrea, mahal niya rin ako, kaya kung pwede Jared dumistansya ka na sa kanya!”
“Insan, magkaibigan lang kami. Hindi mo siya pwedeng pagbawalan sa kung sino man ang gusto niyang maging kaibigan.”
“Huwag na tayong maglokohan dito Jared, may gusto ka rin sa kanya kaya hindi ako papayag na aali-aligid ka sa kanya na parang isang desperadong bubuyog!”
“Jeff, kung talagang mahal mo ako, pagkakatiwalaan mo ako.” singit ni Bela sa dalawa.
“Sa’yo may tiwala ako, pero sa ungas na’to wala!”
Nagpanting ang teynga ni Jared sa sobrang kaangasan ni Jeff kaya’t hindi niya napigilan ang pag-igkas ng kanyang kamao sa mukha nito.
(ITUTULOY)