• July 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 19th, 2022

Marcos sa political dynasties: ‘Kung gusto maglingkod, hindi mapipigilan’

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

KAHIT BAWAL sa Article II Section 26 ng 1987 Constitution ang political dynasties, ipinipilit ni presidential bet Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi dapat pigilan ang sinumang gustong pumasok sa serbisyo publiko — pwede naman daw kasi mawala ang political clans kung ‘di na iboboto ng tao.

 

 

“You cannot stop people from wanting to serve. [My sister] Imee wants to serve. I want to serve. Sandro, my son, wants to serve. What would I tell them? ‘No, don’t help’? Kung binoto naman ng tao, eh ‘di they deserve to be in wherever they are,” ani BBM, Miyerkules, sa Kapihan sa Manila Bay.

 

 

“It’s very clear that the political dynasties, there’s a very good system or process to mitigate the overstaying of political dynasties and it’s called elections.”

 

 

Ganyan ang sinabi ni Bongbong, anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ngayong nagsisilbing senador si Imee at kumakandidato bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Ilocos Norte si Sandro.

 

 

Depensa pa ni Bongbong, marami nang political dynasties ang nawala matapos piliin ng mga botante ang ibang mga kandidato upang maluklok.

 

 

“Besides, why should Imee not be allowed to work? She does a very good work. Marami siyang ginagawa. Why? Because kapatid ko [siya]?” dagdag pa ng presidentiable.

 

 

Layunin ng konstitusyon na ipagbawal ang mga dinastiya, oras na magkaroon ng batas dito, para magkaroon ng “patas na oportunidad” na maglingkod sa serbisyo publiko ang lahat.

 

 

Ipinupukol naman ngayon ni Bongbong, na running mate ang presidential daughter at may sariling dinastiya sa Mindanao na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, ang sisi sa pagkakaroon ng political dynasties sa pagkakaroon ng “term limits” sa konstitusyon.

 

 

“The term limits makes political dynasties. ‘Pag mayor ako, nine years ako, patapos na ko pero hawak ko pa rin yung bayan at marami pa kong gustong gawin, patatakbuhin yung asawa, patatakbuhin yung anak, patatakbuhin yung pinsan tapos siya tatakbong vice mayor,” dagdag pa ng kontrobersyal na kandidato.

 

 

“That plays a large part in it. Even people have been talking recently and I happen to agree about how the partylist system has been abused. The term limits have something to do with that.”

 

 

Hindi naman inilinaw ni Bongbong kung paano niya nakikitang solusyonan ang nakikita niyang “problemang” ito. Madalas palagan ng mga militanteng grupo ang isyu ng pagtatanggal ng term limits lalo na’t paraan daw ito upang hayaang makaupo ang mga pulitiko kahit gaano katagal, basta’t mananalo.

COMMISSIONER GARCIA PANGUNGUNAHAN ANG DEBATE

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PANGUNGUNAHAN ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia ang komite sa debate ng poll body.

 

 

Ito ang inihayag ng komisyuner kahapon, Marso 16.

 

 

“I am calling for a meeting of the Debate committee today as the new commissioner in charge,” ayon kay Garcia

 

 

Sinabi ni Garcia na imumungkahi niya sa en banc na magsagawa ng walk through sa kanilang paghahanda para sa mga debate ngayong linggo.

 

 

Isasagawa ng Comelec ang unang  Presidential Debates sa  March 19, na susundan ng Vice-Presidential Debates sa March 20.

 

 

Magkakaroon din ng pangalawang  Presidential Debates sa April 3.

 

 

Gaganapin naman ang  Presidential at Vice Presidential Town Hall Debates sa  April 23 at 24.

 

 

Nagpahayag na dadalo sa debate ang siyam na presidential at pitong vice presidential bets . GENE ADSUARA

Kapalaran ni Obiena sa SEA Games di pa tiyak – POC

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Hinihintay pa ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino ang desisyon ng World Athletics para mapayagang makasali si Pinoy pole vaulter EJ Obiena.

 

 

Dagdag pa nito na wala sanang pagdaranan na mahabang proseso si Obiena sa pagsali sa nasabing biennial event kung pinayagan ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ang pagsali nito sa nasabing torneo.

 

 

Hanggang sa huling minuto aniya ng deadline ng pagsusumite ng pangalan ay umaasa na tutugon ang organizers ng torneo sa kanilang hiling.

 

 

Magugunitang tinanggal ng PATAFA si Obiena sa opisyal na listahan ng mga manlalaro na sasabak sa SEA Games.

 

 

Nets coach Steve Nash umaasa pa ring makasama nila si Simmons bago magtapos ang regular season

 

 

Umaasa si Brooklyn Nets coach Steve Nash na makakasama na makakapaglaro na si Ben Simmons bago matapos ang regular season.

 

 

Mula kasi noong Hunyo 20 ay hindi na naglaro pa si Simmons sa Philadelphia 76ers ng talunin sila ng Atlanta Hawks sa Eastern Conference semifinals.

 

 

Sa kasalukuyan kasi ay patuloy ang pagpapagaling ni Simmons sa kaniyang back injury.

 

 

Dagdag pa ni Nash na patuloy ang ginagawang rehab at pagpapalakas ni Simmons.

 

 

Magugunitang nakuha ng Nets si Simmons bago ang trade deadline noong Pebrero 10.

Kung na-dismiss na ang kasong isinampa kay Tony… KIT, dinala sa police station matapos umano saktan at i-detain ang gf na si ANA

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

DISMISSED na ang kasong Acts of Lasciviousness na isinampa laban sa actor na si Anthony Angel Jones Labrusca, Jr. otherwise known as Tony Labrusca.

 

 

Si Atty. Joji Villanueva Alonso, legal counsel ni Tony, ay nag-post ng resolution tungkol sa kaso sa kanyang FB Account.

 

 

Heto ang post:

 

 

“In a resolution dated March 17, 2022 penned by Judge Xavier Paolo Del Castillo, Makati City Prosecutor Dindo Venturanza’s Motion to Withdraw Information filed in the case of our client Tony Labrusca, was granted.

 

 

“The court affirmed the findings that there was no probable cause for the complaint of act of lasciviousness. The charge imputed against him was found to have no basis.

 

 

“After the observance of due process, Tony Labrusca has been cleared of profoundly damaging judgments that has tarnished his name.

 

 

“This vindication attests to how gravely he was falsely accused. We laud the justice system for ensuring a resolution in the most expeditious manner.”

 

 

Ngayong dismissed na kaso laban sa kanya, may plano kaya ang legal team ng actor na ‘yung mga nagdemanda sa actor naman ang idemanda nila for damages for besmirching Tony’s name?

 

 

***

 

 

NAILIGTAS ng mga pulis ang aktres na si Ana Jalandoni matapos umano itong saktan at i-detain ng boyfriend niya na si Kit Thompson, sa isang hotel sa Tagaytay, bagay na kinumpirma ng pulisya.

 

 

Dinala si Kit sa police station for questioning, habang si Ana ay ipinagamot para sa mga tinamong injuries.

 

 

Nakarating sa kaalaman ng mga ang pangyayari matapos humingi ng saklolo si Jalandoni sa kanyang mga kaibigan at nagpadala ng litrato.

 

 

Kinumpirma ng Tagaytay Philippine National Police na iniligtas nila ang aktres matapos makatanggap ng tawag mula sa isang hotel sa Tagaytay.

 

 

***

 

 

MAY mga nagdududa kung talaga bang magkaibigan sina Julia Barretto at Awra Briguela.

 

 

Sa digital presscon ng The Seniors ay sinagot ni Awra ang issue.

 

 

“Year 2016 pa lang ay friends na kami ni Julia. Tapos noong 19th birthday niya ay inimbita niya ako. Pero mas naging close kami doing the series,” sabi ni Awra.

 

 

Madalas daw sila mag-chikahan ni Julia kahit na hindi sila madalas magkita. Sabi pa ni Awra, mabait si Julia as a person. Madalas lang daw na misunderstood ang dalaga. (Ricky Calderon)

House leaders, governors suportado si Robredo

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG lider sa Kongreso at limang gobernador ang kamakailan ay naghayag ng kanilang suporta para sa kandidatura pagka-Pangulo ni Vice President Leni Robredo.

 

 

Ang mga kaalyado na ni Robredo at nangakong ikakampanya siya ay sina House Deputy Speakers Rufus Rodriguez (Cagayan de Oro 2nd District congressman) at Mujiv Hataman (Basilan congressman) at mga Gobernador na sina Ben Evardone (Eastern Samar), Edwin Ongchuan (Northern Samar), Eugenio “Bong” Lacson (Negros Occidental), Daniel Fernando (Bulacan); at dating Gobernador Alvaro Antonio (Cagayan).

 

 

Pinili ng pitong pinunong kalalakihan si Robredo, ang tanging babaeng kandidato pagka-Pangulo bilang karapat-dapat na mamuno sa higit sa 100 milyon na Pilipino sa loob ng anim na taon.

 

 

 

Para sa kanila, si Robredo ay isang matapang na lider, mabilis umaksyon, at handang magbigay ng ayuda anumang oras. Napatunayan na niya ito sa napakaraming proyekto ng kanyang Angat Buhay program sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP).

 

 

Hinikayat ni Hataman ang kanyang mga kapwa Muslim na iboto si Robredo dahil sa malalim niyang pang-unawa sa mga issue sa Mindanao.

 

 

“Naiintindihan niya tayo; naiintindihan niya ang ating kasaysayan at ang ating karanasan. At dahil dito, naiintindihan din niya ang mga isyung kaharap natin sa kasalukuyan, at ang mga solusyon dito,” sabi ni Hataman.

 

 

Sinabi ni Rodriguez, na pinuno rin ng Centrist Democratic Party (CDP), si Robredo ang “best choice for our country and our children”.

 

 

Inisa-isa naman ng mga gobernadora ang mga katangian ni Robredo na nagpapatunay na karapat-dapat siya maging Pangulo ng Pilipinas.

 

 

Sinabi ni Lacson si Robredo ay matalino, sinsero, matulungin, at mapagkakatiwalaan. Mahalaga naman para kay Fernando na napakaganda ng track record ni Robredo sa pagsisilbi sa taumbayan at higit sa lahat, wala siyang bahid ng korapsyon. Para kay Evardone, halos inendorso na ni Pa­ngulong Duterte si Robredo dahil sa sinabi nito na dapat isang “decisive, compassionate lawyer” ang papalit sa kanya. Si Evardone ay kilalang kaalyado ni Pangulong Duterte.

 

 

Sa isang Facebook post, sinabi ni Ongchuan na sang-ayon siya sa sinabi ni Pangulong Duterte na dapat ang susunod na Pangulo ng bansa ay may malasakit, mabilis magdesisyon, at marunong kumilala ng tao.

Hong Kong, nagkakaubusan na espasyo sa morgue at supply ng kabaong sa dami ng mga namamatay dahil sa COVID-19

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAUUBUSAN na ng espasyo ang mga morgue sa Hong Kong dahil sa maraming mga biktima ang namamatay ngayon dahil sa COVID-19.

 

 

Batay kasi datos ay nakapagtala na ng halos isang milyong impeksyon ng COVID-19 habang nasa mahigit 4,600 naman ang mga naitalang namamatay sa Hong Kong ng dahil sa nasabing sakit sa loob lamang ng tatlong buwan simula nang tamaan ng highly transmissible variant ang bansa.

 

 

Dahilan kung bakit sa mga refrigerated shipping containers na lamang inilalagay ng mga manggagawa doon ang mga bangkay ng biktima ng nasabing virus.

 

 

Tinataya naman ng mga mananaliksik na ang bilang ng impeksyon sa Hong Kong ay mas mataas kaysa sa mga opisyal na numero, malamang na umabot na sa kalahati ng 7.4 milyong populasyon nito.

 

 

Ayon sa isang funeral industry representative, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga nasasawi sa lugar ay ang unti-unting pagkaubos na rin ng supply ng mga kabaong na sa ngayon ay nasa 300 na lamang ang natitira at inaasahang mauubos na sa pagtatapos ng linggong ito.

 

 

Sinabi naman ni Leader Carrie Lam na mayroong karagdagang mga kabaong ang nakatakdang matanggap ng Hong Kong mula sa mainland.

 

 

Samantala, galit naman ang natanggap ni Lam mula sa mga Chinese dahil isinisisi ng mga ito sa kanyang administrasyon ang pagdami ng bilang ng mga namamatay at sinasabi na ang pagkalat daw ng COVID sa mainland ay dahil sa mahinang epidemic response ng Hong Kong.

Magnitude 7.3 na lindol yumanig sa Japan; tsunami advisory inilabas

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NIYANIG nang malakas ang kabisera ng Tokyo matapos na tamaan ng magnitude 7.3 na lindol ang silangang bahagi ng Japan kagabi na nag-udyok naman ng tsunami advisory para sa ilang bahagi ng northeast coast ng bansa.

 

 

Ayon sa Japan Meteorological Agency, sa baybayin ng Fukushima region nakasentro ang lindol na may lalim na 60 kilomentro.

 

 

Ilang sandali lamang matapos tumama ang lindol bandang 11:36 pm kagabi ay naglabas ang ahesya ng advisory matapos mamataan ang mga alon na may sukat na isang metro sa ilang bahagi ng naturang baybayin.

 

 

Samantala, wala naman naiulat ang mga kinauukulan na mga napinsala o nasaktan sa naturang pangyayari.

 

 

Ngunit ayon naman sa inilabas na pahayag ng electricity provider na TEPCO, nasa mahigit dalawang milyong kabahayan ang iniwang nawalan ng kuryente ng naturang lindol, kabilang na ang nasa 700,000 na kabahayan sa Tokyo.

 

 

Sinabi rin nito na kasalukuyan nanag sinusuri ang mga operasyon sa Fukushima nuclear plant na una nanag natunaw 11 taon na ang nakakaraan matapos itong yanigin ng 9.0 magnitude na lindol at tamaan ng tsunami ang eastern coast nito noong Marso 11, 2011.

Alert Level 1 hanggang matapos termino ni Duterte

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Mananatili ang Pilipinas sa Alert Level 1 hanggang matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hun­yo 30, 2022, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

 

Sinabi ni Duque na wala pang polisiya tungkol sa posibleng magpapatupad ng Alert Level 0 at pinag-aaralan pa rin ito sa ngayon.

 

 

Idinagdag ni Duque na ang pinagtutuunan nila ngayon ng pansin ay matulungan ang mga lugar na nasa Alert Level 2 na maibaba sa Alert Level 1 sa pamamagitan nang pagpapataas ng bilang ng mga may bakuna laban sa COVID-19.

 

 

“‘Yan muna ang ating pagtuunan ng pansin kaysa ‘yung pag-usapan na ‘yang Alert Level 0. Maayos naman tayo sa Alert Level 1. Tingin ko baka ito ay hanggang sa katapusan na,” ani Duque.

 

 

“Alert Level 1 muna tayo malamang hanggang sa katapusan ng termino ng ating Pangulong Duterte,” dagdag ni Duque.

 

 

Nauna nang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority na nakahanda na ang mga mayors para sa pagpapatupad ng Alert Level 0.

 

 

Muli namang ipinaalala ni Duque na hindi pa dapat tanggalin ang pagsusuot ng face mask dahil may naitatala pa ring impeksiyon sa bansa. (Daris Jose)

Pagbibigay ng dagdag na P200 na ayuda, target na maibibigay ngayong buwan- Malakanyang

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TARGET ng pamahalaan na maibigay ngayong buwan ng Marso sa 12 milyong indibidwal ang karagdagang P200 cash assistance.

 

 

Sinabi ni acting Presidential spokesperson at PCOO secretary Martin Andanar, ibibigay ito sa bottom 50% na mahihirap na mga household na aniyay aabot sa 4.2 million households.

 

 

Siniguro ni Andanar, may available ng pondo para sa dagdag ayuda na una ng iniulat ni Finance Secretary Carlos Dominguez sa Pangulo na aabot sa 33. 1 billion pesos.

 

 

Ang dagdag na 2 daang piso ay bukod sa dati ng 500 pesos monthly na tinatanggap ng mga benepisaryo ng pantawid pamilya program.

 

 

Lalabas na mula sa anim na libo kada taon na nakukuha mula sa pantawid pamilya program, madaragdagan pa ito ng 2, 400 kaya’t suma’t total, aabot na sa 8, 400 annually ang maipagkakaloob na cash assistance ng pamahalaan.

 

 

Samantala, binatikos ng ilang personalidad ang desisyon ng gobyernong bigyan na lang ng P200 buwanang ayuda ang mga mahihirap imbes na suspendehin ang excise tax, sa harap ng patuloy na pagmahal ng presyo ng petrolyo.

 

 

Ayon kay Renato Reyes, secretary general ng progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), “pittance” o masyadong maliit at hindi sapat ang buwanang ayuda — na matatanggap sa loob ng 1 taon — ng pamahalaan.

 

 

Sinabi rin ni Reyes na “out of touch” o tila hindi batid ng gobyerno ni Pangulong Duterte at ng economic managers nito ang pinagdadaanan ng mga mahihirap.

 

 

Tinawag ding “pittance” ni Sen. Grace Poe ang P200 kada buwan na ayuda at sinabing hindi dapat magtipid ang gobyerno sa pagbibigay ng ayuda sa mga tao.

 

 

Sa isang pahayag, sinabi ni Poe na sana’y pag-isipan ulit ang panukalang pagsuspende sa excise tax, na sinasabing makapagpapababa ng presyo ng petrolyo sa bansa.

 

 

Kung hindi man masuspinde ang buwis, sana’y taasan ang halaga ng buwanang ayuda, dagdag ng mambabatas. (Daris Jose)

Pinay spikers palaban sa Hanoi SEAG

Posted on: March 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Pinagsamang beterano at bagitong players ang isasabak ng Pilipinas sa women’s volleyball competition ng 31st Southeast Asian Games na idaraos sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12 hanggang 23.

 

 

Bumabandera sa listahan sina middle blocker Jaja Santiago at outside hitter Alyssa Valdez na parehong may malalim na karanasan sa international tournaments.

 

 

 

Kasalukuyang nagla­laro si Santiago sa Japan V.League para sa Saitama Ageo Medics habang nakapaglaro na rin si Valdez sa ilang commercial clubs sa iba’t ibang bansa gaya ng Thailand at Taiwan.

 

 

 

Pasok din sa lineup si opposite hitter Mylene Paat na itinanghal na Best Scorer sa katatapos na Thailand Volleyball League sa Bangkok.

 

 

 

Nariyan din ang pangalan nina libero Kat  Arado at Dawn Macandili, middle blockers  Aby Maraño at Ria Meneses, at wing spiker Ces Molina.

 

 

 

Balik din sa lineup si Majoy  Baron na kamakailan lamang ay hindi napasama sa listahan ng national pool na inilabas ng asosasyon.

 

 

 

Bahagi rin sina Jema Galanza, Dell Palomata, Kat Tolentino, Deanna Wong, Iris Tolenada at mga bagitong sina Jelai Gajero at Casiey Dongallo.

 

 

 

Kapansin pansin ang pagkawala sa lineup nina Filipino-American Kalei Mau, wing spikers Dindin Santiago-Manabat at Kim Kianna Dy, gayundin sina playmakers Jia Morado at Jasmine Nabor.

 

 

 

Napaulat na liliban muna ang mga nabanggit na pla­yers sa national team duties.

 

 

 

Target ng Pinay Spi­kers na malampasan ang fourth-place finish nito noong 2019 SEA Games na ginanap sa Pilipinas.

 

 

 

Matatandaang noong 2005 edisyon pa huling nakapasok sa Top 3 ang Pilipinas sa women’s volleyball nang magtapos sa ikatlong puwesto ang koponang hinawakan ni veteran mentor Ramil de Jesus.

 

 

 

Nakaginto naman ang Pinay squad noong 1993 Singapore SEA Games nina Thelma Barina at Lenlen Escollante.