WELCOME kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang naging commitment ng Covid-19 Vaccines Global Access (COVAX) facility na palitan ang 3.6 milyong doses ng bakuna sa bansa na napaso’ na o expired na.
“That’s nice of them to do that. It’s a distinct humanitarian sentiment,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, araw ng Miyerkules.
Ito’y matapos na ianunsyo ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang magandang balita at tiyakin na hindi gagasta ng kahit na isang sentimo ang Pilipinas para sa ipapalit na Covid-19 jabs.
“Ire-replace po ng COVAX facility. Nag-meeting na po kami kahapon at mayroon na po silang sulat sa atin,” ang naging pag-uulat ni Duque kay Pangulong Duterte.
Aniya, papalitan ng COVAX ang mga donasyon at binili ng gobyerno na Covid-19 vaccines na expired na.
“The 3.6 million doses of Covid-19 vaccines that have expired account for 1.46 percent of the country’s current vaccine inventory,” ayon kay Duque.
Ang pigura aniyang ito ay mababa sa 10 percent indicative wastage rate na ginamit ng World Health Organization (WHO).
Bilang tugon, sinabi naman ni Pangulong Duterte na masaya siya na malaman na ang mga expired na Covid-19 jabs ay papalitan ng libre.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Pangulong Duterte ang mga botante na tiyakin na susunod ang mga ito sa minimum public health standards, lalo na sa panahon ng halalan.
“Better again remember when you go to the electoral precincts, kindly tell yourself that you have to remember the things that government wants you to follow. So that hindi masyado tayo mahirapan and we will prevent another surge,” ani Pangulong Duterte.
Hinikayat naman nito ang ang publiko na magtiwala sa mga health at medical experts gaya ng doktor at scientists, pinag-aralan aniya ng mga itong mabuti ang “best ways” para tugunan ang nagpapatuloy na krisis sa pangkalusugan sa bansa.
“…You have to listen to our medical professionals, our scientists, Pilipino ang mga scientists natin, may alam ‘yan. Huwag na tayong magpa-ano pa na mas marunong tayo kaysa kanila,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.
Aniya, ang pagkakaroon lamang ng “a little knowledge” ukol sa mga hakbang para protektahan ang sarili laban sa Covid-19 ay “a very dangerous thing.”
“It’s a question of law and you are a lawyer, then okay lang. But if you are not — you are a lawyer and you start to argue with things that you think that you know better than the medical practitioners, ‘yan sabi ko little knowledge of — bantay ka diyan ,” dagdag na pahayag nito.
Ang kapalaran ng mga national at local candidates ay dedesisyunan ng mahigit sa 65 milyong Filipino na inaasahan na boboto sa Mayo 9.
Ito ang kauna-unahang halalan na gagawin sa ilalim ng pandemic conditions.
“As of April 24,” mayroon ng 67.4 milyong Filipino ang fully vaccinated laban sa Covid-19, subalit mayroon lamang 12.9 milyon ang nakatanggap ng booster shot. (Daris Jose)