MAY bago nang tawag ngayon kay Asia’s Multimedia Star Alden Richards, simula nang mag-taping na siya ng bago nilang serye sa GMA Network, ang Pilipino adaptation ng Korean drama series na “Start-Up.”
Noong 2012 na ginawa ni Alden ang “One True Love,” una siyang tinawag na ‘Tisoy’ at kahit hanggang ngayon, ganoon pa rin ang tawag sa kanya, until sinimulan niyang gawin ang adaptation ng K-drama na katambal niya si bagong Kapuso actress, si Bea Alonzo.
Ngayon, ang tawag na sa kanya ay ‘Good Boy,’ na sabi nga ng mga fans ay bagay naman sa kanya dahil Good Boy naman siya talaga sa tunay na buhay.
Ayon nga kay Alden sa interview sa kanya, “ginawa naming Pinoy si Tristan, ang role na ginagampanan ko, dahil simula sa pagkabata niya, ipinakita natin ang hardships na pinagdaanan niya, dahil isa nga lamang siyang ulila, pero sa kabila ng nangyayari sa kanya, hindi siya tumigil na mangarap, at ganoon din ang nangyari sa buhay ko.
“Thankful lamang ako na I’m blessed na makatagpo ako ng mga taong nagbigay sa akin ng mga opportunities para patunayan ko na kaya kong gawin ang mga ginawa ni Tristan sa aming serye.”
Pero inamin din ni Alden na hindi naman siya perfect, nagkakamali rin siya, pero dapat hindi raw hayaang ang pagkakamaling nagawa natin ay makaapekto sa atin.
Nagpasalamat din si Alden sa lahat ng sumubaybay ng world premiere ng serye, at nagpa-trending nito sa Twitter. And don’t miss “Start-Up PH” gabi-gabi, 8:50PM after “Lolong.”
***
BASE sa rami ng mga fans na nanood ng “Together Again US Concert” ng GMA Pinoy TV na nag-celebrate ng kanilang 17th anniversary, damang-dama ng mga Kapuso stars ang pananabik ng mga Kapuso natin abroad, dahil sold-out ang two-night concert nitong weekend sa US, September 24 & 25.
Kitang-kita ito sa social media posts, na napakainit ng pagtanggap nila sa unang concert ni Bea Alonzo bilang Kapuso na pasabog din ang performances nito pati outfits na isinuot niya sa show.
Napuno rin ng tawanan ang Pechanga Theater dahil kay Comedy Concert Queen Ai Ai delas Alas na nagpakita ng mga baon niyang kakaibang costumes! At hindi mawawala ang all-out biritan niya with Asia’s Nightingale Lani Misalucha, na nagpasalamat na nakapag-perform siya nang maayos sa kabila na kagagaling lamang niya sa sakit.
Siyempre pa, kinilig ang mga fans kina Asia’s Limitless Star Julie Anne San Jose at Kapuso Total Heartthrob Rayver Cruz. At nakumpleto ang gabi ng mga fans nang haranahin sila ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes. Ang swerte naman ng naka-duet niyang isang maswerteng manonood.
Napakaraming magagandang comments ang mga Instagram users sa nasaksihan nila sa dalawang gabing concert sa Pechanga.
***
NAG-VOLUNTEER ang ilang artistsa ng GMA Network, kasama ang “Unang Hirit” at GMA Kapuso Foundation para makapaghatid ng Serbisyong Totoo sa mga Pilipinong naapektuhan ng Bagyong Karding.
Nagsagawa ng special coverage ang Unang Hirit noong September 26 ng umaga, at nakasama ng Unang Hirit barkada ang ilan sa cast ng “Nakarehas Na Puso” na sina Jean Garcia, Leandro Baldemor, Michelle Aldana, at EA Guzman.
Sila ang nagbantay ng social media accounts at live stream para sa mga panawagan ng mga kababayang nangangailangan ng tulong dahil sa hagupit ng bagyo.
Sinundan naman sila nina Sparkle stars Elijah Alejo, Lexi Gonzales, Matt Lozano, Brent Valdez at Aldan Veneracion para magbantay sa help desk. Tumulong naman sa warehouse ng Kapuso Foundation sina Martin del Rosario, Kaloy Tingcungco, Anthony Rosaldo, Kim de Leon at Jeff Moses para ihanda ang relief goods na ihahatid papuntang Aurora.
Namahagi naman ng relief goods at masustansiyang lugaw na may kalabasa at malunggay ang Unang Hirit kasama sina Susan Enriquez at Chef JR Royol sa Bagong Silangan Elementary School.
(NORA V. CALDERON)