NAKIISA at nagpartisipa ang mga tauhan ng Office of the Press Secretary (OPS) sa taunang tree-planting program na inorganisa ng water concessionaire na Maynilad Water Services Inc. (Maynilad).
Sa Facebook post, ibinahagi ng OPS ang ilang larawan na kuha sa tree-planting activity noong Oktubre 28 sa Ipo Watershed sa Norzagaray, Bulacan.
“Nakibahagi ang Office of the Press Secretary (OPS) sa ‘Plant for Life’ tree-planting project ng Maynilad Water Services, Inc., na may layuning magtanim ng isang milyong puno sa Ipo Dam sa Norzagaray, Bulacan bago matapos ang taong 2022,” anito.
Isa naman si OPS Undersecretary Marlon Purificacion sa nakiisa sa nasabing aktibidad.
Ang partisipasyon ng mga empleyado at opisyal ng OPS ay bilang pagtalima sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa gobyerno na gumawa ng kaukulang hakbang para mapagaan ang epekto ng climate change sa bansa.
Ang pagtatanim ng puno ayon sa OPS ay makatutulong na madagdagan ang water at power supply.
“Ang pakikilahok ng OPS sa proyekto ay parte ng pagsunod nito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-solusyon ang kakulangan sa suplay ng kuryente at tubig at bawasan ang pinsalang dala ng pagbabago ng klima,” ayon sa OPS.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan na isama ang tree planting activities sa flood control projects nito.
Sa situation briefing sa Maguindanao, tinalakay ni Pangulong Marcos ang kanyang obserbasyon sa ginawang aerial inspection kung saan nakakalbo na ang mga bundok.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang deforestation at ang mga epekto ng climate change ay nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Maguindanao kung saan hindi bababa sa 60 katao ang iniulat na namatay sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng.
Nagpahayag din ni Pangulong Marcos ng pagkadismaya sa ilang indibidwal na patuloy na nagpuputol ng kahoy, na siyang dahilan ng nangyayaring landslides ngayon.
Kaugnay dito, tiniyak ni Pangulong Marcos na maraming non-government organizations ang tutulong sa gagawing tree planting activities.