NAGLABAS si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes and host ng game show na ‘Family Feud’ sa kanyang Instagram account ng “Statement on Online Scammers”.
“Maraming kababayan natin ang sumasali sa Guess to Win Promo ng Family Feud. Nagpapasalamat kami sa walang sawa at patuloy ninyong pagtangkilik sa promo at sa ating programa.
“Nguni’t sa gitna ng kasiyahang hatid ng ating palabas, ginagamit naman ito ng mga oportunista para manamantala at mambiktima ng ating mga kababayan.
‘Maging ang pangalan ko ay kinakasangkapan na rin ng mga taong ito para makapanloko ng kapwa.
“Gusto naming ipaalaala na kung kayo ay mananalo sa Guess To Win Promo, padadalhan kayo ng mensahe via email ng GMA Network. Sa nasabing mensahe nakadetalye ang requirements na dapat isumite para makuha ang premyo.
“Walang ibang grupo o individwal ang awtorisadong magbigay ng premyo sa mga mananalo. Tiyaking opisyal na kinatawan ng GMA Network ang kausap ninyo bago kayo magbigay ng pribadong impormasyon gaya ng cellphone number.
“Sa mga sumasali naman sa promo, iwasang mag-iwan ng pangalan, address at cellphone number sa comments section ng Facebook o YouTube. May official site ang Family Feud kung saan kayo dapat magpadala ng mga sagot.
“Stay vigilant. Huwag maging biktima ng scammer.
“Muli, maraming salamat sa inyong suporta!”
***
UMANI ng paghanga si Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza mula sa mga netizens sa portrayal niya as a Gen Z, si Klay, na napasok sa daigdig nina Maria Clara at Crisostomo Ibarra sa historical fantasy portal series na “Maria Clara at Ibarra.”
Si Andrea Torres naman ang tumatanggap ng much-deserved praise sa pagganap niya bilang si Sisa, especially sa episode nito the other night na #MCIKumpisal na tuluyan nang nawala ang sanity niya sa pagkawala ng mga anak na sina Basilio at Crispin.
Doon binigkas ni Andrea ang mga iconic line na “mahal kayo ng nanay,” “Anak ko, Crispin! Basilio! Nasaan na kayo? Hindi ko kaya!”
Muli ngang nag-trending ang episode sa Twitter, na pinuri ng mga netizens ang acting ni Andrea, like hindi raw nila maiisip si Sisa kung hindi sa mahusay nitong pagganap.
“She gave justice to Sisa and the show really changed the ‘Crazy Sisa’ that we used to know but introduced us to the loving Sisa who lost her children. Andrea effectively conveys Sisa’s suffering and anguish.”
Kaya halos hindi maka-comment si Andrea sa mga nabasa niyang paghanga sa kanya ng mga viewers kaya nasabi niya, “ay grabe, sasabog ang puso ko. Sobra kong na-appreciate, lalo na pag sinasabi ninyo na di na lang basta baliw si Sisa sa paningin ninyo.”
Ang hinihintay ngayon ng mga viewers ay si Rocco Nacino, na gaganap bilang si Elias. Ano ang kaugnayan niya kina Ibarra at Maria Clara?
Napapanood ang serye gabi-gabi at 8PM after 24 Oras sa GMA-7.
*****
MARAMING nagtatanong ngayon, sa paglabas ng balitang gagawin na ni Direk Darryl Yap ang second part ng “Maid in Malacanang” ang “Martyr or Murderer?” kung tinanggap na ba ni Phillip Salvador na siya ang gumanap sa role ni Benigno Aquino.
Nabalita kasi noong una na si Jerome Ponce ang gaganap sa kanyang role, pero ngayon nga ay lumutang ang pangalan ni Phillip Salvador. Ano raw kaya ang magiging reaksyon dito ni Kris Aquino, kung sakaling tanggapin ni Ipe ang role?
Balitang ngayong November na sisimulan ni Direk Darryl ang shooting ng movie, dahil naka-schedule na raw ipalabas ito early 2023. Sa ngayon, wala pang sinasabi kung sinu-sino na ang bubuo ng cast, but definitely, naroon pa rin si Cesar Montano as the former President Ferdinand Edralin Marcos at si Ruffa Gutierrez as Madame Imelda Romualdez- Marcos.
(NORA V. CALDERON)