NITONG araw ng Sabado, January 7, ay inihayag ni Jessy Mendiola na ipinanganak na niya ang unang anak nila ng mister niyang si Luis Manzano.
Sa pamamagitan ng kanyang Instagram ay ibinahagi ni Jessy na dalawang linggo na ang nakararaan ay isinilang niya si Isabella Rose Tawile Manzano, isang healthy baby girl.
Kalakip ng pag-aanunsiyo ni Jessy ang close -up photo habang hawak niya ang kamay ng kanyang anak.
“I never knew I could love like this.
“My little Rosie,” ang inilagay niya sa caption ng kanyang post.
***
EXCITED na ang buong universe sa gaganaping 2022 Miss Universe beauty pageant sa New Orleans.
Mapapanood ito January 14 ng gabi sa Amerika at January 15 naman ng umaga dito sa Pilipinas.
Hindi (muna?) mapapanood si Steve Harvey bilang host ng Miss Universe, sa halip ay puro babae ang main host at backstage host ngayong taong ito.
Inanunsiyo na ng Miss Universe Organization na ang mga host sa Miss Universe 2022 ay sina Jeannie-Mai Jenkins (isang American TV host) at Miss Universe 2012 Olivia Culpo.
Muli namang iwawagayway ni Catriona Gray ang bandera ng Pilipinas dahil ang ating Miss Universe 2018 at si Zuri Hall (Access Hollywood correspondent) ang magsisilbing backstage host.
Ang grand coronation ng 71st edition ng Miss Universe ay gaganapin sa Ernest N. Morial Convention Center, kung saan ang pambato ng Pilipinas ay si Celeste Cortesi.
***
MAY dapat palang ipagpasalamat si Martin del Rosario kay Dennis Trillo.
Ten years ago pala kasi ay si Dennis ang nasa isip ng mga taga-GMA na paganapin bilang si Prince Zardoz sa live action adaptation ng Voltes V.
Si Prince Zardoz ang main contravida sa naturang Japanese anime series na ngayon nga ay mapapanood bilang Voltes V: Legacy sa GMA.
At hindi na si Dennis ang gaganap bilang leader ng mga Boazanian invaders sa planet earth kundi si Martin nga.
Pero mapapanood pa rin naman si Dennis sa Voltes V: Legacy dahil siya ang gaganap bilang si Ned Armstrong, ama nina Steve (Miguel Tanfelix), Big Bert (Matt Lozano) at Little John (Raphael Landicho).
“Bumagay din naman kahit paano dahil through the years, nandoon na yung maturity ko sa aking features at sa experiences at sa pag-acting na rin,” pahayag ni Dennis.
“Kaya kahit paano hindi naman ako nahirapan sa pagganap ng role na yun dahil napakaimportante rin ng character na yun sa kuwento ng Voltes V.”
(ROMMEL L. GONZALES)