NANATILI ang kooperatiba na mabisang paraan upang makaahon sa kahirapan ang mga mahihirap na miyembro.
Ito ang mensahe ni Father Anton CT Pascual – Pangulo ng Radio Veritas, Minister ng Ministry of Cooperatives and Social Enterprise Development ng Archdiocese of Manila o M-C-S-E-D at chairman ng Union of Catholic Church-Based Cooperatives (UCC) sa paggunita sa buwan ng Oktubre bilang National Cooperative Month.
“Atin pong binubuksan ang 2023 cooperative month sa araw na ito naway maging masigla ang kilusang kooperatiba sa Pilipinas, tayo po ay magpalakas ng ating mga negosyo at nakatapat tayo sa mga values and principles of cooperativism sapagkat naniniwala po tayo na cooperative economy ay tunay na inclusive ito ay para sa lahat lalung-lalu na makinabang ang mga mahihirap,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual
Ipinagdarasal ni Fr. Pascual ang patuloy na pag-unlad ng mga kooperatiba na sama-samang pinapayabong ang yaman ng mga miyembro na itinuturing na kamay-ari.
Tiwala din si Father Pascual na mananatiling matatag ang mga kooperatiba sa Pilipinas matapos malagpasan ang pagsubok dulot ng COVID-19 pandemic.
“Ito po ay lumilikha ng yaman para sa pamayanan at para sa mga maliliit kaya’t mabuhay po ang kilusang kooperatiba at nawa patuloy ang kaniyang pag-unlad, dumami ang maging kasapi sa buong Pilipinas lalo na sa ating simbahan na mayroong po tayong nilunsad na MCSED Ministry of Cooperatives and Social Enterprise Development pati ang simbahang magkokooperatiba na ito pong hamon sa atin ni Pope Francis God Bless the Cooperative Movement in the Philippines,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Sa tala ng Cooperative Development Authority noong 2022, umaabot na sa 12-libo ang bilang ng mga rehistradong kooperatiba kung saan umaabot na rin sa 12-milyon ang bilang ng miyembro nito sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.