NANGUNGUNA sa listahan ng mga kontrobersiya sa showbiz ang tungkol sa hiwalayan ng mga mag-asawa at magkarelasyon.
Tulad ng balita, na wala pang kumpirmasyon, na hiwalay na sina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez, at ang much-talked about hiwalayan nina Kathryn Bernado at Daniel Padilla.
Nakabitin pa rin ang isyu tungkol kina Kyline Alcantara at Mavy Legaspi kung totoo ngang hiwalay na ang dalawa at kung ano ang dahilan.
At tungkol pa rin sa hiwalayang laganap ngayon sa showbiz, may blind item na kumakalat kamakailan na on the rocks o nanganganib mawasak ang relasyon ng isang mahusay na aktor at isang mahusay na aktres.
May listahan bilang panghuhula sa kung sino ang tinutukoy sa naturang blind item at nakalista ang pangalan nina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado.
Hiningan namin si Tonton ng reaksyon tungkol dito.
“On the rocks? I have no… hindi ko alam kung saan nanggaling yun, dahil there’s no truth to it, so hindi ko alam.”
Maayos raw ang pagsasama nila ni Glydel bilang mag-asawa.
“Yeah we’re okay!”
Lahad pa ni Tonton, “At saka sa amin naman kung meron mang lumabas na ganun, hindi naman kami maaapektuhan, e.
“Hindi kami kailangang maapektuhan, kung ano yung alam namin sa isa’t-isa, magkasama kami, bakit kami maa-ano? Ako ganun din ako e, ganun akong tao na kung may i-tsitsismis man about me at alam ko sa sarili ko na hindi totoo yun, then hindi ako magre-react, hindi ko papansinin.”
Samantala, nagkasama sa pelikulang ‘Unspoken Letters’ sina Glydel at Tonton na pinagbidahan ng newbie actress na si Jhassy Busran.
Hindi nakapasok sa Metro Manila Film Festival bilang entry ang ‘Unspoken Letters’ kaya napaaga ang showing nito sa mga sinehan nitong December 13.
Gumanap rin sa mahahalagang papel sa Unspoken Letters sina Gladys Reyes, Matet de Leon, Simon Ibarra, Daria Ramirez, Deborah Sun, Orlando Sol, John Heindrick, Christine Samson at MJ Manuel.
Ang ‘Unspoken Letters’ ay sa panulat at direksyon ni Gat Alaman.
***
SA bahay lamang sa araw ng Pasko si Lotlot de Leon at ang mister niyang si Fadi El-Soury.
Ipagluluto niya ng pagkain ang mga mahal niya sa buhay tulad ng panganay niyang anak na si Janine Gutierrez na may special request kay Lotlot, ang isa sa mga specialty ni Lotlot na lutuin, ang grilled liempo.
Sa gabi kasi ng December 25 ay pumupunta sa bahay nina Lotlot at Fadi ang mga anak ni Lotlot na sina Janine, Jessice, Maxine at Diego Gutierrez para doon mag-Christmas dinner.
By the way, ngayong Enero ay balik-GMA si Lotlot dahil kasama siya s aacst ng Makiling nina Elle Villanueva at Derrick Monasterio.
Ipapalabas sa January, kasalukuyan nang umeere ang trailer ng Makiling at gandang-ganda kami dito, may pagka-fantasy at romance ang bagong handog na ito ng GMA.
Pero bago ito, mapapanood si Lotlot sa ‘When I Met You In Tokyo’ na entry sa Metro Manila Film Festival kung saan bida ang daddy niyang Drama King na si Christopher de Leon at ang Star For All Seasons na si Ms. Vima Santos.
Hitik sa tambalan ang pelikula dahil nasa cast rin sina Mavy Legaspi at Darren Espanto, at ang real-life couple na sina Lyn Cruz at Tirso Cruz III.
Sa direksyon nina Rado Peru at Rommel Penesa, mula ito sa JG Productions kung saan isa sa mga punong-abala si Ms. Redgie Acuna-Magno.
(ROMMEL L. GONZALES)