MALAPIT ng magkaroon ng anim na police district ang National Capital Region (NCR) kasunod ng panukalang Caloocan City Police District (CCPD) na nangangailangan lamang ng green light mula sa National Police Commission (Napolcom).
Ayon kay City Police Station chief Col. Ruben Lacuesta na ang panukala ay matagal nang isinumite ng mga nakatataas sa Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame at National Capital Region Police Office (NCRPO) bago sa Napolcom.
“Naghihintay na lamang ang PNP ng paborableng tugon mula sa Napolcom na nangangasiwa at kumokontrol sa una,” ani Lacuesta.
“Kung mangyayari iyon, malapit na tayong magkaroon ng Caloocan City Police District na hiwalay sa NPD na may hurisdiksyon din sa iba pang mga kalapit na lungsod ng Valenzuela, Malabon at Navotas,” dagdag niya.
Sinabi ni Lacuesta na ang mga nauna sa kanya ang nagtulak sa Caloocan na magkaroon ng sariling police district at ipinaliwanag din niya na ang lungsod ay lubos na kuwalipikado dahil sa lawak ng lugar at populasyon nito, bukod sa iba pa.
Sa katunayan, sinabi niya na ang mag-amang sina Caloocan District 1 Rep. Oscar ‘Oca’ Malapitan at Mayor Dale Gonzalo ‘Along’ Malapitan ay nagtulungan para sa pagtatayo ng modernong apat na palapag na gusali at isa pang tatlong palapag na istraktura para sa punong-tanggapan ng pulisya at bumbero.
“Siguro sa susunod na buwan, ang kasalukuyan at lumang mga gusali ng pulis at bumbero na magkatabi ay ganap nang gibain para bigyang daan ang bago at modernong headquarters,” ani Lacuesta na ang pamunuan ay tumanggap ng iba’t ibang pagkilala at parangal para sa “Best Police Station” sa NCR at pinakamataas na ranggo sa may pinakamaraming bilang ng mga naarestong drug personalities at nakumpiskang milyun-milyong pisong halaga ng iligal na droga.
Nagpahayag naman siya ng pasasalamat sa mga Malapitan sa pagtupad sa kanilang pangako na tumulong sa pagtatayo ng modernong police headquarters dahil luma na ang kasalukuyang gusali habang kalahati nito ay wala nang tao matapos ang naganap na sunog ilang taon na ang nakakaraan.
Binanggit ni Lacuesta ang mga bentahe ng lungsod na magkaroon ng sariling distrito ng pulisya ay tulad ng pagbibigay ng mas maraming pulis o higit sa 3,000 tauhan upang tumugma sa bilang ng mga residente at pagtatayo ng mas maraming unit at police substation
Sa kasalukuyan, mayroong limang distrito ng pulisya, na nasa ilalim ng direktang pangangasiwa ng NCRPO, ito ay, Manila Police District, Quezon City Police District, Southern Police District (SPD), Eastern Police District (EPD) at NPD. (Richard Mesa)