PINAG-IINGAT ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga heat-related illnesses, gaya ng heat stroke, ngayong nakakaranas ang bansa ng napakatinding init ng panahon.
Nauna rito, iniulat ng PAGASA na ang temperatura ng bansa ay maaaring umabot ng hanggang 45°C degrees Celsius sa ilang lugar mula Marso 28 hanggang kahapon, Abril 3, 2024.
Ang temperatura na nasa 33-41°C ay kinaklasipika ng PAGASA bilang “extreme caution” o matinding pag-iingat habang ang 42-51 ay “danger” o mapanganib.
“Such temperatures can lead to heat cramps and heat exhaustion, characterized by symptoms such as fatigue, dizziness, headache, vomiting, and light-headedness. Prolonged heat exposure increases the probability of heat stroke, a serious condition characterized by loss of consciousness, confusion, or seizures, which can be deadly if left untreated,” ayon sa DOH.
Kung maobserbahan ang mga naturang sintomas ay kaagad na magsagawa ng mga first aid measure.
Kabilang dito ang pagdadala sa pasyente sa malilim at malamig na lugar at pagbibigay ng sapat na bentilasyon, pagtatanggal sa outer clothing ng pasyente at pag-aplay dito ng cold compresses, ice packs, malamig na tubig o malamig at basang tela sa balat, partikular na sa ulo, mukha, leeg, kilikili, pulso, bukung-bukong at mga singit.
Kung gising o conscious ang pasyente, dapat na madalas ngunit mabagal itong pasipsipin ng malamig na tubig. Makabubuti din kung kaagad na tatawag ng emergency services at dalhin ang pasyente sa pagamutan.
Pinapayuhan rin naman ng DOH ang publiko na regular na i-monitor ang mga ulat mula sa PAGASA at magsagawa ng mga preventive measures laban sa mga heat-related illnesses.
Kabilang dito ang pag-inom ng maraming tubig, pag-iwas sa iced tea, soda, kape at alcoholic drinks; paglilimita sa oras sa labas ng bahay, lalo na sa pagitan ng 10AM hanggang 4PM; at paggamit ng proteksiyon laban sa sunburn gaya ng sumbrero, payong, at sunblock at pagsusuot ng maluluwag at magagaang damit. (Daris Jose)