“THIS is standard procedure, not a change in position,”
Ito ang tugon ni Presidential Communications Secretary Cheloy Garafil sa ginagawang paghahanda ng Department of Justice’s (DOJ) na ‘legal briefer’ sa mga legal na opsyon na magagamit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para kay Garafil, “standard procedure” na maglatag ng opsyon ang DoJ kaugnay sa arrest warrants ng ICC laban sa mamamayang Filipino.
Binigyang diin ni Garafil na ang Pangulo ay “remains clear and consistent” sa isyu ng ICC.
Gayunman, tungkulin aniya ng DOJ bilang pangunahing law agency ng gobyerno na “to explore all legal avenues and ensure that the President is fully informed of his options.”
“This is standard procedure, not a change in position, ensuring that our administration remains prepared for any scenario,” ayon kay Garafil.
Sa ulat, nagpahayag ng pagkabahala si Senador Chiz Escudero sa ginawang anunsyo ng DOJ tungkol sa paghahanda nito para sa isang legal briefing para kay Pangulong Marcos sa “possible legal options” sakaling ang ICC ay magpasya na arestuhin si dating Pangulong Duterte.
Ayon sa senador, magpapalala lamang ito sa tensyon sa pagitan ng mga Marcos at mga Duterte.
“What I don’t understand is why a presscon had to be called to announce something that is in the normal course of things or as it should be. Providing legal briefings to the President is standard procedure,” pahayag ni Escudero.
Nauna nito, inanunsyo ng DOJ na naghahanda na ito ng isang comprehensive briefer upang saklawin ang iba’t ibang mga senaryo na may kaugnayan sa warrant of arrest ng ICC, kabilang ang posibilidad ng muling pagsali sa ICC.
Gayunpaman, nananatiling mataas ang tensyon sa pagitan ng kampo ni Pangulong Marcos at dating Pangulong Duterte, at naniniwala si Escudero na ang mga hindi kinakailangang pampublikong anunsyo ay makakasakit lamang sa nagpapatuloy na lamat sa pagitan ng dalawang kampo.
Hinimok ng senador ang executive branch na maging mas maingat at linawin ang katwiran sa likod ng press conference at tiyakin na ang mga desisyon ay ginawa nang walang political agenda. (Daris Jose)