“When the time is right, I the Lord will make it happen”
Isaiah 60:22
Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
NAPILI si US women’s tennis star Coco Gauff na isa sa magiging flag bearer ng America para sa opening ceremony ng Paris Olympics.
Makakasama niya si NBA superstar LeBron James.
Ang 20-anyos na tennis player ay itinuturing na pinakabatang flag-bearer sa kasaysayan ng US sa Olympics.
Nakuha nina James at Gauff ang boto ng mga kapwa nilang atleta sa US.
Sinabi nito na hindi siya makapaniwala na mapipili itong maging flag bearer ng kanilang bansa.
PLANTSADO na ng Philippine Team ang kanilang gagawing pag-martsa para sa opening ceremony ng Paris Olympics.
Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino na pangungunahan nina Pinoy boxer Nesthy Petecio at Carlo Paalam ang parada kasama ang 16 na ibang mga atleta.
Hindi makakasama si Tolentino sa parada dahil pinili niyang umupo sa family section sa gilid ng River Seine.
Makakasama nina Paalam at Petecio ay sina kapwa boksingero na sin a Aira Villegas at Hergie Bacyadan, hurdlers Lauren Hoffman at John Cabang Tolentino, swimmers Kayla Sanchez at Jarrod Hatch, gymnast Aleah Finnegan at fencer Samantha Catantan.
Nakasakay naman sa bangka na nakatalaga sa Pilipinas sina Chef de Mission Juanito Victor “Jonvic” Remulla at ilang sports officials Michael Angelo Vargas ng swimming, Marcus Manalo ngboxing, Cynthia Carrion Norton ng gymnastics, Patrick Gregorio sa rowing at Agapito “Terry” Capistrano sa athletics.
Hindi naman makakasama ang mga boksingerong sina Eumir Marcial, gymnast Carlos Yulo at rower Joanie Delgaco dahil naghahanda sila sa kani-kanilang laban sa araw ng Sabado habang si pole vaulter EJ Obiena ay nakatuon pa rin sa kaniyang pre-game preparations sa Normandy.
Ang mga tatlong weightlfters na sina Vanessa Sarno, John Febuar Ceniza at Erleen Ann Ando ay hindi pa natatapos ang kanilang training sa Metz at nakatakdang dumating sa Olympic Village sa Agosto 6.
Kukumpleto sa 22-atleta ng bansa ay sina gymnast gymnasts Emma Malabuyo at Levi Ruivivar, golfers Bianca Pagdangan at Dottie Ardina at judoka Kiyomi Watanabe.
Magsisimula ang Opening ceremony ng dakong ala-7:30 ng gabi sa Paris o 1:30 ng madaling araw sa Pilipinas ng Sabado.
Magiging makasaysayan ang nasabing Paris Olympics dahil hindi ito gagawin sa isang stadium at sa halip ay gagawin ito sa River Seine.
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Health (DOH) na magtalaga ng mga doktor at magbigay ng medical assistance sa bawat evacuation centers upang masiguro ang health conditions ng mga bakwit na apektado ng bagyong Carina.
Sa isang situation briefing, pinanindigan ni Pangulong Marcos na dapat na tiyakin ng DOH na ang evacuation centers ay mayroong mobile clinic para mag-check sa kondisyon ng mga kabataan at matatanda.
“Kailangan mayroon silang clinic sa bawat evacuation center, or at least may umiikot na medical team … can we get an instruction to the DOH that evacuation centers, kailangang madaanan ang mga bata,” ayon kay Pangulong Marcos.
“We have to get some medical, (team), kahit na ‘yung mga BHWs lang nila muna … hanggang makarating ang doctors dun. Mag assess lang sila that everybody is okay . Anybody is in need of immediate help,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos na ang mga doktor ay dapat na kagyat na italaga sa mga evacuation centers upang sa gayon ay kaagad silang makapaghatol sa mga matatanda na kailangan ang kanilang maintenance medicines.
Sa kabilang dako, sinabi ng Office of Civil Defense (OCD) na 189,014 pamilya o 910,536 indibidwal ang apektado ng Carina habang 123,992 pamilya o 612,961 indibiduwal ang nanuluyan sa iba’t ibang evacuation centers.
Makikita sa record na 13 indibiduwal ang nasawi habang dalawa ang napaulat na nasugatan at dalawa ang nawawala.
Samantala, pinangunahan naman ni Pangulong Marcos ang situation briefing, Huwebes ng umaga, Hulyo 25, kung saan nakapulong nito ang mga miyembro ng kanyang Gabinete na direktang may kinalaman sa ‘disaster efforts’ ng gobyerno kasama ang ibang ahensiya ng pamahalaan na kasama naman sa rescue and relief operations sa Presidential Security Command compound sa Maynila.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa pamahalaan na tukuyin ang mga lugar na labis na hinagupit ni Carina para madetermina kung saan at ano ang klase ng agarang tulong na ipagkakaloob sa mga apektadong residente. (Daris Jose)
PINURI ng chairman ng House Committee on Dangerous Drugs ang pinaiiral na bloodless anti-illegal drug campaign ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang bagong pamamaraang ito ay ganap na nagpahinto sa mga pang-aabuso ng mga dating nagpapatupad ng batas kontra sa iligla na droga na nag-aakusa, humahatol, at nagpapatupad ng parusa sa mga pinaghihinalaang drug trafficker, adik, at gumagamit ng ilegal na droga.
Sinabi pa ni Barbers na ang kasalukuyang pamamaraan ng administrasyon laban sa droga ay mas epektibo at makatao. Ayon sa kanya, nakamit nito ang higit pa sa mga inaasahang resulta nang hindi gumagamit ng extra-judicial killings.
Ayon sa mga ulat, sinabi ni Barbers na ang opisyal na bilang ay nagpakita na umabot sa 6,229 na napaslang na drug personalities sa pamamagitan ng extra-judicial killings hanggang noong Marso 2022, habang tinatayang higit sa 20,000 sibilyan ang napatay sa ilalim ng nakaraang administrasyon ayon naman sa tala ng mga human rights group.
Noong 2022, hinimok ng noo’y si outgoing President Rodrigo Duterte ang kaniyang kahaliling si Marcos Jr. na ipagpatuloy ang giyera laban sa droga sa “kanyang sariling paraan,” kung saan idineklara naman ni Marcos Jr. na mas tututukan niya ang pagpigil at rehabilitasyon ng mga nalulong sa droga, at nagsabing “ang pagpatay ay hindi kailanman bahagi ng kanyang plano.”
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, muling ipinahayag ni Pangulong Marcos Jr., ang kanyang polisiya na magpapatuloy siyang susunod at susundin ang umiiral na polisiya laban sa iligal na droga na nakatuon sa ligal at matuwid na paraan na mas makatao at ang pagpaslang ay hindi kailanman bahagi nito.
Pinuri ni Barbers ang kasalukuyang mapayapang kampanya laban sa droga, kung saan naitala 71,500 operations, nakumpiska ang halagang P44 bilyon ng ilegal na droga, at naaresto ang 97,000 na drug personalities, kasama na rito ang higit sa anim na libo na high-value targets. Kasama rin sa mga naaresto ang 440 na empleyado ng gobyerno, 42 ang uniformed personnel, at 77 mga halal na opisyal.
Ibinunyag din ng Pangulo na ang kasalukuyang kampanya laban sa droga ay nagresulta ng freezing of assets ng mga big-time drug traffickers na nagkakahalaga ng higit sa P500 milyon, at conviction rate na 79 porsyento laban sa mga kasong isinampa sa korte para sa iligal na droga.
Habang ang gobyerno ay nakatuon sa pag-iwas at rehabilitasyon ng mga pinaghihinalaang drug suspects, hinimok ni Barbers ang mga awtoridad na may kinalaman sa anti-drug operation na mas bigyang-pansin ang pagbawas ng suplay ng droga kaysa sa pagbawas ng demand.
Sa isang ulat na ginawa ng US International Narcotics Control Strategy noong 2010, tinatayang ang ilegal na kalakalan ng droga sa Pilipinas ay nasa $6.4 hanggang $8.4 bilyon taun-taon.
Dahil sa geographical location ng bansa, ginagamit ng mga international drug syndicate, na karamihan ay mga miyembro ng Chinese drug triad, ang Pilipinas bilang transit hub para sa ilegal na kalakalan ng droga. Gumagamit sila ng mga local drug syndicate at gang bilang mga “mules” para mag-transport ng droga patungo sa ibang mga bansa. (Vina de Guzman)
HINILING ni Navotas Representative Toby Tiangco ang legal na aksyon laban sa kompanyang responsable sa pagkasira ng Tangos-Tanza Navigational Gate, kung saan binibigyang-diin ang agarang pangangailangan para sa pananagutan.
Aniya, kung gumagana ang flood gate ay maaaring makontrol ng 81 pumping stations ng pamahalaang lungsod ang pagbaha. “In fact, during Ondoy, flooding was controlled even if we only had 24 bombastik stations at that time.” dagdag niya.
Sinabi pa niya na mahigpit siyang nakikipag-ugnayan sa MMDA, ang ahensyang may hurisdiksyon sa pagsasampa ng kaso laban sa responsableng kumpanya. Desidido siyang tiyaking mananagot ang may-ari ng bangka at tagboat na may kasalanan.
“Napalaking perwisyo ang idinulot ng pagkasira ng floodgate dahil ito ang humaharang sa pagpasok ng tubig kapag high tide. Hindi sana nahihirapan ang mga Navoteño ngayon kung hindi nasira ang floodgate, dahil kakayanin ng 81 pumping stations na makontrol ang taas ng baha. Mas malala pa nga ang sitwasyon noong bagyong Ondoy, pero kontrolado ng Navotas LGU ang baha kahit na mas konti pa ang pumping stations,” ani Tiangco.
“We’re studying the legal options available to make those responsible for the damage of the navigational gate accountable. Ang iniisip natin dito ay ‘yong mga pamilyang Navoteño na binaha dahil sa pagkasira ng floodgate. Hindi biro ang dinaranas nila ngayon kaya kailangan din makipag-usap muli sa MMDA para malaman anong kaso ang maaaring isampa,” dagdag niya.
Nasira ang floodgate matapos bumangga dito ang isang vessel na hinahatak ng tugboats, na nagresulta ng pagbaha sa Navotas.
“Yong pagpilit na hilahin ang barko ng tugboats pagkatapos mabangga ang floodgate, kahit pinipigilan na sila ng mga personnel ng floodgate, hindi aksidente ‘yon,” giit niya.
Binigyang-diin ni Tiangco na nakontrol na ang pagbaha sa Navotas mula nang magtayo ang pamahalaang lungsod ng bombastik pumping stations, na nasa 81 na at humihigop ng tubig sa panahon ng malakas na pag-ulan at high tide.
“Patuloy po ang pag operate ng mga Bombastik Pumping Stations para mabilis na mapahupa ang tubig na nakakapasok sa ating lugar, ngunit hindi nito kaya pag walang pumipigil sa pagpasok ng tubig-dagat,” sabi ni Tiangco.
Ayon pa sa kanya, patuloy naman ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco sa mga apektadong residente ng pagbaha.
Ang mga residente na nangangailangan ng tulong, maari aniya makipag-ugnayan sa emergency hotlinr ng lungsod sa 8281-1111 at TXT JRT numbers 0917-521-8578 para sa Globe, 0908-886-8578 para sa Smart at 0922-888-8578 para sa Sun subscribers. (Richard Mesa)
PUMALO na sa 183,464 pamilya o kabuuang 882,861 katao ang apektado ng pinagsamang southwest monsoon o habagat, bagyong Carina at dating tropical depression Butchoy.
Ayon sa report nitong Miyerkules ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ariel Nepomuceno, ang mga apektadong pamilya ay mula sa 686 Barangays sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol region, Western and Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Soccsksargen, Caraga, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Cordillera region.
Sa tala ng NDRRMC, nasa 8 pa lamang ang bilang ng nasawi, pito rito ay kumpirmado na kinabibilangan ng apat mula sa Zamboanga Peninsulat at tig-isa naman sa Davao Region, Northern Mindanao at BARMM.
Patuloy na beneberipika ang isang nasawi sa BARMM habang dalawa ang nasugatan at isa ang nawawala sa Northern Mindanao.
Nasa 245 naman ang mga nasirang kabahayan mula sa MIMAROPA, Central Visayas, Zamboanga Peninsula,Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, CARAGA, BARMM at Cordillera.
Sa mga apektadong pamilya nasa 8,230 pamilya o katumbas na 35,388 katao ang kinakanlong sa 90 evacuation centers habang 115,668 pamilya o 576,936 indibidwal ang nasa labas ng mga evacuation sites. (Daris Jose)
WALANG patid ang pagpapaabot ng tulong at pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development ng Family Food Packs at iba’t ibang kits sa mga kababayan nating apektado ng pananalasa ng Bagyong Carina.
Ilan sa kanilang hinatiran ay ang mga bayan ng Odiongan at San Andres sa Romblon, at sa mga pamilya na pansamantalang nananatili sa isang paaralan sa Meycauayan City, Bulacan.
Habang nagbigay din sila ng sleeping kits, family kits, hygiene kits at bottled water sa pamilya sa may bayan ng Malhacan diyan pa rin sa Bulacan.
Ito ay bahagi ng patuloy na aksyon ng naturang ahensya sa kanilang sinumpaang gampanin at pagtugon sa mga relief augmentation request mula sa iba’t ibang LGU.
Kasalukyan naman daw na nakikipagnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan para naman sa validation at assessment sa mga pamilyang naapektuhan ng nasabing kalamidad. (Daris Jose)
NAGMISTULANG ‘water world’ ang malaking bahagi ng Metro Manila sa mala-Ondoy na malawakang pagbaha dulot ng matinding epekto ng southwest monsoon na pinalala pa ng bagyong Carina, ayon sa report na tinanggap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules.
Dahil dito, isinailalim na sa state of calamity ang buong Metro Manila matapos aprubahan ng Metro Manila Council ang rekomendasyon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ginanap na situation briefing sa Camp Aguinaldo na pinanguhan ng Pangulo, sinabi ni Abalos na makabubuting isailalim sa state of calamity ang MM upang mabigyan ang mga LGU ng access sa mga karagdagang pondo para sa pagtugon sa kalamidad, kasama na dito ang paglalatag ng price freeze sa mga basic goods.
Ayon kay Abalos, naglabas na rin ito ng mga direktiba sa mga LGU upang pabantayan ang mga sitwasyon sa ground level, tumulong sa mga evacuation. Malaking bahagi ng Metro Manila at kalapit na probinsya ang binaha.
Ayon sa ulat, maraming mga pangunahing highway at inner roads ang dumanas ng mula gutter hanggang abot baywang na lalim ng tubig baha dahil sa walang humpay na malalakas na pag-ulan simula pa nitong Martes ng gabi na tumindi hanggang umaga nitong Miyerkules.
Iniulat ang mga pagbaha sa mga lungsod ng Manila, Marikina, Quezon, Pasay, Taguig at Valenzuela. Gayundin sa Mandaluyong City at lungsod ng San Juan.
Sinabi ni Abalos na 70% ng Navotas City, 80% ng Malabon City at 60% ng Valenzuela City ay binaha dahil na rin sa nawasak na flood control.
Maraming mga pasahero ang na-stranded habang kaunti lamang ang mga bumibiyaheng sasakyan dahil hindi makakalusot sa baha at may mga tumirik at inanod ng baha. Nagdulot rin ang mga pagbaha ng pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Magugunita na ang bagyong Ondoy ay naminsala sa malaking bahagi ng bansa dahil sa idinulot na malakas na ulan na kumitil ng buhay ng 710 katao, 439 missing habang nasa P6.2 bilyon ang iniwang pinsala noong Setyembre 2009. (Daris Jose)
BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pamilyang lumikas sa Barangay Malanday Evacuation Center sa Valenzuela City dahil sa bahang idinulot ng habagat at bagyong Carina. Pinangunahan din ni PBBM ang pamamahagi ng suporta ng pamahalaan sa mga nasalanta.