INALERTO ng Office of Civil Defense (OCD) ang local government units (LGUs) sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Central Luzon na ihanda na ang kanilang earthquake at tsunami evacuation plans matapos ang serye ng lindol na nangyari sa karagatan ng Ilocos Sur sa nakalipas na araw.
Sa katunayan, nagpatawag ng agarang pagpupulong si OCD chief Undersecretary Ariel Nepomuceno at ipinag-utos sa mga regional director sa mga nasabing lugar na tiyakin ang kahandaan ng kanilang lokalidad para sa potensiyal na tsunami.
“Regional Directors 1, 2, and 3, please work closely and urgently with your partner [national government agencies] and LGUs, especially the [Department of the Interior and Local Government],” ang sinabi ni Nepomuceno.
“Check preparations for earthquakes, with a possible tsunami resulting from the movement of the Manila Trench. Delve into the details as discussed in the Inter-Agency Coordinating Cell meeting today. I understand that your areas are not as prepared as we desire, but we must remedy this situation now,” aniya pa rin.
Ito’y bunsod na rin aniya ng nagpapatuloy na pagyanig sa kanlurang bahagi ng Ilocos Sur, sinasabing nabawasan na ang pagyanig sa nasabing lugar subalit tinuran ni Nepomuceno na may pagkakataon pa para maging mahusay ang mahalagang earthquake preparedness.
Sa ulat, niyanig ng magnitude 5.3 na lindol ang karagatan sa kanluran ng Santa Catalina, Ilocos Sur, noong Disyembre 18 nang umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumama ito sa nasabing lugar ganap na alas-9:09 nang umaga.
Tectonic ang pinagmulan ng lindol na may lalim na 24 kilometro.
Sinabi ng Phivolcs na wala naman inaasahang pinsala na dulot ng lindol.
Gayunman, maaari anilang maranasan ang mga aftershock sa susunod na mga oras o araw.
Samantala, binigyang diin ng OCD ang agarang paghahanda ng komunidad.
“Double-check preparations and ‘reactions’ in case of a tsunami, assuming that warnings are effective. What can be done in 20 minutes by the vulnerable communities?” aniya pa rin.
“I know it’s challenging, especially since we have not yet achieved our ideal level of preparedness and with the holidays approaching. But please do your best despite the limitations,” dagdag na wika nito.
Nauna rito, nagpalabas naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng isang memorandum na inaatasan ang OCD Regional Offices I, II, at III na magsagawa ng ‘specific actions’ na may kinalaman sa local tsunami preparedness.
Tinintahan ni Director Cesar Idio, officer in charge ng Office of Civil Defense Deputy Administrator for Operations, nakabalangkas sa kautusan ang ilang mahalagang aksyon kabilang na ang pagda-draft ng tsunami evacuation plan. (Daris Jose)