BINETO (veto) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang isang batas na naglalayong ideklara ang Pampanga bilang “Culinary Capital of the Philippines.”
Sa isang liham sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na may petsang March 12, ipinaliwanag ni Pangulong Marcos na ang culinary contributions ng Pampanga ay malawak na kinikilala, at ang opisyal na pagkakatalaga rito bilang culinary capital ng bansa ay maaaring magparupok sa pagkakaiba-iba ng Philippine cuisine.
“It cannot be denied that Pampanga is celebrated for its diverse and flavorful dishes, traditional cooking methods, and a strong culture of food innovation,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang veto message.
“This is consistent with the policy of the government to conserve, promote, and popularize the nation’s historical and cultural heritage and resources, as well as artistic creations,” aniya pa rin.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na ang batas ay kapos sa historical basis at mahalagang performance indicators para bigyang katuwiran ang deklarasyon, babala na maaari itong makasakit sa ibang lalawigan na may kahalintulad na mayaman sa culinary traditions.
“I cannot ignore the concerns regarding the declaration’s lack of historical basis, the absence of a thorough study that shows key performance indicators for such designation, and the possibility that the bill may offend sensibilities in other provinces that are equally proud of their culinary contributions,” ang litaniya ni Pangulong Marcos.
Binigyang diin pa rin ng Chief Ececutive na ang Filipino cuisine ay sumasalamin sa ‘cultural at geographic diversity ng bansa, humubog sa naiibang culinary traditions ng mga rehiyon nito.
“Our regions contribute their indigenous dishes with certain recipes that are best done in the areas of origin of their ingredients. All our culinary variations reflect the rich cultural diversity of a group of people scattered among the Philippine islands,” ang tinuran ng Pangulo, binigyang diin ang kahalagahan ng pag-preserba sa nasabing pagkakaiba-iba.
Sa kabilang dako, kinumpirma naman ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na bineto ni Pangulong Marcos ang Senate Bill No. 2797 at House Bill No. 10634 na may titulong “An act declaring the province of Pampanga as the culinary capital of the Philippines.”
“Maganda kasi po ‘yung bill, pero magke-create ito ng discrimination,” ang sinabi ni Castro.
Ang batas, iniakda ng mga Pampanga lawmakers kabilang na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, naglalayong kilalanin culinary heritage ng Pampanga.
Noong nakaraang taon, inihain ng mga mambabatas mula Pampanga ang House Bill 10014 o panukala na ideklara ang Pampanga bilang “Culinary Capital of the Philippines.”
Pinangunahan ni dating Pangulo Arroyo ang paghahain ng panukala kasama sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., at Representatives Anna York Bondoc at Carmelo Lazatin II na layong palakasin ang gastronomic tourism ng lalawigan.
Malaking tulong din anila ito sa pagbibigay kabuhayan sa mga Kapampangan.
Kaya naman para makuha rin ang suporta ng mga kasamahang mambabatas ay nagkaroon ng food exposition sa Kamara upang ipakita ang cultural heritage ng Kapampangan food at ang ambag nito sa national culinary identity ng Pilipinas.
Ilan sa mga ibinadang pagkain ang sisig, kilayin (kilawin), bistig baka, lagat puso, morcon, at iba pa. (Daris Jose)