• September 2, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for the ‘Home Top Left Box Outline’ Category

4 huli sa droga at sugal sa Valenzuela

Posted on: January 31st, 2024 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO ang apat katao matapos maaktuhan nagsusugal at masita sa paglabag sa ordinansa kung saan dalawa sa kanila ang nakuhanan ng ilegal na droga sa Valenzuela City.

 

 

Sa report ni PCpl Pamela Joy Catalla kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., nakatanggap ng tawag sa telepono ang Police Sub-Station 4 hinggil sa nagaganap na illegal gambling activity sa Dulong Tangke, Brgy. Malinta kaya agad inatasan ni SS4 Commander P/Cpt. Doddie Aguirre kanyang mga tauhan na puntahan ang nasabing lugar.

 

 

Pagdating ng mga pulis sa lugar dakong alas-5:45 ng umaga, naaktuhan nila sina alyas “Renato”, 52, ng Brgy. Paladan, alyas “Marlon”, 50, at alyas “Marvin”, 39, kapwa ng Brgy. Malinta, na naglalaro ng ilegal na sugal na cara y cruz na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.

 

 

Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong peso coins na gamit bilang “Pangara”, tatlong P100 bills habang nakuha kay Renato ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,720.

 

 

Bandang alas-3 naman ng hapon, nagpapatrolya ang mga tauhan din ng SS4 sa pangunguna ni PSMS Roberto Santillan, kasama ang Barangay Ex-O na si Mark Guerreo ng Brgy. Malinta sa Pinalagad Street nang matiyempuhan nila si alyas “Tonio”, 38, ng Brgy. Malanday, na naninigarilyo sa ipinagbabawal na lugar na malinaw na paglabag sa umiiral na ordinansa ng lungsod.

 

 

Nilapitan siya ni PSMS Santillan at nang hanapan ng kanyang identification para isyuhan ng Ordinance Violation Receipt (OVR) ay biglang tinapon ng suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu subalit, nakita ito ni Ex-O Guerrero na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

 

 

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sina Renato at Tonio habang paglabag naman sa Anti Gambling Law kakaharapin nina Marlon at Marvin. (Richard Mesa)

PBBM, hindi kasama at hindi kailanman nakasama sa drug watch list- PDEA

Posted on: January 30th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MARIING itinanggi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa watchlist nito para sa mga taong sangkot sa illegal drug use kontra sa akusasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

 

 

“Based on all the foregoing facts, the PDEA asserts that President Marcos Jr. is not and was never in its watchlist,” ayon sa kalatas ng PDEA.

 

 

Hayagang sinasalungat ang pahayag ng dating Pangulo na ipinakita nila rito ang pangalan ni Marcos Jr. sa sinasabing drug list.

 

 

Ayon kay Duterte ang di umano’y ebidensiya ay ipinakita sa kanya noong siya ay Mayor pa lamang ng Davao.

 

 

Base sa records, binuhay ang PDEA noong Hulyo 30, 2002 nang itatag nito ang National Drug Information System (NDIS), nagsilbi bilang intelligence database ng lahat ng drug personalities na responsable sa pangangalap ng inputs mula sa law enforcement at intelligence counterparts.

 

 

Binigyang diin ng PDEA na hindi kailanman nakasama ang pangalan ni Pangulong Marcos sa NDIS simula nang matatag ito noong 2002 at hanggang sa kasalukuyan, binigyang-diin din na hindi kasama ang Pangulo (Marcos) sa listahan nito sa mga drug personalities kahit pa noong panahon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

 

 

“It is worthwhile to note that, when the former President took over in 2016, his administration came out with a list, which was then initially called the ‘narco-list, sometimes referred to as the Duterte list, and upon continuing validation and re-validation, it became the Inter-Agency Drug Information Database, or IDI,” ayon sa PDEA.

 

 

“The name of President Marcos is also not in the said list,” ayon sa PDEA. (Daris Jose)

PBBM, target na makapagpatayo ng karagdagang 179 specialty centers bago matapos ang termino

Posted on: January 25th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

TARGET ng gobyerno ng Marcos na makapagpatayo ng karagdagang 179 medical specialty centers bago matapos ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

 

 

Sa nasabing bilang, 7 rito ay ilalaan para sa lung care centers sa pamamagitan ng Regional Specialty Center Act.

 

 

“By 2028, we aim to establish an additional 179 specialty centers, seven of which are dedicated as  lung care centers,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati sa paglulunsad ng kauna-unahang human lung transplant ng Lung Center of the Philippines (LCP) at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).

 

 

Winika ng Pangulo na nakapagtayo na ang gobyerno ng 131 functional specialty centers sa buong bansa, kung saan ay 9 ang itinalaga bilang lung specialty centers na naglalayong dalhin ang “lung care” malapit sa mga Filipino partikular na sa rural areas.

 

 

Upang iangat ang pamumuhay ng Filipino healthcare workers at palakasin ang kanilang kaalaman at kasanayan, patuloy na magsasagawa ang gobyerno ng pagsasanay para sa mga doktor sa pamamagitan ng “Doctors to the Barrios Program” lalo pa’t “their development is critical to the realization of universal healthcare”.

 

 

Kapwa naman ipinatutupad ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Health (DOH) ang pinalawak na nursing education program na naglalayong tugunan ang kakapusan ng mga nurse habang tinitiyak naman ang kanilang “future supply.

 

 

Sa naging talumpati ng Pangulo sa nasabing paglulunsad, pinuri ng Punong Ehekutibo ang mga healthcare workers para sa kanilang hindi matatawarang commitment sa healthcare system, ang mga mamamayang Filipino at sa bansa lalo na noong mga panahon ng pagsubok nang bigwasan ng COVID-19 pandemic ang bansa.

 

 

“Nais naming ipaabot ang aming taus-pusong pasasalamat dahil sa inyong katapangan, your gallant acts do not fade with time, then gratitude has no expiry date either,” ayon kay Pangulong Marcos.

 

 

Samantala, si Pangulong Marcos ang panauhing pandangal sa isinagawang paglulunsad ng LCP at NKTI lung transplant program sa Quezon City, araw ng Martes kung saan pinangunahan din niya ang ribbon cutting ceremony at binisita ang photo exhibit ng event na nagpapakita ng “milestone” ng LCP.   (Daris Jose)

ICC, walang hurisdiksyon sa Pinas; hindi makikipagtulungan sa imbestigasyon sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon- PBBM

Posted on: January 24th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MULING iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas at hndi rin makikipagtulungan ang kanyang gobyerno sa imbestigasyon ng ICC sa “war on drugs” ng nakalipas na administrasyon.

 

 

Hiningan kasi ng paglilinaw ang Pangulo sa napaulat na nasa Pilipinas ang mga kinatawan ng ICC at kung pinayagan ng gobyerno na makapasok ang mga ito sa bansa at kung makikipagtulungan ang pamahalaan sa imbestigasyon ng ICC ukol sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

 

 

“Let me say this for the 100th time. I do not recognize the jurisdiction of ICC in the Philippines. I do not, I consider it as a threat to our sovereignty. The Philippine government will not lift a finger to help any investigation that the ICC conducts,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang media interview kasunod ng isang event sa Quezon City.

 

 

“However, as ordinary people, they can come and visit the Philippines pero hindi kami tutulong sa kanila. In fact, binabantayan namin sila, making sure that hindi sila— that they do not come into contact with any agency of government,” dagdag na wika nito.

 

 

At kung ang ICC ay kumokontak sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng police personnel at local government, sinabi ng Pangulo na inatasan niya ang mga ito na huwag makipagtulungan sa mga kinatawan ng international body.

 

 

“Huwag niyong sasagutin, ‘yun ang sagot natin. That we don’t recognize your jurisdiction, therefore, we will not assist in any way, shape or form, any of the investigations ICC is doing here in the Philippines,” ayon sa Punong Ehekutibo.

 

 

Matatandaang, pinahintulutan ng International Criminal Court ang hiling ng Prosekusyon na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa madugong drug war sa bansa.

 

 

Ayon sa pahayag na inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber noong January 26, 2023 sinabi ng korte na hindi sila kumbinsido na seryoso ang gobyerno ng Pilipinas na imbestigahan ang mga patayang naganap sa “war on drugs”.

 

 

Napaulat naman na nagsagawa ng pagsusuri sa giyera kontra sa droga ang Department of Justice sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at sa pamumuno ng noo’y justice secretary at ngayo’y solicitor general, Menardo Guevarra.

 

 

Hiniling din noon ng gobyerno na itigil na ng ICC ang imbestigasyon dahil may kakayahan naman daw itong magsagawa ng sariling pagsisiyasat at pagsasampa ng kaso.

 

 

Dahil dito, pansamantalang ipinahinto ng ICC ang kanilang imbestigasyon noong Nobyembre 2021 subalit ayon sa ICC- matapos nilang suriin ang mga ebidensya mula sa Philippine Government, ICC Prosecutor at obserbasyon ng mga biktima- hindi sapat at hindi kongkreto ang mga ginawa ng gobyerno ng Pilipinas kaya ipinag-utos nila ang muling paggulong ng imbestigasyon. (Daris Jose)

Travel advisory ng Canada sa PInas, hindi makaaapekto sa security landscape ng Pinas -Año

Posted on: January 20th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

HINDI makaaapekto sa tunay na security situation sa ground ng Pilipinas ang travel advisory ng Canada laban sa bansa.

 

 

Sa isang kalatas, sinabi ni National Security Adviser at National Security Council (NSC) chair Eduardo Año na ang pag-assess sa security landscape ay isang “ongoing process”, winika nito na patuloy ang ginagawang pagsisikap na matugunan ang mga hamon na maaaring umusbong.

 

 

“While we appreciate their concern for the safety and security of Canadian citizens, we wish to express our disagreement with the basis and scope of the advisory,” ayon kay Año.

 

 

Sa ulat, nito lamang Enero 10 ay nagpalabas ng travel advisory ang Canada laban sa Pilipinas dahil na rin sa pangamba hinggil sa krimen, terorismo, civil unrest, at kidnapping sa ilang partikular na lalawigan lalo na sa Mindanao.

 

 

Pinayuhan ng gobyerno ng Canada ang mamamayan nito na iwasang bumiyahe sa mga lalawigan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Maguindanao, Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Cotabato, Sarangani, South Cotabato, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay at Sultan Kudarat.

 

 

Pinayuhan din nito ang “avoid non-essential travel” sa Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte (hindi kasama ang Siargao Island), Surigao del Sur, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur ( hindi kasama ang Davao City), Davao Occidental at Davao Oriental.

 

 

Binigyang diin ni Año na ang peace situation sa Pilipinas lalo na sa Mindanao, ay “greatly improved”, patunay rito ang ranking ng Pilipinas sa Global Terrorism Index — mula sa pagiging kasama sa “top 10 countries” na apektadong ng terorsimo may ilang taon na ang nakalipas ay naging rank 18 noong nakaraang taon.

 

 

Pumuwesto rin ang Pilipinas sa pang-115 sa Global Peace Index noong 2023, nakapagtala ng 6 na puntos para sa positive change.

 

 

Tinuran pa ni Año na nagpatupad ang Pilipinas ng komprehensibong hakbang at pamamaraan para palakasin ang kapayapaan at seguridad sa Mindanao.

 

 

Giit pa nito, walang humpay ang pamahalaan sa paglutas sa ugat na dahilan ng karahasan at rebelyon kasama ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nilikha sa ilalim ng Bangsamoro Organic Act.

 

 

Sa kabilang dako, sinabi ni Año na Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-anunsyo na wala ng aktibong Communist Party of the Philippines-New People’s Army guerrilla fronts sa Mindanao bunsod na rin ng na- neutralize na ng puwersa ng pamahalaan ang 1,399 komunista at local terrorist members sa buong bansa.

 

 

Tinuran pa nito na isa sa mga suspek noong Dec. 3, 2023 bombing sa Mindanao State University gymnasium ay naaresto na.

 

 

“We invite representatives from the Canadian government to engage in a constructive dialogue with the Philippine authorities to better understand the context and nuances of the security situation. Such discussions will help ensure that travel advisories accurately reflect the current conditions in the Philippines,” dagdag na pahayag ni Año. (Daris Jose)

Kelot na nangholdap at nambugbog sa babaeng Chinese national sa Valenzuela, timbog

Posted on: January 19th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NASAKOTE ng pulisya ang isang lalaki sa pambubugbog at panghoholdap sa isang babaeng Chinese national at ang kapatid nito hinihinalang kasabwat sa krimen sa Valenzuela City.

 

 

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., ang aarestong mga suspek na si alyas “Dannyper”, 33, at kapatid nitong si alyas “John Paul”, 24, kapwa ng P. Jacinto St., Brgy., Bagbaguin, Caloocan City.

 

 

Sa ulat ng pulisya, alas-4:16 ng umaga ng Enero 13, nang pasukin ng isang lalaki ang fastfood na pagmamay-ari ng biktimang si alyas “Tin”, 37, Chinese national sa Maysan Rd., Brgy. Maysan saka tinutukan umano ng baril ang biktima sabay hinihingi ang bag na may lamang pera.

 

 

Tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang bag at nagsisigaw ito na humingi ng tulong kaya pumasok na si Dannyper at pinagtulungang bugbugin ang ginang na nagtamo ng mga sugat sa mukha at ikinabali ng ilong nito.

 

 

Nagawang buksan ng mga suspek ang drawer ng restoran at nakuha ang perang nagkakahalaga ng P300,000 saka mabilis na tumakas sakay ng isang itim na Honda Click na walang plate number.

 

 

Nang makita naman ng tagaluto ang insidente, kaagad itong umakyat sa ikalawang palapag ng restoran at pinaalam sa asawa ng biktima ang pangyayari kaya agad silang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 9 na mabalis namang nagsagawa ng follow-up operation subalit, nabigo sila na mahanap ang mga suspek.

 

 

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nakita sa cctv footage noong Enero 10, tatlong araw bago ang krimen, nagpanggap na kostumer ang mga suspek at umorder ng pagkain sa naturang fastfood sakay ng isang malaking red orange na motorsiklo.

 

 

Isang Focus Investigation Team (FIT) ang binuo ni Col. Destura Jr na kinabibilangan ng Station Intelligence Section (SIS), Station Investigation Unit (SIU), at Detective Management Unit (DMU) para tugisin ang mga suspek hanggang sa maispatan ng pulisya sa Lawang Bato ang motorsiklong ginamit ng mga salarin bago pasukin ang fastfood restaurant.

 

 

Nang parahin nila ang nasabing motor ay humarurot ito para tumakas kaya hinabol sila ng mga parak hanggang sa makorner at maaresto ang magkapatid kung saan nakuha kay John Paul ang isang kutsilyong de-tiklop habang nakumpiska naman kay Dannyper ang kalibre .38 baril na may apat na bala.

 

 

Positibo namang kinilala ng biktima si Dannyper na isa sa mga nangholdap at bumugbog sa kanya matapos ipakita ang larawan nito.

 

 

Samantala, napag-alaman ng pulisya na ang lalaking kasama umano ni Dannyper sa panghoholdap ay isang nagngangalang “Edison Dawal”, kilala rin bilang “Ricky”, ng Northville 5, Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan.

 

 

Ani PLt Armando Delima, isa pang kinokonsidera nilang suspek ang alyas “Sonny kalbo”, dating drayber ng pamilya ng biktima, na umano’y nagbigay ng mga detalye sa mga suspek ukol sa pang-araw-araw na buhay ng pamilya.

 

 

Nahaharap sa kasong Robbery with Sserious Physical Injuries at Illegal Possession of Firearms and Ammunition si Dannyper habang paglabag naman sa Article 151 at Illegal possession of Bladed Weapon ang kakaharapin ni John Paul. (Richard Mesa)

Promodiser, 1 pa laglag sa Caloocan drug bust, P2.5M shabu nasamsam

Posted on: January 18th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa mahigit P2.5 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa dalawang tulak ng ilegal na droga na kabilang sa mga high value individual (HVI) matapos matimbog sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

 

 

Kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga suspek na sina alyas “Adrian” 32, promodiser ng malaking supermarket at residente ng Phase 9 Package 7 Bagong Silang, Brgy. 176 at alyas “Anthony Kulot”, 42. ng Gaya-Gaya Heroes Village, Bulacan.

 

 

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na ikinasa ng mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Emmanuel Aldana ang buy bust operation kontra sa dalawa matapos magpositibo sa isinagawa nilang validation ang impormasyong ibinulgar sa kanila ng isang Regular Confidential Informant (RCI) hinggil sa illegal drug activities ng mga suspek.

 

 

Dakong alas-12:44 ng madaling araw nang dambahin ng mga operatiba ang dalawa matapos tanggapin ang P29,000.00 boodle money na may kasamang isang tunay na P1,000 na marked money bilang buy-bust money kapalit ng ibinentang shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa Robes 1, Brgy., 175 Camarin.

 

 

Ani Col. Lacuesta, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 375.6 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,554,080.00, buy bust money at isang paper bag.

 

 

Pinuri naman ni Gen. Gapas ang Caloocan police sa pamumuno ni Col. Lacuesta sa kanilang pagsisikap para tuguisin ang mga taong sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga.

 

 

Kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article II ng R.A. 9165  o ang Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 ang isasampa ng pulisya kontra sa mga suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)

PBBM, itinalaga si Diokno bilang miyembro ng Monetary Board

Posted on: January 16th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAGBABALIK si dating Finance Secretary Benjamin Diokno sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang miyembro ng Monetary Board.

 

 

Pinalitan ni dating Deputy Speaker Ralph Recto si Diokno bilang Kalihim ng Department of Finance (DoF).

 

 

Nauna rito, pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Diokno para sa “excellent performance” nito sa departamento.

 

 

“We cannot finish this event here this afternoon without a very heartfelt and warm wishes and gratitude to Secretary Ben Diokno for the services that he has given to the Department of Finance in his time as Department of Finance [Secretary],” ayon kay Pangulong Marcos.

 

 

Inalala naman ni Pangulong Marcos ang panahon na hiniling niya kay Diokno, noon ay dating gobernador ng BSP na mag-take over sa DOF upang sumulong ang ekonomiya at ilagay ang lahat ng polisiya sa “right track” sa gitna ng COVID-19 pandemic.

 

 

“Being one of our country’s pillars of economic management, we shall continue to rely on your expertise and exuberance as a member now of the Monetary Board [of the BSP]. Maraming, maraming salamat from a grateful nation, Secretary Ben Diokno,” ayon sa Punong Ehekutibo.

 

 

Nauna nang hiniling ng Pangulo kay Diokno na sumama sa Maharlika Investment Fund at sa management nito, subalit nakiusap si Diokno, sabay sabing “not what he feels is a specialty of his.”

 

 

Inalok din sa kanya na umanib sa Monetary Board.

 

 

“Once again, I cannot thank Secretary Ben Diokno enough for setting the economy onto the right path. He has guided us, he has put the essentials into place, he has made the structural changes that we need,” ayon pa rin sa Chief Executive.

 

 

“And therefore, he has – these economic figures, the results that we are getting a lot of that can certainly be attributable to the work that he did as Department of Finance Secretary,” dagdag na wika nito.

 

 

Samantala, sumama si Diokno sa BSP Monetary Board, pinalitan nito si Peter Favilla kung saan nagtapos ang termino noong Hulyo 2, 2023.

 

 

Bago pa ang kanyang posisyon sa BSP, nagslbi si Diokno bilang BSP Governor mula Marso 5, 2019 hanggang Hunyo 30, 2022 at dating Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM). (Daris Jose)

Harassment ng Tsina sa Pinas, concern sa Europa- German FM Baerbock

Posted on: January 13th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni German Foreign Minister Annalena Baerbock na itinuturing ng Europa na isang malaking “concern” ang mapanganib na pagmamaniobra ng Tsina sa Philippine vessels sa South China Sea.

 

 

Para kay Baerbock, ang ginawa ng Tsina ay malinaw na paglabag sa international laws at balakid sa freedom of navigation.

 

 

“I think we all agree that the world doesn’t need another crisis,” ani Baerbock.

 

 

“There are rough winds blowing across the South China Sea, and this is happening in the middle of one of most dynamic economic regions of the world,” aniya pa rin.

 

 

Ang insidente aniya sa mga nakalipas na buwan kung saan ginamitan ng Chinese Coast Guard ng lasers at water cannons ang Philippine resupply vessels at collision incidents ay “of concern for us in Europe even though we are thousands of kilometers away.”

 

 

“Such risky maneuvers violate the rights opportunities for economic development of your own country and other littoral states as well,” aniya pa rin sabay sabing ang naging aksyon ng Tsina ay “call into question the freedom of navigation that is enshrined in international law.”

 

 

Kasalukuyang nasa bansa si Baerbockis para sa official visit kung saan nakapulong nito sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ang kanyang counterpart na si  Foreign Affairs Enrique Manalo sa Palasyo ng Malakanyang.

 

 

Ang naging pagbisita ni Baerbockis ay marka ng unang pagbisita ng German Federal Foreign Minister to the Philippines sa nakalipas na dekada.

 

 

Samantala, mahalagang tinalakay naman nina Pangulong Marcos, Baerbockis at Manalo ang “political at economic relations, na nakatuon sa peace initiatives at development cooperation ng Germany sa Pilipinas at ang commitment ng dalawang bansa sa rules-based international order sa gitna ng tumataas na tensiyon sa South China Sea. (Daris Jose)

DILG, magsasagawa ng “quarterly recognition” sa gagawing pagpapatupad ng LGUs sa Kalinisan Program ni PBBM

Posted on: January 9th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

MAGSASAGAWA ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng quarterly recognition sa mga Local Government Units (LGUs) na episyenteng ipatutupad ang Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan (KALINISAN) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

 

 

Matagumpay na inilunsad kasi ang KALINISAN program, araw ng Sabado sa pamamagitan ng isang national simultaneous clean-up drive sa Baseco Compound sa Maynila, nataon naman sa pagdiriwang ng taunang Community Development Day.

 

 

Sa kanyang naging mensahe, sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos na titiyakin nila na imo-monitor mabuti ang pagganap ng 42,000 barangay sa iba’t ibang lugar sa bansa.

 

 

“Sa DILG, imo-monitor namin ang performance ng bawat barangay on a monthly basis, and quarterly basis magkakaroon ng awarding ito…Tututukan talaga namin ito,” ayon sa Kalihim.

 

 

Aniya, pinapayagan ng programa ang mga Filipino na ipakita ang kanilang “spirit of volunteerism” habang tinitiyak naman ang ligtas at malusog na komunidad.

 

 

Hinikayat din nito ang lahat ng local chief executives na ipasa ang kani-kanilang mga ordinansa kung saan ire-require ang community service sa mga indibidwal na mahuhuling magtatapon ng basura.

 

 

Umaasa naman si Abalos na mas maraming Filipino ang magkakaroon ng disiplina na mas maging responsable sa pagtatapon ng kanilang kalat o basura.

 

 

“Sana ma-achieve natin na hindi na kailangan mahuli, dapat may disiplina. Dapat may disiplina ang bawat isa na hindi ka na sitahin,” ayon kay Abalos.

 

 

Samantala, nakiisa naman ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at LGUs sa buong mundo sa sabay-sabay na clean-up drive ng gobyerno. (Daris Jose)