“‘PRE pasensya kana, kinausap naman kita ng matino eh, ‘di mo kasi ibinigay…hindi sana mangyayari yun, ayaw mo kasi maniwala sakin eh.. kala mo nagbibiro ako.”
Ito ang mensahe ng suspek sa kanyang biktimang “pares mami” vendor matapos na masakote sa isinagawang follow up operation ng Manila Police District PS 5 kagabi sa Baseco, Port Area, Maynila.
Dahil sa nasabing mensahe at “piece of advice” na binitawan ng suspek na si Alexander Ogdamina, alyas Kalbo, 36-anyos, residente ng Gasangan, Baseco Compound, sa Port Area, ay kaliwa’t kanang pagbatikos ang natanggap niya ngayon sa social media.
Bukod pa rito, kumpiyansa pang pinayuhan ng suspek ang publiko kung ano ang gagawin kapag may nagtangkang mangholdap sa kanila.
“Kayong mga nakakarinig ng holdap, ibibigay niyo para ‘di kayo madisgrasya kasi kapag sinabing ituutuloy, itutuloy nila ‘yan para hindi kayo madisgrasya. Kapag naholdap kayo, ibigay niyo nalang para hindi na kayo mabaril,” ayon pa sa akala mong concern na suspek.
“Huwag pagsayangin ang buhay sa pera dahil pera lang yon,” dagdag pa ni Ogdamina.
Ayon pa sa suspek, ayaw aniyang ibigay ng biktimang si Samson Bautista ang kanyang sling bag kahit pa nakikiusap na ito kaya nagawa niyang barilin ang biktima.
Saad ni Ogdamina, kanya nang nagamit ang lahat ng pera na nanakaw sa pares vendor, at inamin ding lulong sa iligal na droga.
Itinangi naman ng suspek na gumamit siya ng iligal na droga nang mangyari ang insidente ngunit aminado siyang nakainom.
Aminado naman ang suspek na magsisi man siya ay nangyari na ang lahat kaya paninindigan na lamang aniya ang ginawa niya sa biktima.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong robbery hold-up with frustrated murder at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ).
Narekober sa suspek ang ginamit na baril sa biktima na magnum 357 at mga live magnum ammunitions.
Sa ngayon ay nanatiling nakaratay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang leeg kung saan napinsala ang kanyang cervical 6 at 7 na bahagi o nakakonekta sa spinal cord kaya posible umano itong ma-paralyze.
Matataandaan na Martes ng madaling araw ang harangin ng suspek ang biktima at kaibigan nito habang sakay ng kanilang mami food cart kung saan nagdeklara ng holdap at nang hindi ibigay ng biktima ang kanyang sling bag ay saka ito binaril sa leeg bago tuluyang tinangay ang bag ng biktima na naglalaman ng maghapong kinita sa pagtitinda.
(Gene Adsuara)