• November 7, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 24th, 2020

Pagpapasara sa ilang tindahan ng face mask sa Maynila, ipinag-utos ni Yorme

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pagpapasara sa apat na tindahan ng face mask dahil sa overpricing.

 

Kabilang ang mga tindahan na pinasasara ang Ambitrend Trading, Cloud 7 Store, Cathay Oriental Chinese Store at LVD Chinese Drug Store na nasa isang mall sa Divisoria.

 

Matatandaang sinalakay noong Enero 31 ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang nasabing mga tindahan dahil sa mataas na presyo ng mask.

 

Bukod sa nasabing mga tindahan, sinabi ni Bureau of Permit Chief Levi Facundo na may ilan pang nakatakdang ipasara dahil din sa nasabing paglabag.

 

Kabilang dito ang MEC Medical Supply, New Genesis Medical Supplies, Medical shop at Citimed Polyclinic & Drugstore na napadalhan na ng show cause order.

 

Ayon kay Facundo, sumagot na ang nabanggit na mga tindahan sa show cause gayunman hinihintay pa ang magiging rekomendasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) hinggil dito. (Gene Adsuara)

South Korea, No. 2 sa COVID-19

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Umakyat na sa 156 ang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus (COVID-19) sa South Korea.

 

Nadagdagan pa ng 52 ang kumpirmadong kaso ng virus, ayon sa naitalang record nila.

 

Bunsod nito, ang South Korea ang itinuturing na pinakagrabeng tinamaan ng virus sa labas ng China.

 

Iniuugnay ang patuloy na pagtaas ng bilang ng COVID-19 infected sa mga pagtitipon ng Shincheonji Church of Jesus sa southern city ng Daegu.

 

Mahigit 80 miyembro na ng Shincheonji ang infected, na nagmula sa isang 61-anyos na babae na nagkaroon ng lagnat noong Pebrero 10.

 

Nangangamba si Daegu Mayor Seo Dong-min na sa dami ng kumpirmadong kaso sa kanila ay maging ikalawang Wuhan na sila, na siyang sentro ng virus outbreak sa China.

 

Pinayuhan niya ang mga residente na laging magsuot ng face mask kapag lalabas ng bahay.

Gomez, Racasa pararangalan ng PSA

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

PARARANGALAN sina Grandmaster John Paul Gomez at Antonella Berthe Racasa sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards Night sa Centennial Hall ng Manila Hotel sa Marso 6.

 

Naging matikas kasi sa larangan ng chess sina Gomez at Racasa sa katatapos lang na taong 2019 kaya swak sila sa okasyong magsisimula sa alas-6:00 nang gabi.

 

Pasok ang 13-taong-gulang na si Racasa sa Antonio Siddayao awards habang sa Citation si Olympian Gomez sa event na mga suportado ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, Rain or Shine at AirAsia.

 

Makikipagpigaan pa ng kukote para sa national team si Gomez sa World Chess Olympiad sa Khanty-Mansiysk, Russia sa darating na Agosto 5 hanggnag 18.

 

Bago tumanggap ng award ang Pinay woodpusher na si Racasa, kakampanya rin muna siya sa University of the Philippines-Alpha Phi Omega-Patinikan Invitational Chess Tournament ngayon Pebrero 24 sa UP Diliman Campus sa Quezon City.

 

Kakakampeon lang ng grade six sa VCIS-Home School Global sa 2020 National Age Group Chess Championships-Visayas Leg (Under 14 Girls) sa Cebu City nakaraang buwan. Isa sa tampok na bibigyan din ng parangal si Philippine Sports Commission C Chairman William ‘Butch’ Ramirez, na Executive of the Year matapos ang matagumpay na kampanya ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games PH 2019.

 

Siya ang chef-de-mission nang madale ng ‘Pinas ang overall championship sa nasabing 11-nation, 12-day biennial meet noong noong Disyembre. (REC)

Millennials, pinakamalungkot na henerasyon – survey

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

LUMABAS sa pag-aaral na ang mga millennial ang “loneliest generation”.

 

Batay ito sa London-based international research data at analytics group.Lumabas sa isinagawang survey ng University of Pennsylvania sa 1,254 US adults, na 30 porsiyento ng mga millennial ang madalas na makaramdam ng kalungkutan o pakiramdam na nag-iisa kumpara sa mga “Generation X” na 20% at “BabyBoomers” na 15 porsiyento.
Ang youngest group, na nasa edad 18-22, ang naiulat na mas nakararamdam ng kalungkutan kumpara sa masmatandang henerasyon kabilang na ang may edad 72.

 

Nadiskubre rin na nakaaapekto sa well-being ng isang tao ang social media dahil hindi na kinakailangan pang lumabasat makipagkonekta sa ibang tao.

 

Masama umano ang kalungkutan na ito sa kalusugan na nakapagpapataas ng antas ng stress hormones at inflammation,na maaaring mauwi sa heart disease, arthritis, type two diabetes at dementia.

 

Kaya ang pagbawas daw sa paggamit ng social media ay nakakababa ng nararamdamang depresyon at loneliness.
“Here is the bottom line: Using less social media than you normally would leads to significant decreases in bothdepression and loneliness,” sabi ng isa sa may-akda ng pag-aaral na si Melissa Hunt sa YouGov.

 

Karamihan naman o 70 porsiyento ng mga millennial ang nagsabing mayroon silang at least isang best friend habang 49% ang may isa o apat na malapit na kaibigan.

Ex-DoH Sec. Garin, 9 iba pa pinakakasuhan

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

Pinasasampahan na ng Department of Justice (DoJ) panel ng patong-patong na kaso sina dating Health Sec. Janet Garin at siyam na iba pa kaugnay ng ikalawang batch ng Dengvaxia case.

 

Sa 78 pahinang resolusyon na inilabas noong Pebrero 19, 2020, kasama sa mga pinasasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide sa korte ang mga opisyal ng Food and Drug Administration (FDA), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Sanofi Pasteur, Inc. (Sanofi)

 

Nakitaan din ng panel ng sapat na basehan para sampahan ng kaso ang presidente ng Sanofi Pasteur, Inc. dahil sa paglabag sa Consumer Act of the Philippines.

 

Kasunod ito ng pag-manufacture ng Dengvaxia vaccine na sinasabing nagtataglay ng ilang panganib kapag naturukan ang mga indibidwal na hindi pa nagkaka-dengue disease.

 

Lumalabas din sa imbestigasyon ng panel na ang clinical trials ng Dengvaxia vaccine ay hindi pa nakumpleto para sa mass immunization program noong bilhin ito at ipatupad ng pamahalaan.

 

Sa kabila raw ng nagpapatuloy pa noon na clinical trials sa naturang bakuna ay inaprubahan daw ng FDA ang registration ng bakuna.

 

Sinabi pa ng panel na naging pabaya si Garin at iba pang mga respondent sa pagpapatupad ng immunization program ng pamahalaan.

 

Bigo raw ang mga respondent na abisuhan ang mga Dengvaxia recipients at kanilang mga magulang maging ang kanilang pamilya sa magiging panganib o peligro ng naturang bakuna.

 

Nag-ugat ang kaso sa pagkamatay ng walong batang umano’y naturukan ng Dengvaxia na nasa ilalim ng ikalawang batch ng Dengvaxia case na inihain ng Public Attorneys Office (PAO) sa DoJ.

Bentahe ang teritoryo: Brandon Vera, idedepensa ang titulo sa

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG idepensa ni Filipino-American mixed martial arts fighter Brandon Vera ang kaniyang ONE heavyweight world title laban kay Canadian athlete Arjan Singh Bhullar na gaganapin sa Mayo 29 sa Mall of Asia Arena.

 

Si Vera ang babandera sa “ONE Infinity 2” kung saan kasama niya si ONE World lightweight champion Christian Lee, na haharap naman sa undefeated Italian MMA fighter na si Iuri Lapicus.

 

Huling lumaban ito sa noong Nobyembre 2018 nang patumbahin niya si Mauro Cerilli sa unang round para mapanatili ang kanyang titulo.

 

Matapos ang apat na buwan ay natikman nito ang unang pagkatalo sa ikalawang round sa kamay ni two-division champion Aung La N Sang sa light heavyweight title na ginanap sa Tokyo, Japan.

‘The Apprentice’ sa ONE, inilunsad; Closed-door fight, kasado na

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

INILUNSAD ng ONE Championship, nangungunang MMA promotion sa Asya, ang ‘The Apprentice: ONE Championship Edition’.

 

Sa basbas ng MGM Television, itatampok sa ‘The Apprentice’ ang 16 na kalahok na sasabak sa ‘high-stakes game of business competitions and physical challenges’ kung saan naghihintay ang US$250,000 job offer sa ilalim ng opisina ni Chatri Sityodtong sa ONE Championship Global Headquarters sa Singapore.

 

Kabuuang 12 top CEOs (1 CEO per episode) sa Asya ang tatayong hurado kasama ni Sityodtong. Nakatuon ang kompetisyon sa pamamaraan ng mga kalahok na makaagapay sa iba’t ibang isyu sa negosyo, habang ang katatagan ng kanilang pangangatawan ay masusukat ng mga piling World Champion ng ONE.

 

“I am thrilled to announce ‘The Apprentice: ONE Championship Edition’ as our biggest foray into the non-scripted series genre. This brand new concept brings a completely unique and original dimension to ‘The Apprentice’ with the high-stakes drama of real-life business competitions, coupled with herculean physical challenges, featuring some of Asia’s top CEOs, the world’s greatest martial arts world champions, and A-list celebrities from across the continent. In combining our respective IP and assets, ONE Championship will redefine the non-scripted genre in Asia across scale and scope. ‘The Apprentice: ONE Championship Edition’ just might be the toughest in the history of all Apprentice shows!” pahayag ni Sityodtong, Chairman at CEO ng ONE Championship.

 

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.onefc.com, gayundin ang Twitter and Instagram @ONEChampionship, at Facebook https://www.facebook.com/ONEChampionship.

 

Una na ring nagbigay ng pahayag ang pamunuan ng ONE Championship na gawing isang “closed -door” event ang labanan na magaganap na ONE: KING OF THE JUNGLE, na nakatakda sa darating na Pebrero 28 na gaganapin sa Singapore Indoor Stadium.

 

Sa kanyang social media account, sinabi ni Sityodtong na tuloy ang laban ngunit isasara naman ang nasabing venue sa mga manonood at maging sa media sanhi na rin ng lumalaganap na sitwasyon sa Singapore sanhi ng kumakalat na virus na Novel Coronavirus o COVID-19.

 

Naglabas ng pinal na desisyon ang mga organizers base sa inilabas ng Ministry of Health ng Singapore na umabot na sa 75 ang kumpirmadong tinamaan ng coronavirus.

 

Ibabalik ng buo sa mga tagasubaybay na nakabili na ng ticket ang kanilang binayad sa pamamagitan ng Sportshub Tix, na siyang opisyal na kapartner ng ONE pagdating sa pagbebenta ng mga tiket nito sa Singapore.

 

Ang mga laro ay ay itutuloy at mapapanood pa rin naman ng live sa telebisyon at iba pang mga mga “digital platform” gayundin sa ONE Super App.

 

Ang event na ONE: KING OF THE JUNGLE ay magkakaroon ng dalawang bahagi kung saan ONE World Champion na si Stamp Fairtex ng Thailand ay dedepensahan ang kanyang titulo na ONE Atomweight Kickboxing World Title kontra kay Janet “J.T.” Todd ng Estados Unidos.

 

Sa isa pang main-event ang reigning ONE Strawweight Kickboxing World Champion na si Sam-A Gaiyanghadao ng Thailand ay sasabak naman kontra kay Lachlan “Rocky” Ogden ng Australia para sa ONE Strawweight Muay Thai World Title.

 

Ang pambato naman ng Singapore na dating ONE World Title challenger na si Amir Khan, ay sasamahan naman ng kanyang mga kakampi na sina Tiffany “No Chill” Teo at Radeem Rahman gayundin sina Troy Worthen at Ritu “The Indian Tigress” Phogat na pawang mga taga Singapore din ang asamang mapapanood sa labanan.

Pagsusulong na maisabatas ang Divorce Law, ikinadismaya ng CBCP

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

DISMAYADO ang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) sa pagsusulong ng mga mambabatas sa pagsasabatas ng diborsiyo sa Pilipinas.

 

Ito ang reaksiyon ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias at Chairman ng CBCP – National Appellate Matrimonial Tribunal sa pag-apruba ng House Committee on Population and Family Relations sa tatlong inakdang divorce bill sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

 

“Sa ating gobyerno parang ang nababasa ko ay sila’y desidido na sa ganyan para bagang para ipakita na talagang ang divorce ay meron na sa Pilipinas,” pahayag ni Bishop Tobias sa panayam sa Radyo Veritas.

 

Base sa 2014 report ng Office of the Solicitor General, umaabot sa higit sampung libo ang naitalang annulment case sa bansa.

 

Nasa pagitan ng edad 21 hanggang 25 taong gulang na nakapagsama palang ng 1 hanggang 5 taon ang nagsusumite ng pagpapawalang bisa ng kasal.

 

Samantala sa 2015 Philippine Statistics Authority, naitala na 1,135 ang nagpakasal kada araw; 42 percent ay sa pamamagitan ng civil wedding habang 36 percent naman ang nagpakasal sa Simbahan.

 

Ang bilang na ito ay bumaba ng 20 porsiyento simula taong 2005.

 

Matatandaan namang Disyembre taong 2015 ng inilabas ni Pope Francis ang Mitis Iudex Dominus Iesus kung saan pinasimple ang proseso ng annulment ng Simbahan. (Gene Asuara)

Duterte at BI Com Jaime Morente, inaasahang maghaharap

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHANG magkaka-face-to-face sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente sa gitna ng naungkat na bribery scandal sa ahensiyang pinamumunuan nito.

 

Posibleng mangyari ang paghaharap ng dalawa sa susunod na cabinet meeting kung saan ay nais mismo ng Pangulo na malaman ang pagpapatakbo ni Morente sa Immigration Bureau.

 

Ayon sa isang source, kanyang sasabihan ang BI chief na dumalo sa cabinet meeting na posibleng gawin sa unang Lunes, Marso 2, 2020.

 

Sa naturang pulong ng mga miyembro ng gabinete ay inaasahang mismong si Morente ang magpe-presenta sa Chief Executive sa kung paano nito pinangangasiwaan ang BI at kung ano ang sitwasyon sa ahensiya kasunod ng nabuking na anomalya ng ilang mga kawani at opisyal nito.

 

Kaugnay nito ay sinibak na sa pwesto ng Pangulo ang lahat ng mga nasangkot sa bribery scheme sa airport na tinaguriang ‘pastillas modus’. (Daris Jose)

Implementasyon ng RA 10070, siniguro ng Bulacan provincial social welfare

Posted on: February 24th, 2020 by @peoplesbalita No Comments

SA tagubilin ni Gobernador Daniel R. Fernando, siniguro ni Bulacan Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena Joson-Tiongson na maayos na naipatutupad sa lalawigan ang Republic Act No. 10070 kung saan nakapaloob ang pagkakaroon ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) dahilan upang magkaroon ng PWD General Assembly sa Mall Atrium, SM Pulilan.

 

Ipinaliwanag ni Tiongson na bagama’t kasama sa People’s Agenda ng gobernador, ang nasabing batas na tumitiyak para sa mas malawak na pagpapatupad ng mga programa at serbisyo para sa mga taong may kapansanan sa bawat lalawigan, lungsod at bayan ay ginagawa sa Bulacan, kaugnay nito nagpaskil ng bakanteng posisyon para sa PDAO IV sa ilalim ng PSWDO.

 

“Nag-post ang PHRMO ng notice of vacancy noong January 29 hanggang February 13, masusing siniyasat lahat ng documents as required by the Civil Sevice Commission including their educational background, training, expertise and eligibility, kinakailangan na yung mga nag-qualify ay dumaan sa ganitong assembly at maiharap sa inyo,” ani Tiongson.

 

Nasa 12 ang aplikante na nagsumite sa HR, tatlo ang natirang kwalipikado na iniharap sa mga taong paglilingkuran nila sa malapit na hinaharap at iminungkahi ni Briccio Aguilar, pangulo ng Kasama ka Samahan ng mga Taong may Kapansanan o KASAMAKA sa Bulacan na hindi na kailangang dumaan sa secret balloting ang tatlo dahil kakaunti lamang at napagkasunduan din na awtomatikong kasama na sila sa mga sasalain ng Personnel Selection Board at sa huli, nasa pagpapasya ng gobernador na nakasaad sa batas.

 

Sinabi din ni Aguilar na nasasabik na silang magtrabaho at gumawa ng maraming proyekto para sa mga PWD kasama ang sinumang papalaring maging pinuno ng PDAO.

 

“Salamat at may makakasama na kami na kakatawan talaga sa amin,” ani Aguilar.

 

Ayon pa kay Tiongson, pagkalipas ng 45 araw, ipapaskil nila ang pangalan ng mapipili para sa nasabing posisyon at ibinahaging umaasa sya na higit nilang matutugunan ang pangangailangan ng mga PWD sa lalawigan.

 

Bago nito, nagpakitang gilas ang mga PWD ng iba’t ibang talento upang magpasaya at nagsalu-salo ng pananghalian.
Ipinaliwanag din sa kanila ni Patricia Alvaro, health educator ng Provincial Health Office-Public Health ang kasalukuyang estado sa lalawigan ng Corona Virus Disease (COVID19) na dating kilala sa tawag na Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease o ang 2019-nCoV ARD at mga paraan kung paano ito maiiwasan. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)