“Mali ang ginawa, pero totoo ang mga sinabi niya.”
Ito ang karamihang reaksiyon sa halos sampung oras na hostage-taking sa isang mall sa Greenhills, San Juan nitong nakalipas na araw na kinasangkutan ng isang security guard.
Sa social media mas marami ang umayon sa kanyang panig, sumasalamin siya ngayon sa mayorya ng mahihirap na sinugal ang kalayaan makamit lamang ang karapatan sa mga buwayang oligarko.
Sa mistulang presscon, inilahad ng hostage-taker na napag-alamang sinibak na sekyu ang mga aniya’y hindi patas na pagtrato sa kanilang mga sekyu at ang nagaganap umanong korupsiyon at iba pang labor issues sa kanilang ahensiya at maging sa mall.
At bago pa man ang insidente, aminado ang Department of Labor and Employment (DOLE) na may natanggap na silang reklamo kaugnay sa naganap na sibakan.
Hindi ito ang tama at mabuti, sa pamamagitan nito ay nagbukas ang pagkakataon para mapag-usapan ang mga isyu at hinaing, hindi lang ng mga security guard kundi ng iba pang mga manggagawa.
Mulat tayo sa katotohanan na marami talaga ang lumalabag sa batas-paggawa na tila hindi nabibigyan ng pansin ng gobyerno.
May mga manggagawa rin na sunud-sunuran na lang kesa mawalan ng kayod habang meron ding wala talagang sapat na kaalaman sa kanyang mga karapatan kaya hindi makapagreklamo.
Ilan sa mga karapatan ng manggagawa ay ang kasiguruhan na hindi basta-basta matatanggal sa trabaho nang walang sapat na dahilan na ayon sa batas, tamang suweldo, pagkakaroon ng mga benepisyo, ligtas na lugar ng pinagtatrabahuhan at iba pa.
Sana ay magsilbi itong panggising sa gobyerno na palaging bantayan ang kapakanan ng lahat, sa mga manggagawa na alamin ang ating mga karapatan at ipaglaban ito sa tamang paraan at sa mga boss o namamahala sa trabaho na sumunod tayo sa batas at maging makatao.