Hinikayat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga Filipino na labanan ang climate change sa pamamagitan ng pagtangkilik sa “plant-based diet” na napag-alaman na nakababawas ng “ecological footprint” ng “human food consumption.”
Ang DENR, sa pamamagitan ng Environmental Management Bureau (EMB), ay naglunsad ng isang buwang “public information drive” upang hikayatin ang publiko na iwasan ang pagkain ng animal-based products sa halip ay kumain na lamang ng prutas at gulay.
Ang “Plant-Based Solutions for Climate Change,” isang kampanya na nakapaloob sa pagdiriwang ng Nutrition Month ngayong Hulyo, ay nanghihikayat sa mga Filipino na kumain ng mas maraming prutas at gulay, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na balanseng nutrisyon mula sa “three main food groups” – ang “go, grow and glow” na mga pagkain.
Ayon kay EMB Director William Cuñado, ang pagtangkilik sa plant-based diet ay isang paraan upang mabawasan ang environmental impact ng food consumption ng isang tao.
“Switching to a plant-based diet not only benefits one’s health, it can also help protect the environment due to the smaller environmental footprints plant-based diets tend to have,” sabi pa ni Cuñado.
Base sa obserbasyon ng inyong lingkod, isa sa maituturing na pinakamahalagang dapat nating gawin ay baguhin ang ating lifestyle sa pamamagitan ng pagkain ng mga sariwang prutas at gulay.
Ang mga bagong pitas at ligtas sa kemikal na mga bungang kahoy at gulay ay ang mga pinakamayamang mapagkukunan ng “antioxidants”, na nakatutulong sugpuin ang anomang pinsalang maidudulot ng “free radicals”. Ang mga ito rin ang nagtataglay ng mga mapangalagang “phytochemicals”, gaya ng “flavonoids” at “carotenoids”.
Base sa isinagawang pag-aaral ng United Nations Food and Agriculture Organization noong 2013, ang pagkain ng karne mula sa hayop partikular na ang karne ng baka, ay nakapagtatala ng 14.5 percent ng global greenhouse gases kada taon.
Ito ay halos katumbas ng pinaghalong emission ng mga kotse, truck, eroplano at mga barko sa buong mundo.
Ayon sa isang pag-aaral ng University of Oxford, ang pagtigil sa pagkain ng meat at dairy products ay nakapagpapabawas ng kanyang carbon footprint ng hanggang 73%.
Sinabi pa ni Cuñado, sa pamamagitan ng plant-based diet, na nababawasan ang greenhouse gas emission, water consumption at land used para sa factory farming, kung saan ang lahat ng ito ay mga sanhi ng global warming at environmental degradation.
“By gradually modifying our meals and shifting to balanced diets with more plant-based food, we have already taken part in reducing greenhouse gases, which in turn will help slow down the rise in global temperatures,” diin pa ni Cuñado.
Ang isang buwan na kampanyang ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng virtual o online dahil na rin sa restriction dulot ng COVID-19 pandemic.
Ang EMB ay regular na naglalabas ng infographics patungkol sa plant-based diet bilang solusyon sa climate change sa official Facebook page nito upang madali itong maunawaan at sundin ng mga tao.
Naglunsad din ito ng online food photo contest na tatawaging #UOTD o Ulam of the Day, kung saan ang mga kalahok ay maaaring ipadala ang larawan ng kanilang pagkain base sa nakasaad sa Pinggang Pinoy food guide na inirerekomenda ng FNRI.
Ang Pinggang Pinoy ay isang madaling intindihin na food guide na gumagamit na pamilyar na food plate model ng tama at balanseng pagkain.
Layunin nito na matulungan ang mga Filipino na magkaroon ng tama at malusog na habit ng pagkain na kailangan para makuha ang pinakamataas na sustansya na kanilang makukuha sa pagkain.