Inaanyayahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko na makiisa sa 2020 Census of Population and Housing na gagawin sa darating na Setyembre 2020.
Sa launching ng 2020 census, binigyan diin ni PSA undersecretary at National Statistician Dennis Mapa ang kahalagahan ng naturang hakbang na pinaglaanan ng P3.8 billion na pondo.
Iginiit ni Mapa na ang mga impormasyon na malilikom sa census ay malaki ang maitutulong sa iba’t ibang pangkat ng gobyerno para sa pag-develop ng mga ito ng kani-kanilang mga programa, gayundin sa iba pang mga sektor ng lipunan.
Iba’t ibang pamamaraan ang gagamitin ng PSA sa census na gagawin sa buong buwan ng Setyembre bilang tugon sa hamon na hatid ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Mapa, magkakaroon ng option ang publiko kung sila ay payag sa face-to-face interview o gawin na lamang ito via telephone o online.
Maari rin aniya na sagutan na lamang ang self-administered questionnaire na personal na ihahatid ng mahigit 100,000 enumerators na magiikot sa buong bansa.
Tintitiyak rin ni Mapa ang mahigpit na pagsunod ng mga enumerators sa health at safety protocols na inilatag ng pamahalaan.
Mahigpit din aniya ang kanilang koordinasyon sa mga local government units patungkol naman sa mga high-risk areas, para sa mga necessary adjustments na kanilang maaring gawin.
Binigyan diin ni Mapa na lahat ng mga malilikom na impormasyon sa census ay highly confidential at hindi magagamit sa ibang paraan.
Mababatid na base Batas Pambansa Bilang 72 at Executive Order 352, obligado ang Philippine Statistics Authority na magsagawa ng census of the population and household kada 10 years . (Daris Jose)